Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Saysay Pa Rin ang Mabuhay

May Saysay Pa Rin ang Mabuhay

Mahigit isang taon pagkamatay ng misis ni Faizal, kinailangan niyang magpaopera sa puso. Sinabi niya: “Nang mabasa ko ang aklat ng Job, alam kong may dahilan kung bakit ipinasulat iyon ni Jehova. Gumagaan ang loob natin kapag may nabasa tayo sa Bibliya na kapareho ng ating nararamdaman.” Sinabi pa niya: “May saysay pa rin ang mabuhay.”

Bata pa si Tarsha nang mamatay ang nanay niya. Sinabi niya: “Kahit maraming problema, masaya tayo. May layunin at pag-asa ang buhay dahil kilala natin ang Maylalang. Kayang-kaya tayong palakasin at tulungan ni Jehova para makayanan natin ang bawat araw.”

IPINAKITA ng naunang mga artikulo na dahil sa masasaklap na karanasan, naiisip ng ilan na parang hindi na nila kayang mabuhay. Habang pasan-pasan mo ang mga problema mo, baka maisip mo kung may saysay pa ang buhay mo o kung may nagmamalasakit sa iyo. Makakatiyak ka na nagmamalasakit sa iyo ang Diyos. Mahalaga ka sa kaniya.

Nagtiwala sa Diyos ang manunulat ng Awit 86: “Tatawag ako sa iyo sa araw ng pagdurusa ko, dahil sasagutin mo ako.” (Awit 86:7) Pero baka maisip mo, ‘Paano ako sasagutin ng Diyos “sa araw ng pagdurusa ko”?’

Hindi agad-agad lulutasin ng Diyos ang mga problema mo. Pero tinitiyak ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na bibigyan ka niya ng kapayapaan ng isip para makayanan mo ang iyong sitwasyon: ‘Huwag kang mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám mo sa Diyos ang lahat ng pakiusap mo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa iyong puso at isip.’ (Filipos 4:6, 7) Tingnan mo kung paano tinitiyak sa atin ng sumusunod na mga teksto sa Bibliya ang pagmamalasakit ng Diyos.

Nagmamalasakit sa Iyo ang Diyos

“Walang isa man sa mga [mayang] ito ang napapabayaan ng Diyos. . . . Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”Lucas 12:6, 7, talababa.

PAG-ISIPAN ITO: Kahit ang mga ibon ay mahalaga sa Diyos. Napapansin niya kahit ang maliliit na maya; bawat isa sa mga ito ay mahalaga sa kaniyang paningin. Mas mahalaga sa Diyos ang mga tao kaysa sa mga maya. Bilang obra maestra sa mga nilalang sa lupa, ang tao ay ginawa ng Diyos ayon sa kaniyang “larawan” at may kakayahang magpakita ng mga dakilang katangian niya.—Genesis 1:26, 27.

“O Jehova, sinuri mo ako, at kilala mo ako. . . . Alam mo ang mga iniisip ko. . . . Suriin mo ako, at alamin mo ang mga ikinababahala ko.”Awit 139:1, 2, 23.

PAG-ISIPAN ITO: Kilalang-kilala ka ng Diyos. Alam niya ang kaloob-loobang damdamin at ikinababahala mo. Baka hindi maintindihan ng iba ang pinagdaraanan mo, pero nagmamalasakit sa iyo ang Diyos at gusto ka niyang tulungan. Dahil diyan, may saysay pa rin ang buhay mo.

May Kabuluhan ang Buhay Mo

“O Jehova, dinggin mo ang panalangin ko; makarating nawa sa iyo ang paghingi ko ng tulong. . . . Pakinggan mo ako; sagutin mo ako agad kapag tumawag ako. . . . Pakikinggan niya ang panalangin ng mga naghihirap.”Awit 102:1, 2, 17.

PAG-ISIPAN ITO: Para bang mula sa pasimula ng paghihirap ng tao, inirerekord na ni Jehova ang bawat luhang pumapatak dahil sa pagdurusa ng tao. (Awit 56:8) Kasama rito ang mga luha mo. Natatandaan ng Diyos ang lahat ng iyong pinagdaraanan at luha dahil mahalaga ka sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita . . . Ako, si Jehova na iyong Diyos, . . . ang nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Tutulungan kita.’”Isaias 41:10, 13.

PAG-ISIPAN ITO: Handa kang tulungan ng Diyos. Kapag nadapa ka, ibabangon ka niya.

May Magandang Kinabukasang Naghihintay

“Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”Juan 3:16.

PAG-ISIPAN ITO: Dahil mahal na mahal ka ng Diyos, kusang-loob niyang ibinigay ang kaniyang Anak na si Jesus bilang hain para sa iyo. Kaya may pag-asa kang magkaroon ng maligaya at makabuluhang buhay magpakailanman. *

Kahit problemado ka at parang hindi mo na kaya, pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos at manampalataya ka sa mga pangako niya. Dahil dito, magiging maligaya ka at makakapagtiwalang may saysay pa rin ang buhay mo

^ Para malaman kung paano ka makikinabang sa hain ni Jesus, panoorin ang video na Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus sa www.mt711.com/tl. Tingnan sa TUNGKOL SA AMIN > MEMORYAL.