Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Makadarama ng Kapanatagan

Kung Paano Makadarama ng Kapanatagan

MAHINA at walang kalaban-laban ang isang bagong-silang na sanggol. Nang ipanganak tayo, umaasa lang tayo sa mga magulang natin. Noong natuto na tayong maglakad, parang higante ang tingin natin sa mga nakakasalubong natin. Natatakot tayo sa kanila maliban na lang kung katabi natin ang ating mga magulang. Pero kapag hinawakan na tayo ng ating nanay o tatay, panatag na tayo.

Noong bata pa tayo, malaking tulong sa ating pagkatao ang pagmamahal at pampatibay-loob ng ating mga magulang. Kapag alam nating mahal nila tayo, hindi tayo nakadarama ng takot. Kapag pinupuri nila ang ating mga nagagawa, lalo tayong nagkakaroon ng kumpiyansa at sumusulong tayo.

Habang lumalaki tayo, lalo tayong nakadarama ng kapanatagan dahil sa malalapít na kaibigan. Komportable tayo kapag kasama sila, at hindi tayo gaanong natatakot sa eskuwelahan kapag naroon sila.

Ganiyan sana ang dapat na maging buhay ng isang bata. Pero may mga kabataan na iilan lang ang kaibigan, at maraming bata ang hindi man lang inaaruga ng magulang. “Sa tuwing makakakita ako ng litrato ng masasayang pamilya na gumagawang magkakasama, naiisip ko, ‘Sana gano’n din kami no’ng bata ako,’” ang himutok ni Melissa. * Marahil ganiyan din ang nadarama mo.

MGA PROBLEMA KAPAG PINALAKING DI-PANATAG

Marahil wala kang kumpiyansa sa sarili noong kabataan mo. Baka hindi ka gaanong nabigyan ng pagmamahal at papuri. Puwede rin namang naaalaala mo ang laging pagtatalo ng mga magulang mo na humantong sa paghihiwalay—at baka isinisisi mo pa nga iyon sa iyong sarili. O baka naranasan mo pa ngang bulyawan o saktan ng mga magulang mo.

Ano ang puwedeng maging reaksiyon dito ng isang bata? May mga tin-edyer na bumabaling sa droga o sa alak. Ang iba naman ay sumasali sa mga gang kung saan tanggap sila. May mga tin-edyer din na nakikipagrelasyon, sa paghahangad na mahalin sila. Pero ang pagpasok sa ganitong mga relasyon ay bihirang magtagal; at kapag naghiwalay, kadalasan nang lalo lang silang nasasaktan.

May mga tin-edyer na hindi naman nakaranas nang gayon, pero kulang naman ang pagpapahalaga nila sa sarili. “Napaniwala ako na wala akong kuwenta, kasi ’yon ang palaging sinasabi sa akin ng nanay ko,” ang sabi ni Ana. “Hindi ko man lang narinig sa kaniya na pinuri niya ako o mahal niya ako.”

Ang ating kinalakhan ay isa lang sa mga dahilan kung bakit hindi tayo nakadarama ng kapanatagan. Puwede ring maging dahilan ang trauma mula sa pakikipaghiwalay sa asawa, mga problemang dulot ng pagtanda, o pagkabahala sa ating hitsura. Anuman ang dahilan, puwede itong mag-alis ng ating kaligayahan at makasira ng kaugnayan natin sa iba. Ano ang puwede nating gawin para makadama tayo ng kapanatagan?

MAHAL TAYO NG DIYOS

Dapat nating malaman na may makatutulong sa atin, isa na gustong-gusto tayong tulungan—ang Diyos.

Iyan ang gustong ipaalam sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng propeta niyang si Isaias: “Huwag kang [mabalisa], sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Isaias 41:10, 13) Nakagiginhawa ngang isipin na gustong hawakan ng Diyos ang ating kamay! Walang dahilan para mabalisa tayo!

Sa Bibliya, may mga mananamba ang Diyos na nabalisa pero natutong humawak sa kamay ng Diyos. Si Hana, ang nanay ni Samuel, ay nakadamang wala siyang kuwenta, kasi baog siya. Madalas siyang tuyain dahil wala siyang anak. Kaya nawalan siya ng ganang kumain at lagi siyang umiiyak. (1 Samuel 1:6, 8) Pero matapos niyang ibuhos sa Diyos ang laman ng kaniyang puso, hindi na siya nabahala.—1 Samuel 1:18.

May panahon ding hindi nakadama ng kapanatagan ang salmistang si David. Ilang taon siyang tinutugis ni Haring Saul para patayin, pero nalulusutan niya ito. Kung minsan, pakiramdam niya’y para siyang nalulunod sa dami ng problema. (Awit 55:3-5; 69:1) Sa kabila nito, sumulat siya: “Sa kapayapaan ay mahihiga ako at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang nagpapatahan sa akin nang tiwasay.”—Awit 4:8.

Inihagis nina Hana at David kay Jehova ang mga kabalisahang nagpapabigat sa kanila, at nadama nilang tinulungan sila ng Diyos. (Awit 55:22) Paano natin matutularan iyon?

TATLONG PARAAN PARA HIGIT NA MAPANATAG

1. Matutong magtiwala kay Jehova bilang ating Ama.

Hinihimok tayo ni Jesus na kilalanin ang kaniyang Ama, ang “tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3) “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin,” ang tinitiyak ni apostol Pablo. (Gawa 17:27) “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sulat ni Santiago.—Santiago 4:8.

Ang pagkaalam na mahal tayo ng ating Ama sa langit at na nagmamalasakit siya sa atin ay malaking tulong para mapaglabanan ang pagkabalisa. Maaaring mangailangan ng panahon bago mabuo ang pagtitiwalang ito, pero napatunayan ng marami na talagang nakatulong ito sa kanila. “Nang kilalanin kong Ama si Jehova, may mahihingahan na ako ng aking niloloob,” ang sabi ni Caroline. “Ang sarap sa pakiramdam!”

“Si Jehova ang tumulong sa akin na maging panatag nang iwan ako ng mga magulang ko,” ang naaalaala ni Rachel. “Nakakausap ko siya at nahihingan ng tulong sa mga problema ko. At talagang tinulungan niya ako.” *

2. Maghanap ng espirituwal na pamilya.

Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na ituring ang isa’t isa bilang mga kapatid. “Lahat kayo ay magkakapatid,” ang sabi niya. (Mateo 23:8) Gusto niyang magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa ang kaniyang tunay na mga alagad na matatawag nating isang malaking espirituwal na pamilya.—Mateo 12:48-50; Juan 13:35.

Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na makapaglaan ng pag-ibig at kapanatagan bilang isang tunay na espirituwal na pamilya. (Hebreo 10:24, 25) Nadarama ng marami na ang mga pulong sa kongregasyon ay parang nakagiginhawang pamahid na nagpapagaling sa kanilang nasugatan at nasaktang damdamin.

“May best friend ako sa kongregasyon namin, na nakakaintindi talaga sa mga pinagdaraanan ko,” ang naaalaala ni Eva. “Nakikinig siya sa ’kin, binabasahan niya ako ng Bibliya, at nananalanging kasama ko. Ipinadama niya na hindi ako nag-iisa. Tinutulungan niya akong ihinga ang mga problema ko. Dahil sa suporta niya, mas napanatag ako.” “Nagkaroon ako ng ‘nanay at tatay’ sa kongregasyon,” ang sabi naman ni Rachel. “Damang-dama kong may nagmamahal sa akin.”

3. Magpakita ng pag-ibig at kabaitan sa iba.

Kapag nagpapakita ng pag-ibig at kabaitan sa iba, tumatagal ang pagkakaibigan. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) At tiyak na habang nagpapakita tayo ng pag-ibig sa iba, lalo nila tayong mamahalin. “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo,” ang sabi ni Jesus.—Lucas 6:38.

Kapag mahal natin ang iba at minamahal din nila tayo, mas panatag tayo. Gaya ng sabi ng Bibliya, “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) “Alam kong hindi totoo ang ilang negatibong pananaw ko sa aking sarili,” ang sabi ni María. “Nadaig ko ang ganitong saloobin nang tumulong ako sa iba at hindi nagpokus sa sarili ko. Ang sarap ng pakiramdam kapag nakakatulong sa iba!”

KAPANATAGAN PARA SA LAHAT

Ang mga nabanggit na paraan ay hindi naman madyik na para bang mangyayari sa isang iglap lang. Ngunit malaki ang maitutulong nito. “Kung minsan, hindi pa rin ako napapanatag,” ang sabi ni Caroline. “Pero hindi na mababa ang tingin ko sa sarili ko. Alam kong mahal ako ng Diyos, at marami rin akong kaibigan na tumutulong sa akin na maging panatag.” Ganiyan din ang pakiramdam ni Rachel. “Minsan, nalulungkot pa rin ako,” ang sabi niya. “Pero nandiyan ang mga kapatid sa kongregasyon na puwede kong hingan ng payo at tumutulong sa akin na maging positibo. Higit sa lahat, mayroon akong Ama sa langit na nakakausap ko araw-araw. Napakalaking bagay nito sa akin.”

Inilalarawan ng Bibliya ang isang bagong sanlibutan kung saan lahat tayo ay magiging panatag

May permanenteng solusyon din. Inilalarawan ng Bibliya ang isang bagong sanlibutan kung saan lahat tayo ay magiging panatag. Nangangako ang Bibliya: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4) Sa panahong iyon, walang magpapadama sa atin na hindi tayo ligtas ni may mananakit man sa atin. Maging ang matitinding trauma ng nakaraan ay ‘hindi na maaalaala’ pa. (Isaias 65:17, 25) Itatatag ng Diyos at ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, ang “tunay na katuwiran.” Magdudulot ito ng “katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.”—Isaias 32:17.

^ par. 5 Binago ang lahat ng pangalan.

^ par. 21 Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa mga gustong maging malapít sa Diyos.