Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Bakit Takót Akong Sabihin sa Iba ang Tungkol sa Relihiyon Ko?

Bakit Takót Akong Sabihin sa Iba ang Tungkol sa Relihiyon Ko?

“Marami sanang magagandang pagkakataon para masabi ko sa mga kaeskuwela ko ang aking mga paniniwala pero pinapalampas ko iyon.”​—Kaleb. *

“Tinanong kami ng guro namin kung ano ang masasabi namin sa ebolusyon. Alam kong tamang-tama ang pagkakataong ito para masabi ko sa kanila ang aking mga paniniwala. Pero bigla akong kinabahan at hindi ako nakapagsalita. Pagkatapos ng klase, lungkot na lungkot ako.”​—Jasmine.

KUNG isa kang kabataang Kristiyano, malamang na naranasan mo na rin ang nangyari kina Kaleb at Jasmine. Gaya nila, pinahahalagahan mo ang katotohanan sa Bibliya na natutuhan mo at gusto mong sabihin ito sa iba. Pero baka natatakot ka. Gayunman, puwede kang magkaroon ng lakas ng loob. Paano? Makakatulong sa iyo ang sumusunod na mga hakbang:

1. Alamin kung ano ang kinatatakutan mo. Kapag iniisip mong sasabihin mo sa iba ang iyong paniniwala, nakikita mo agad ang pinakamasamang puwedeng mangyari! Pero kung minsan, nakakabawas ng kaba kapag isinusulat mo ang ikinababahala mo.

Kumpletuhin ang sumusunod na mga pangungusap.

◼ Kung ipakikipag-usap ko ang aking mga paniniwala kapag nasa eskuwela, ito ang puwedeng mangyari:

․․․․․

Huwag kang masyadong mag-alala dahil ang mga ikinatatakot mo ay nadarama rin ng ibang kabataang Kristiyano. Halimbawa, inamin ng 14-anyos na si Christopher, “Natatakot ako na baka pagtawanan ako ng ibang kabataan at ipagkalat na weird ako.” Si Kaleb naman na nabanggit sa simula ay nagsabi, “Kinakabahan ako dahil baka may magtanong sa akin at hindi ko masagot.”

2. Tanggapin ang hamon. Wala ka ba talagang dapat ikatakot? Kung minsan, mayroon naman. “May mga kabataang nagkukunwaring interesado sa aking paniniwala,” ang sabi ni Ashley. “Pero pagkatapos, ginagamit nila ang mga sinabi ko para tuksuhin ako sa harap ng iba.” Ganito ang naranasan ng 17-anyos na si Nicole: “Ikinumpara ng kaeskuwela ko ang isang talata sa kaniyang Bibliya sa talatang mababasa sa Bibliya ko, at magkaiba ang mga pananalita nito. Sinabi niya na binago raw ang Bibliya ko. Nagulat ako! Hindi ko alam ang sasabihin ko.” *

Talagang nakakanerbiyos ang ganitong mga sitwasyon! Pero sa halip na iwasan ito, tanggapin na bahagi na iyon ng buhay mo bilang Kristiyano. (2 Timoteo 3:12) “Sinabi ni Jesus na pag-uusigin ang kaniyang mga tagasunod,” ang sabi ng 13-anyos na si Matthew, “kaya aasahan natin na hindi lahat ng tao ay magugustuhan tayo o ang ating mga paniniwala.”​—Juan 15:20.

3. Isipin ang mga pakinabang. Mayroon bang magandang ibubunga ang isang hindi magandang sitwasyon? Oo ang sagot ng 21-anyos na si Amber. “Mahirap ipaliwanag ang iyong paniniwala sa mga taong walang paggalang sa Bibliya,” ang sabi niya, “pero nakakatulong ito para lalo mong maintindihan ang pinaniniwalaan mo.”​—Roma 12:2.

Balikan ang sitwasyong inilarawan mo sa unang hakbang. Mag-isip ng dalawang mabuting bagay na puwede nitong ibunga, at isulat ito sa ibaba.

1 ․․․․․

2 ․․․․․

Halimbawa: Kung sasabihin mo sa iba ang iyong mga paniniwala, paano ito makakatulong para mabawasan ang panggigipit sa iyo ng mga kasamahan mo? Paano ito makakatulong para magkaroon ka ng higit na pagtitiwala sa sarili? Paano ito magpapatibay ng iyong kaugnayan sa Diyos na Jehova? Ano ang madarama Niya sa iyo?​—Kawikaan 23:15.

4. Maghanda. “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot,” ang sabi sa Kawikaan 15:28. Pag-isipan hindi lang kung ano ang sasabihin mo kundi pati ang mga puwede nilang itanong. Magsaliksik tungkol sa mga paksang ito at pag-isipan ang mga puwede mong isagot.​—Tingnan ang tsart na  “Planuhin ang Isasagot Mo,” sa pahina 25.

5. Magsimula. Ngayong handa ka nang ipakipag-usap ang iyong mga paniniwala, paano ka magsisimula? Narito ang ilang mungkahi. Ang pagsasabi sa iba ng iyong paniniwala ay maihahambing sa paglangoy: Ang iba ay unti-unting lumulusong sa tubig; ang iba naman ay tumatalon agad. Sa katulad na paraan, puwede ka munang makipagkuwentuhan tungkol sa isang paksang walang kinalaman sa relihiyon at tingnan kung magiging interesado ang kausap mo. Pero kung masyado kang nag-aalala sa posibleng mangyari, mas mabuting ‘tumalon ka na agad.’ (Lucas 12:11, 12) “Madalas, naiisip kong ang hirap sabihin sa iba ang tungkol sa paniniwala ko, pero madali lang pala kapag aktuwal mo na itong ginagawa,” ang sabi ng 17-anyos na si Andrew. “Basta nasimulan na ang pag-uusap, ang dali lang pala!” *

6. Maging makatuwiran. Kung paanong hindi ka tatalon sa mababaw na tubig, hindi ka rin papatol sa mababaw at walang-kuwentang pagtatalo. Tandaan, may panahon para magsalita at panahon para tumahimik. (Eclesiastes 3:1, 7) May mga pagkakataong maging si Jesus ay hindi sumagot sa mga tanong sa kaniya. (Mateo 26:62, 63) At tandaan ang simulaing ito: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”​—Kawikaan 22:3.

Kaya kapag napapansin mong mauuwi sa pagtatalo ang usapan, huwag mo itong patulan. Magbigay na lamang ng maikli at mataktikang sagot. Halimbawa, kung kinakantiyawan ka ng kaeskuwela mo, ‘Bakit ba duwag kang manigarilyo?’ puwede mong sabihin, ‘Ayoko kasing magkasakit!’ Depende sa sagot niya kung magpapaliwanag ka pa o hindi na.

Makakatulong sa iyo ang nabanggit na mga hakbang para ‘lagi kang handa na ipagtanggol’ ang iyong paniniwala. (1 Pedro 3:15) Siyempre, posibleng nerbiyusin ka pa rin kahit handa ka. Pero ganito ang napansin ng 18-anyos na si Alana: “Kapag naipaliwanag mo ang iyong mga paniniwala kahit kinakabahan ka, ang sarap ng pakiramdam dahil may nagawa ka​—nadaig mo ang iyong takot at hinarap mo ang hamon kahit hindi mo sigurado kung magtatagumpay ka. At kung nagtagumpay ka, lalong gagaan ang pakiramdam mo! Masaya ka, kasi naglakas-loob kang magsalita.”

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ Iba-iba ang mga pananalita sa mga salin ng Bibliya. Pero may ilang salin na mas malapit sa orihinal na mga wikang ginamit sa pagsulat ng Bibliya.

^ Tingnan ang kahong  “Simulan ang Pag-uusap,” sa pahina 26.

PAG-ISIPAN

Ito kaya ang iniisip ng kaeskuwela mo?

‘Alam kong Saksi ni Jehova ka. Baka iniisip mong kakantiyawan kita, pero ang totoo, iginagalang kita. Bakit parang hindi ka apektado ng mga problema sa ngayon? Ako kasi, natatakot. Magkakaroon kaya uli ng digmaan? Maghihiwalay kaya ang mga magulang ko? Hindi kaya ako mabaril o masaksak sa eskuwelahan? Ang dami-dami kong tanong sa buhay, samantalang ikaw, parang alam mo na lahat. Dahil ba ’yan sa relihiyon mo? Gusto ko sanang pag-usapan natin ito, pero nahihiya akong lumapit sa iyo. Kausapin mo naman ako.’

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Pinagtatawanan ako ng ilang kabataan kapag sinasabi ko sa kanila ang paniniwala ko. Pero kadalasan, tumitigil na sila kapag nakita nilang bale-wala lang sa akin ang panunukso nila.”​—Francesca, Luxembourg.

“Kung hindi mo sasabihin sa iba na Kristiyano ka, baka unti-unti mong makalimutan kung sino ka, at mahawa ka na sa kanila. Hindi ka dapat maging sunud-sunuran; manindigan ka.”​—Samantha, Estados Unidos.

“Noong mas bata pa ako, ayaw kong mapaiba sa mga kaedad ko. Pero napag-isip-isip ko na mas masaya ako dahil sa mga paniniwala ko. Dahil dito, lalo akong nagkaroon ng tiwala sa sarili​—hindi ko ikinakahiya ang aking paniniwala.”​—Jason, New Zealand.

 [Kahon sa pahina 26]

SIMULAN ANG PAG-UUSAP

“Ano’ng plano mo sa bakasyon?” [Pagkatapos niyang sumagot, banggitin mo naman ang plano mo, gaya ng pagdalo sa kombensiyon o pagpapalawak ng iyong ministeryo.]

◼ Bumanggit ng isang balita, saka magtanong: “Nabalitaan mo ba ’yon? Ano’ng masasabi mo dun?”

“Sa tingin mo, makakaahon pa kaya sa krisis sa ekonomiya [o sa iba pang problema] ang daigdig? [Hayaang sumagot.] Bakit mo nasabi ’yan?”

“Ano’ng relihiyon mo?”

“Ano’ng gusto mong mangyari sa buhay mo limang taon mula ngayon?” [Pagkatapos niyang sumagot, sabihin mo naman ang iyong espirituwal na mga tunguhin.]

 [Chart sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Planuhin ang Isasagot Mo

Gupitin ito!

Mungkahi: Ipakipag-usap ang tungkol sa tsart na ito sa iyong mga magulang at mga kaibigan. Kumpletuhin ang tsart. Pagkatapos, mag-isip pa ng posibleng itanong ng mga kaklase mo.

Moralidad

Tanong

Ano ang masasabi mo sa homoseksuwalidad?

Sagot

Hindi ako galit sa mga bakla at tomboy, pero hindi ako sang-ayon sa ginagawa nila.

Kasunod na taong

Unfair ka naman yata? sa relihiyon mo?

Reperensiya

1 Corinto 6:9, 10; Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, kabanata 28. *

Sagot

Hindi naman, kasi hindi lang homoseksuwalidad ang ayaw ko, kundi lahat ng klase ng imoralidad.

Pakikipag-date

Tanong

Bakit hindi ka nakikipag-date?

Sagot

Bata pa kasi ako para makipag-date.

Kasunod na tanong

Dahil ba ’yan sa relihiyon mo?

Reperensiya

Awit ni Solomon 8:4; Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2, kabanata 1.

Sagot

Oo. Nakikipag-date lang kami kapag handa nang mag-asawa, at alam kong hindi pa ako handa!

Neutralidad

Tanong

Bakit hindi ka umaawit ng pambansang awit?

Sagot

Iginagalang ko ang ating bansa, pero hindi ko ito sinasamba. Katumbas na rin kasi ng panalanginang pambansang awit.

Kasunod na tanong

Ibig sabihin, hindi mo ipaglalaban ang bansa natin?

Reperensiya

Isaias 2:4; Juan 13:35; Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 148-151. *

Sagot

Hindi, at ang milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay hindi rin makikipagdigma sa ating bansa.

Dugo

Tanong

Bakit hindi kayo puwedeng magpasalin ng dugo?

Sagot

Nagpapasalin din ako, basta hindi dugo at saka dapat safe—yung hindi ka mahahawahan ng AIDS. Sinasabi ng Bibliya na umiwas tayo sa dugo, kaya hindi ako nagpapasalin ng dugo.

Kasunod na tanong

Pero paano kung mamamatay ka na? Hindi ka ba mapapatawad ng Diyos?

Reperensiya

Gawa 5:28, 29; Hebreo 11:6; aklat na Itinuturo ng Bibliya, pahina 129-131.

Sagot

Pagpapasiya

Tanong

Hindi ba karelihiyon mo si . . . , bakit siya, ginawa niya ’yon? Bakit ikaw hindi puwede?

Sagot

Tinuturuan kami tungkol sa mga kahilingan ng Diyos, pero hindi kami pinipilit na sumunod! Kailangan naming gumawa ng sariling pasiya.

Kasunod na tanong

Ibig sabihin, puwede kayong sumunod, puwede ring hindi?

Reperensiya

Sagot

Paglalang

Tanong

Bakit hindi kayo naniniwala sa ebolusyon?

Sagot

Bakit naman ako maniniwala sa ebolusyon? Ang mga siyentipiko nga, iba-iba ang sinasabi, mga eksperto na ’yon!

Kasunod na tanong

Reperensiya

Sagot

[Talababa]

^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 26]

Puwedeng ihambing sa paglangoy ang pagsasabi sa iba ng iyong paniniwala. Puwedeng unti-unti kang lumusong​—o tumalon agad sa tubig!