Introduksiyon sa Mateo
Manunulat: Mateo
Saan Isinulat: Israel
Natapos Isulat: mga 41 C.E.
Panahong Saklaw: 2 B.C.E.–33 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Ipinapakita ng mga ebidensiya na unang isinulat ni Mateo ang Ebanghelyo niya sa wikang Hebreo walong taon pa lang pagkamatay ni Jesus; posibleng siya mismo ang nagsalin nito sa Griego.
Tinatayang mga isang daang beses bumanggit ng impormasyon si Mateo mula sa Hebreong Kasulatan. Mga 40 sa mga ito ang direktang pagsipi.
Malamang na isinulat ni Mateo ang ulat tungkol sa buhay ni Jesus pangunahin na para sa mga Judio.
Dating maniningil ng buwis si Mateo. Malamang na iyan ang dahilan kaya espesipiko siya kapag bumabanggit ng pera, bilang, at halaga. (17:27; 26:15; 27:3)
Si Mateo lang ang nag-ulat ng paulit-ulit na pagdiriin ni Jesus na kailangan ang awa bukod sa hain. (9:9-13; 12:7; 18:21-35)
Ginamit ni Mateo ang terminong “Kaharian” nang mahigit 50 beses.
Sa unang 18 kabanata, itinampok ni Mateo ang Kaharian, kaya hindi kronolohikal ang ulat niya. Pero sa huling 10 kabanata (19 hanggang 28), halos ayon na sa pagkakasunod-sunod ang mga pangyayaring iniulat niya.
Mahigit 40 porsiyento ng Ebanghelyo ni Mateo ay hindi mababasa sa iba pang Ebanghelyo. Kasama rito ang di-bababa sa 10 ilustrasyon: ang mga panirang-damo sa bukid (13:24-30), ang nakabaong kayamanan (13:44), ang magandang klase ng perlas (13:45, 46), ang lambat (13:47-50), ang walang-awang alipin (18:23-35), ang mga manggagawa at ang denario (20:1-16), ang ama at ang dalawang anak niya (21:28-32), ang kasal ng anak ng hari (22:1-14), ang 10 dalaga (25:1-13), at ang mga talento (25:14-30).