Pumunta sa nilalaman

Ang Supreme Court of Cassation of Bulgaria na nasa Sofia

MAYO 20, 2019
BULGARIA

Pinrotektahan ng mga Tagumpay sa Korte Suprema ang Karapatang Sumamba ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria

Pinrotektahan ng mga Tagumpay sa Korte Suprema ang Karapatang Sumamba ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria

Ang Supreme Court of Cassation of Bulgaria, ang pinakamataas na korte sa bansang iyon, ay nagdesisyon pabor sa tatlong kaso ng ating mga kapatid noong Marso 2019. Ang mahahalagang tagumpay na ito ay makakatulong para maprotektahan ang karapatan ng ating mga kapatid sa bansang iyon na sumamba kay Jehova.

Ang dalawa sa mga kaso ay may kaugnayan sa paninirang-puri ng media. Noong 2012, inilathala ng diyaryong Vseki Den ang isang artikulo na naglalaman ng mga kasinungalingan tungkol sa mga paniniwala natin. Gayundin, noong 2014, ang istasyong SKAT TV ay nagpalabas ng maling mga balita tungkol sa organisasyon natin. Pareho nilang tinanggihan ang kahilingan ng ating mga kapatid na bawiin ang mga iniulat nilang negatibo. Matapos ang serye ng mga kaso at apela, umabot ang mga ito sa Korte Suprema. Noong Marso 18, 2019, nagbaba ng hatol ang Korte Suprema na labag sa batas ang ginawa ng SKAT TV. Noong Marso 26 naman, ginamit ng Korte ang hatol na ito bilang basehan para patawan ng parusa ang Vseki Den dahil sa pagsisinungaling nito.

Ang ikatlong kaso ay tungkol sa malupit na pag-uusig na dinanas ng mga kapatid sa kamay ng politikal na grupong tinatawag na VMRO-Bulgarian National Movement. Noong Abril 17, 2011, nagtipon ang mga kapatid natin para sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Isang grupo ng 60 mang-uumog, na inorganisa ng lider ng VMRO na si Georgi Drakaliev, ang walang awang nanakit sa ating mga kapatid. Dahil diyan, nagsampa ng kaso ang mga kapatid, at umabot ito sa Korte Suprema. Noong Marso 20, 2019, nagdesisyon ang Korte laban kay Mr. Drakaliev, at kailangan niyang magbayad ng danyos sa mga kapatid.

Masaya tayo sa tatlong tagumpay na ito. Magagamit ang mga desisyong ito bilang basehan para maprotektahan ang karapatan ng mga kapatid natin na ‘patuloy na makapamuhay nang payapa, tahimik, at may makadiyos na debosyon.’—1 Timoteo 2:2.