Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Kombensiyon sa TV at Radyo

Kombensiyon sa TV at Radyo

AGOSTO 1, 2021

 Makasaysayan ang 2020 panrehiyong kombensiyon! Ito ang una nating kombensiyon na pambuong mundo na nirekord at naging available sa pamamagitan ng Internet. Pero sa Malawi at Mozambique, pinanood ng karamihan sa mga kapatid ang kombensiyon nang walang Internet. Paano?

 Inaprobahan ng Coordinators’ Committee at Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala na i-broadcast ang kombensiyon sa Malawi at Mozambique gamit ang TV at radyo. Bakit ito kailangan? Ang Malawi ang isa sa may pinakamahal na Internet sa buong mundo, kaya kakaunti lang sa mga kapatid natin doon ang may Internet. Gaya ng ipinaliwanag ni William Chumbi, miyembro ng Komite ng Sangay sa Malawi: “Radyo at TV lang ang paraan para mailaan ang espirituwal na pagkaing ito sa mga kapatid.” Sinabi pa ni Luka Sibeko, na naglilingkod din sa Komite ng Sangay sa Malawi: “Kung hindi namin ’yon mapapanood sa TV o mapapakinggan sa radyo, kakaunting kapatid lang sa teritoryo ng sangay namin ang makikinabang sa kombensiyon.” Sa Mozambique naman, kakaunti lang din sa mga kapatid natin ang kayang magkaroon ng gadyet, lalo na ng Internet.

Paggawa ng mga Kaayusan

 Dahil sa COVID-19 pandemic, may ilan nang istasyon sa TV at radyo na nagbo-broadcast ng mga pulong sa kongregasyon. a Nakipag-usap ang mga kapatid sa mga istasyong ito para humiling ng karagdagang oras para i-broadcast ang kombensiyon.

 Sa Malawi, nagkaproblema ang mga kapatid. Karaniwan nang isang oras lang ang ibinibigay ng mga broadcasting station sa mga kostumer nila. Nag-aalala kasi ang mga istasyong ito na baka magsawa ang mga tagapakinig kapag hinabaan ang programa. Pero ipinaliwanag ng mga kapatid na public service ang gawain natin. Kahit may lockdown, naglalaan tayo sa publiko ng mabuting balita mula sa Bibliya, na makakatulong sa kanila na maging mabuting mamamayan at magkaroon ng masayang pamilya. Dahil dito, pumayag sila na bigyan ng mas mahabang oras ang mga kapatid.

 Sa Malawi, naka-broadcast ang kombensiyon sa isang TV station at isang radio station, na parehong available sa buong bansa at naa-access ng milyon-milyong tao. Sa Mozambique naman, naka-broadcast ang kombensiyon sa isang TV station at 85 radio station.

 Sa dalawang bansang ito, $28,227 b ang nagastos para i-broadcast sa TV ang kombensiyon at halos $20,000 naman para i-broadcast ito sa radyo. Iba-iba ang halagang ibinabayad sa mga radio station—mula $15 para sa maliit na istasyon hanggang $2,777 para sa istasyong available sa buong bansa.

 Nagsikap ang mga brother na masulit ang mga donasyon. Halimbawa, sa Malawi, napapayag nila ang mga istasyon na bigyan sila ng discount, at may nagbigay pa nga sa kanila ng 30 percent discount. Dahil dito, nakatipid sila ng $1,711. Sa Mozambique naman, pumayag ang ilang istasyon na bawasan ang singil nila dahil sa tapat tayo at nasa oras tayo sa pagbabayad.

Mga Pasasalamat

 Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa panonood at pakikinig ng kombensiyon sa mga istasyon sa lugar nila. Sinabi ni Patrick, isang elder sa Malawi: “Nagpapasalamat kami sa Lupong Tagapamahala dahil sa pagmamalasakit nila sa amin ngayong pandemic.” Sinabi naman ni Isaac, na taga-Malawi rin: “Wala kaming ibang device kundi radyo, kaya talagang nagpapasalamat kami sa paglalaang ito mula sa organisasyon ni Jehova. Dahil dito, nakinabang ang buong pamilya namin sa kombensiyon. Patunay ito na mahal ni Jehova ang mga lingkod niya.”

 Ang 2020 kombensiyon ang kauna-unahang kombensiyon ng isang kapatid sa Mozambique. Sinabi niya: “Dahil sa kaayusang panoorin ang kombensiyon sa TV, napag-isip-isip kong si Jehova talaga ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Hindi siya napigilan ng pandemic na magbigay ng espirituwal na pagkain, at sa loob pa mismo ng bahay namin. Kitang-kita ko na talagang mahal ng mga lingkod ni Jehova ang isa’t isa. Ito nga talaga ang tunay na relihiyon.”

 Sinabi ng elder na si Wyson: “Gusto kong magpasalamat sa pag-aalaga sa amin ng tapat na alipin ngayong pandemic. Malaking tulong ang paglalaang ito na i-broadcast sa radyo at TV ang kombensiyon. Kahit mahirap lang kami at nasa mahirap na bansa, nakinabang pa rin kami sa programa.”

 Ngayong 2021 panrehiyong kombensiyon, inaprobahan ulit ng Coordinators’ Committee at Teaching Committee na i-broadcast ang kombensiyon sa TV at radyo sa ilang komunidad. Paano natin ito natutustusan? Sa pamamagitan ng mga donasyon sa pambuong-daigdig na gawain, na ang karamihan ay ibinibigay gamit ang mga paraang nasa donate.mt711.com. Maraming salamat sa inyong mga donasyon.

a Noong mga unang buwan ng 2020, inaprobahan ng Coordinators’ Committee na i-broadcast sa TV at radyo sa ilang lugar ang mga pulong sa kongregasyon sa panahon ng COVID-19 pandemic. Nakakatulong ito sa mga hindi maka-connect sa mga pulong sa kongregasyon nila o sa JW Stream dahil mahina at mahal sa lugar nila ang Internet at cellphone service. Pero hindi ito para sa mga lugar na nakaka-connect naman sa mga pulong nila.

b Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.