Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Isang Bagong Pulong Para sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano

Isang Bagong Pulong Para sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano

SA TAUNANG miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania noong Oktubre 3, 2015, ipinatalastas ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala na ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, Pulong sa Paglilingkod, at Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya ay papalitan ng isang bagong pulong na tinatawag na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano. Ipinaliwanag din ni Brother Morris na ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay papalitan ng bagong apat-na-kulay at walong-pahinang buwanang publikasyon na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong, na naglalaman ng lingguhang iskedyul ng pulong at mga larawan na dinisenyo para gawing mas kapaki-pakinabang ang personal na pagbabasa ng Bibliya.

Ang bagong pulong ay nahahati sa tatlong pangunahing seksiyon:

  1. Kayamanan Mula sa Salita ng Diyos. Ang unang bahagi ng seksiyong ito ay 10-minutong pahayag batay sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya at larawan mula sa workbook. Ang ikalawang bahagi, ang “Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas,” ay walong-minutong tanong-sagot na pagtalakay sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya, na susundan ng apat-na-minutong pagbabasa ng Bibliya.

  2. Maging Mahusay sa Ministeryo. Sa seksiyong ito, karaniwan nang itinatanghal ng tatlong estudyante kung paano magtuturo sa unang pag-uusap, sa pagdalaw-muli, at sa pag-aaral sa Bibliya.

  3. Pamumuhay Bilang Kristiyano. Tinatalakay sa seksiyong ito ang praktikal na pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa araw-araw na buhay. Mahalagang bahagi ng seksiyong ito ang tanong-sagot na pagtalakay sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya.

Pinahahalagahan ng mga mamamahayag sa buong daigdig ang praktikal na pagsasanay na inilalaan ng bagong pulong. Isang brother sa Australia ang sumulat: “Napakaganda ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo! Ang materyal ay tila mas may kaugnayan sa ating buhay ngayon, at simple ang mga presentasyon. Parang napakabilis ng oras, mas maikli ang mga bahagi, diretso sa punto, at kahanga-hanga, lalo na ang mga video at ang pakikibahagi ng mga bata.”

Ganito naman ang isinulat ng isang lupon ng matatanda sa Italy: “Napansin namin na napasigla kaming lahat ng bagong pulong na lubusang maghanda anupat sumulong ang kalidad ng aming pagtuturo. Ang bagong pulong sa gitnang sanlinggo ay isang kamangha-manghang paraan ng pagtuturo ni Jehova sa kaniyang bayan. Isang 15-anyos na mamamahayag ang nagsabi: ‘Dati, mahirap magpokus sa buong pulong. Pero nakatulong sa akin ang bagong pulong na ito na magpokus at maghandang mabuti sa bahay.’”

Isang pamilya mula sa Austria ang sumulat: “Isang hamon noon ang aming lingguhang pagbabasa ng Bibliya kasama ang 10-taóng-gulang naming anak na babae. Pero ang seksiyong ‘Kayamanan Mula sa Salita ng Diyos’ ay nagpakilos sa amin na mas malayang magkomento. Kaming tatlo ngayon ay nag-e-enjoy sa paghahanda para sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya. Isa pa, nakikita namin ang espirituwal na pagsulong ng aming anak.”

Ganito ang sabi ni Ines mula sa Germany: “Napasigla akong ihanda ang materyal at pag-isipan itong mabuti. Hindi ako masyadong nagre-research noon. Mas napalapít ako kay Jehova ngayon. Nakapapagod at nakapanghihina ang daigdig ni Satanas. Dahil sa mga pulong, muli akong napasigla na magpatuloy.”

Lubos na nasisiyahan ang mga kongregasyon sa Solomon Islands sa bagong pulong sa gitnang sanlinggo at puspusan silang nagsisikap para lubusang makinabang dito. Maraming kongregasyon ang nasa liblib na mga lugar na walang kuryente o Internet service, at ang mga kapatid ay umaasa sa kanilang lupain para sa ikabubuhay nila. Paano sila nagkaroon ng video equipment at nakapanonood ng mga video para sa mga pulong sa bawat buwan? Nagtulong-tulong ang mga mamamahayag sa isang kongregasyon sa isla ng Malaita para magbenta ng kopra. Iniabuloy nila ang pera sa kongregasyon para makabili sila ng simpleng video playback system na puwedeng paandarin ng enerhiya mula sa araw. At para makakuha ng mga video bawat buwan, ang mga brother ay naglalakbay sa pinakamalapit na lugar na may Internet para ma-download nila ang mga file, na ibinabahagi naman nila sa mga kapatid sa kongregasyon.

“Parang mas natututo ako sa mga visual aid,” ang isinulat ng isang brother sa United States. “Problema ko na ito sa loob ng mahigit 40 taon. Kailangan kong basahin nang paulit-ulit ang isang bagay bago ko ito maintindihan at maipaliwanag sa iba. Kaya gusto kong pasalamatan ang Lupong Tagapamahala sa lahat ng visual aid na pantulong sa pag-aaral na tinanggap namin. Ang ganda ng mga video na introduksiyon sa mga aklat ng Bibliya, at ang mga ilustrasyon sa workbook para sa pulong ang mismong kailangan ko! Kitang-kita na pinagpapala ni Jehova ang inyong mga pagsisikap sa paggawa nito para sa kaniyang bayan. Maraming-maraming salamat.”

Malawi