Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Nanganganib na Maaresto

Nanganganib na Maaresto

‘Maingat na Gaya ng mga Serpiyente Pero Walang Muwang na Gaya ng mga Kalapati’

Napakahalagang patuloy na makatanggap ng espirituwal na pagkain ang matapat na mga lingkod ni Jehova sa panahon ng pagbabawal. Pero mapanganib na panahon iyon para sa tunay na mga mananamba dahil maraming kapatid ang naaresto at ilang beses na nasentensiyahan ng pagkabilanggo.

“Nang malaman ko ang katotohanan noong 1953,” ang kuwento ni Juanita Borges, “alam na alam ko na, bilang Saksi ni Jehova, puwede akong maaresto. At iyon nga ang nangyari. Noong Nobyembre 1958, dumalaw ako kay Sister Eneida Suárez. Pagkatapos, dumating ang secret police at pinagbintangan kaming nagpupulong. Sinentensiyahan kaming mabilanggo nang tatlong buwan at pinagmulta ng tig-100 piso [Dominican peso]—noo’y katumbas ng $100 (U.S.).”

Detalyado ang listahan ng secret police tungkol sa ating mga kapatid.

Kahit ginawa ng gobyerno ang lahat para huwag makapagpulong ang mga Saksi, hindi natinag ang mga kapatid. Kaya lang, kinailangan nilang maging ‘maingat na gaya ng mga serpiyente pero walang muwang na gaya ng mga kalapati.’ (Mat. 10:16) Ikinuwento ni Andrea Almánzar: “Kapag dumadalo ng pulong, hindi kami sabay-sabay dumarating. At madalas, gabing-gabi na kami umuuwi dahil iniiwasan naming magsabay-sabay para hindi mapaghinalaan.”

Si Jeremías Glass, na ipinanganak habang nakabilanggo ang ama niyang si León, ay naging mamamahayag noong 1957 sa edad na pito. Natatandaan pa niya ang patagong pagpupulong na idinaraos sa kanilang tahanan at ang mga pag-iingat na ginagawa nila para hindi mahuli. “Lahat ng dumadalo ay binibigyan ng maliit na cardboard na may numerong nagsasabi kung pang-ilan silang aalis,” ang kuwento ni Jeremías. “Pagkatapos ng pulong, pinapupuwesto ako ng tatay ko sa pinto para tingnan ang mga numero ng cardboard at sabihan ang mga dumalo na umalis nang dala-dalawa papunta sa magkakaibang direksiyon.”

Ang isa pang pag-iingat ay ang pag-iiskedyul ng mga pulong sa mga alanganing oras para hindi sila mahuli. Halimbawa, nalaman ni Mercedes García ang katotohanan mula sa kaniyang tiyo na si Pablo González. Namatay ang nanay niya noong pitong taóng gulang pa lang siya habang nakabilanggo ang kaniyang tatay, at naiwan silang 10 magkakapatid. Nabautismuhan si Mercedes noong 1959 sa edad na siyam. Para hindi sila mahuli, idinaos ang pahayag sa bautismo nang 3:30 n.u. sa bahay ng isang kapatid. Ginanap naman ang bautismo sa Ozama River, na bumabagtas sa kabisera. Sinabi ni Mercedes, “Papauwi na kami nang 5:30 n.u. habang kagigising pa lang ng mga tao sa lugar namin.”