Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI

Ang Pinakamabuting Tulong Para sa mga Nagdadalamhati

Ang Pinakamabuting Tulong Para sa mga Nagdadalamhati

KAMAKAILAN, PINAG-AARALAN NANG HUSTO ANG SAKIT NA DULOT NG PAGKAMATAY NG MAHAL SA BUHAY. Pero gaya ng natalakay natin, ang pinakamabuting payo ng mga eksperto ay kadalasang kaayon ng makikita sa sinaunang aklat ng karunungan, ang Bibliya. Talagang di-kumukupas ang payo nito! Pero hindi lang maaasahang payo ang nilalaman ng Bibliya. May impormasyon din na dito mo lang masusumpungan, na makapagbibigay ng napakalaking tulong sa mga nagdadalamhati.

  • Katiyakan na ang mga namatay nating mahal sa buhay ay hindi nagdurusa

    “Walang alam ang mga patay,” ang sabi ng Bibliya sa Eclesiastes 9:5. “Naglalaho ang pag-iisip” nila. (Awit 146:4) Kaya naman, inihalintulad ng Bibliya sa mahimbing na pagtulog ang kamatayan.​—Juan 11:11.

  • Kaaliwan dulot ng paniniwala sa isang maibiging Diyos

    Sinasabi ng Awit 34:15: “Ang mga mata ni Jehova * ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa paghingi nila ng tulong.” Kapag sinasabi natin sa Diyos ang ating nararamdaman sa pamamagitan ng panalangin, hindi lang gumagaan ang ating loob o napapanatag ang ating isip. Tumitibay rin ang personal na kaugnayan natin sa Maylikha, na may kapangyarihang umaliw sa atin.

  • Kapana-panabik na magandang kinabukasan

    Isip-isipin ang panahong bubuhaying muli sa lupa ang mga namatay! Paulit-ulit na binabanggit sa Bibliya ang pag-asang iyan. Inilalarawan ng Bibliya ang magiging kalagayan sa lupa sa hinaharap: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata [natin], at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Talagang napatibay ng pag-asang pagkabuhay-muli ang maraming naniniwala kay Jehova, ang Diyos ng Bibliya. Halimbawa, namatay ang asawa ni Ann matapos ang kanilang 65-taóng pagsasama. Sinabi niya: “Tinitiyak sa akin ng Bibliya na hindi nagdurusa ang mga namatay nating mahal sa buhay at na bubuhaying muli ng Diyos ang lahat ng nasa alaala niya. Ito ang lagi kong iniisip tuwing nangungulila ako, kaya nakayanan ko ang pinakamasaklap na nangyari sa buhay ko!”

Sinabi ni Tiina, na nabanggit kanina: “Mula nang mamatay si Timo, naramdaman ko ang tulong ng Diyos. Damang-dama ko ang pag-alalay ni Jehova noong nagdadalamhati ako. Totoong-totoo sa akin ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli. Pinalalakas ako nito na patuloy na mabuhay hanggang sa araw na muli kong makita si Timo.”

Ganito rin ang nadarama ng milyon-milyong naniniwala sa Bibliya. Baka iniisip mo na ang sinasabi ng Bibliya ay hindi totoo at pawang panaginip lang. Pero suriin mo pa rin ang mga katunayan na ang mga payo at pangako nito ay maaasahan. At makikita mo na ang Bibliya ang pinakamabuting tulong para sa mga nagdadalamhati.

MATUTO PA NANG HIGIT TUNGKOL SA PAG-ASA NG MGA NAMATAY

Panoorin ang kaugnay na mga video sa aming website, jw.org/tl

Nangangako ang Bibliya na sa hinaharap, makakasama nating muli ang mga namatay nating mahal sa buhay

ANO ANG KALAGAYAN NG MGA PATAY?

Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo? Ang malinaw na sagot ng Bibliya ay nakakatulong at nagbibigay ng pag-asa

Tingnan sa LIBRARY > VIDEO (Kategorya ng Video: ANG BIBLIYA)

GUSTO MO BA NG MAGANDANG BALITA?

Kabi-kabila ang masasamang balita. Saan ka makakakuha ng magandang balita?

Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > KAPAYAPAAN AT KALIGAYAHAN

^ Sa Bibliya, Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.