Pumunta sa nilalaman

Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?

Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?

Ang sagot ng Bibliya

 Hindi. Walang sinasabi ang Bibliya na masama ang pera, o tinukoy man itong ugat ng lahat ng masasamang bagay. Nakakalito at hindi kumpleto ang pagsipi sa Bibliya sa mga pananalitang “pera ang ugat ng lahat ng kasamaan.” Ang aktuwal na sinasabi ng Bibliya ay “ang pag-ibig sa salapi [o, pera] ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.” a1 Timoteo 6:10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, amin ang italiko.

 Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pera?

 Sinasabi ng Bibliya na kapag ginamit nang tama ang pera, ito ay kapaki-pakinabang, at puwedeng maging “proteksiyon.” (Eclesiastes 7:12) Pinupuri din ng Bibliya ang mga bukas-palad, kasama na ang pagbibigay ng pera bilang regalo.​—Kawikaan 11:25.

 Pero binababalaan ng Bibliya ang mga taong inuuna sa kanilang buhay ang pagkakamal ng pera. Sinabi nito: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.” (Hebreo 13:5) Itinuturo nito na dapat gamitin nang tama ang pera at huwag magkamal ng kayamanan. Sa halip, dapat tayong maging kontento sa mga bagay na talagang kailangan natin, gaya ng pagkain, damit, at tirahan.​—1 Timoteo 6:8.

 Bakit nagbababala ang Bibliya tungkol sa pag-ibig sa pera?

 Hindi magmamana ng buhay na walang hanggan ang mga taong sakim. (Efeso 5:5) Isa pa, ang kasakiman ay isang uri ng idolatriya, o huwad na pagsamba. (Colosas 3:5) At dahil sa pagsisikap nilang makuha ang gusto nila, wala na silang pakialam sa mga tamang prinsipyo sa buhay. Ang mga “nagmamadaling yumaman ay hindi mananatiling walang-sala” ang sabi ng Kawikaan 28:20. Baka matukso pa nga silang gumawa ng krimen, gaya ng pamba-blackmail, pangingikil, pandaraya, pangingidnap, o pagpatay.

 Hindi man mauwi sa masamang paggawi ang pag-ibig sa pera, mayroon pa rin itong masamang resulta. Sinasabi ng Bibliya na “ang mga determinadong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag at sa maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa.”​—1 Timoteo 6:9.

 Paano tayo makikinabang sa payo ng Bibliya tungkol sa pera?

 Kung hindi natin ipagpapalit ang paggawa ng tama at mga bagay na gusto ng Diyos para lang sa pera, magkakaroon tayo ng paggalang sa sarili at makukuha natin ang pagsang-ayon at suporta ng Diyos. Nangangako ang Diyos sa mga gustong-gustong sumunod sa kaniya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” (Hebreo 13:5, 6) Tinitiyak din niya sa atin na “ang taong tapat ay tatanggap ng maraming pagpapala.”​—Kawikaan 28:20.

a Ganito ang ibang salin sa tekstong ito: “Ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay.”