Mga Gawa ng mga Apostol 5:1-42
Talababa
Study Notes
palakasin ang loob mo: Lit., “punuin ang puso mo.” Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego ay nangangahulugang “hamunin na gawin ang isang bagay; palakasin ang loob.” Posibleng galing ito sa idyomang Hebreo na may ganiyan ding kahulugan. Halimbawa, sa Es 7:5, ang pariralang Hebreo na “napuno ang puso” ay isinaling “nangahas,” at sa Ec 8:11, ang idyomang ito ay isinaling “lumalakas ang loob . . . na gumawa ng masama.”
espiritu ni Jehova: Ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. (Ang ilang halimbawa ay mababasa sa Huk 3:10; 6:34; 11:29; 13:25; 14:6; 15:14; 1Sa 10:6; 16:13; 2Sa 23:2; 1Ha 18:12; 2Ha 2:16; 2Cr 20:14; Isa 11:2; 40:13; 63:14; Eze 11:5; Mik 3:8.) Ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” ay mababasa sa Luc 4:18 na sumipi mula sa Isa 61:1. Dito at sa iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan kung saan ito lumitaw, ginamit sa orihinal na tekstong Hebreo ang Tetragrammaton kasama ng salitang “espiritu.” Para sa paliwanag kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” sa mismong teksto ng Gaw 5:9, kahit na ang ginamit sa natitirang mga kopya ng manuskritong Griego ay “espiritu ng Panginoon,” tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 5:9.
kongregasyon: Ito ang unang paglitaw ng terminong Griego na ek·kle·siʹa. Mula ito sa dalawang salitang Griego na ek, na nangangahulugang “labas,” at ka·leʹo, na nangangahulugang “tawagin.” Tumutukoy ito sa grupo ng mga tao na tinawag at tinipon para sa isang layunin o gawain. (Tingnan sa Glosari.) Sa kontekstong ito, inihula ni Jesus ang pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano, ang “mga buháy na bato [na] itinatayo bilang isang espirituwal na bahay.” (1Pe 2:4, 5) Ang terminong Griego ay madalas gamitin sa Septuagint bilang katumbas ng terminong Hebreo na isinasaling “kongregasyon,” na kadalasang tumutukoy sa buong bayan ng Diyos. (Deu 23:3; 31:30) Sa Gaw 7:38, ang mga Israelita na lumabas mula sa Ehipto ay tinawag na “kongregasyon.” Ang mga Kristiyano naman na tinawag “mula sa [o, palabas ng] kadiliman” at ‘pinili mula sa sanlibutan’ ang bumubuo sa “kongregasyon ng Diyos.”—1Pe 2:9; Ju 15:19; 1Co 1:2.
kongregasyon sa ilang: Dito, ang mga Israelitang pinalabas mula sa Ehipto ay tinawag na “kongregasyon.” Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang Hebreo na qa·halʹ, na karaniwang isinasaling “kongregasyon” sa Bagong Sanlibutang Salin, ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “tipunin.” (Bil 20:8; Deu 4:10) Ang salitang ito ay karaniwang ginagamit sa mga Israelita para ipakita na isa silang organisadong grupo; tinatawag silang “kongregasyon ng Israel” (Lev 16:17; Jos 8:35; 1Ha 8:14), “kongregasyon ng tunay na Diyos” (Ne 13:1), at “kongregasyon ni Jehova” (Bil 20:4; Deu 23:2, 3; 1Cr 28:8; Mik 2:5). Sa Septuagint, ang salitang Hebreo na qa·halʹ ay madalas na tinutumbasan ng salitang Griego na ek·kle·siʹa (gaya sa Aw 22:22 [21:23, LXX]), ang ekspresyong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “kongregasyon.”—Tingnan ang study note sa Mat 16:18; Gaw 5:11.
kongregasyon: Ito ang unang paglitaw ng terminong Griego na ek·kle·siʹa sa aklat ng Gawa. Mula ito sa dalawang salitang Griego na ek, na nangangahulugang “labas,” at ka·leʹo, na nangangahulugang “tawagin.” Tumutukoy ito sa grupo ng mga tao na tinawag at tinipon para sa isang layunin o gawain, kaya angkop ang terminong ito sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. (Tingnan sa Glosari.) Ang salitang ek·kle·siʹa ay ginamit sa Mat 16:18 (tingnan ang study note), kung saan inihula ni Jesus ang pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano. Sila ay mga buháy na bato na “itinatayo bilang isang espirituwal na bahay.” (1Pe 2:4, 5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong ito ay hindi lang tumutukoy sa lahat ng pinahirang Kristiyano, kundi pati sa lahat ng Kristiyanong nakatira sa isang lugar o sa mga Kristiyanong miyembro ng isang partikular na kongregasyon. Batay sa konteksto ng Gaw 5:11, ang terminong ito ay tumutukoy sa kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Gaw 7:38.
kamangha-manghang bagay: O “himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
tanda: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na teʹras ay palaging ginagamit kasama ng se·meiʹon (“himala”), na parehong nasa anyong pangmaramihan. (Mat 24:24; Ju 4:48; Gaw 7:36; 14:3; 15:12; 2Co 12:12) Ang teʹras ay pangunahin nang tumutukoy sa anumang bagay na kamangha-mangha.
anghel ni Jehova: Maraming beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito, at ang unang paglitaw nito ay sa Gen 16:7. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “anghel” at ng Tetragrammaton. Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 3:5, 6 ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa letrang Hebreo. Ang kopyang ito, na natagpuan sa isang kuweba sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “anghel ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “anghel ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 5:19 sa natitirang mga manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 5:19.
lahat ng matatandang lalaki: O “buong sanggunian (lupon) ng matatandang lalaki.” Ang salitang Griego na ginamit dito, ge·rou·siʹa, ay kaugnay ng terminong geʹron na ginamit sa Ju 3:4 para tumukoy sa isang may-edad. Ang mga terminong ito ay parehong isang beses lang ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinapalagay ng ilan na ang “lahat ng matatandang lalaki” ay tumutukoy rin sa Sanedrin, ang mataas na hukumang Judio sa Jerusalem na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. (Tingnan ang study note sa Luc 22:66.) Pero sa kontekstong ito, ang mga ekspresyong “Sanedrin” at “lahat ng matatandang lalaki” ay lumilitaw na tumutukoy sa magkaibang grupo. Gayunman, posibleng ang ilan sa “matatandang lalaki” ay miyembro din ng Sanedrin o tagapayo nito.
bayang Israel: O “mga Israelita.” Lit., “mga anak ni Israel.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
matatandang lalaki: O “sanggunian (lupon) ng matatanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sby·teʹri·on, ay kaugnay ng terminong pre·sbyʹte·ros (lit., “matandang lalaki”), na sa Bibliya ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25 at Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, lumilitaw na ang ekspresyong “matatandang lalaki” ay tumutukoy sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. Madalas banggiting magkakasama ang tatlong grupong ito.—Mat 16:21; 27:41; Mar 8:31; 11:27; 14:43, 53; 15:1; Luc 9:22; 20:1; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki,” at ang study note sa bulwagan ng Sanedrin sa tekstong ito.
kapitan ng templo: Tingnan ang study note sa Gaw 4:1.
kapitan ng templo: Binanggit din sa Gaw 5:24, 26. Mula noong unang siglo C.E., ang posisyong ito ay ibinibigay sa isang saserdote na pumapangalawa sa mataas na saserdote. Ang kapitan ng templo ang nangangasiwa sa mga saserdoteng naglilingkod sa templo. Pinangungunahan niya rin ang mga Levitang bantay sa templo para mapanatili ang kapayapaan sa templo at sa paligid nito. Ang mga kapitan na pinangangasiwaan niya ay nangunguna sa mga Levita na nagbubukas ng pintuang-daan ng templo sa umaga at nagsasara nito sa gabi. Binabantayan nila ang kabang-yaman ng templo, sinisiguradong hindi magkakagulo ang mga tao, at tinitiyak na walang makakapasok sa mga lugar na ipinagbabawal. May 24 na pangkat ng mga Levita. Bawat pangkat ay naglilingkod nang isang linggo, dalawang beses sa isang taon, at malamang na may kapitan sila na nasa ilalim ng pangangasiwa ng kapitan ng templo. Maimpluwensiya ang mga kapitan ng templo. Binanggit silang kasama ng mga punong saserdote na nagsabuwatan para ipapatay si Jesus. Noong gabing tinraidor si Jesus, dumating sila kasama ang mga tauhan nila para arestuhin siya.—Luc 22:4 (tingnan ang study note), 52.
tulos: O “puno.” Ang salitang Griego na ginamit dito, xyʹlon (lit., “kahoy”), ay kapareho ng kahulugan ng salitang Griego na stau·rosʹ (isinasaling “pahirapang tulos”) at tumutukoy sa pinagpakuan kay Jesus noong patayin siya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, limang beses na ginamit nina Lucas, Pablo, at Pedro ang xyʹlon sa ganitong diwa. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ginamit ng Septuagint ang xyʹlon sa Deu 21:22, 23 para ipanumbas sa salitang Hebreo na ʽets (nangangahulugang “puno; kahoy; piraso ng kahoy”) sa pariralang “at ibitin sa tulos.” Nang sipiin ni Pablo ang tekstong ito sa Gal 3:13, ginamit niya ang xyʹlon sa pangungusap na “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.” Ginamit din ang salitang ito sa salin ng Septuagint sa Ezr 6:11 (1 Esdras 6:31, LXX) para sa salitang Aramaiko na ʼaʽ, na katumbas ng terminong Hebreo na ʽets. Sinabi roon tungkol sa mga lalabag sa utos ng hari ng Persia: “Ibabayubay [siya] sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya.” Dahil may mga pagkakataong pareho ang pagkakagamit ng mga manunulat ng Bibliya sa xyʹlon at stau·rosʹ, karagdagang patunay ito na pinatay si Jesus sa isang patayong tulos na walang nakapahalang na kahoy.
Punong Kinatawan: Ang terminong Griego na ginamit dito (ar·khe·gosʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “punong lider; nangunguna.” Apat na beses itong ginamit sa Bibliya, at lagi itong tumutukoy kay Jesus. (Gaw 3:15; 5:31; Heb 2:10; 12:2) Ang salitang Griegong ito ay puwede ring tumukoy sa isa na nangunguna sa paghanap ng madadaanan o sa paggawa ng isang bagong bagay, at inihahanda niya ang mga bagay-bagay para sa iba. Dahil si Jesus ang Tagapamagitan ng Diyos at mga tao at ipinakita niya ang daan tungo sa buhay na walang hanggan, angkop lang na tawagin si Jesus na ang Punong Kinatawan para sa buhay. Ang ekspresyong isinaling “Punong Kinatawan” ay nagpapakitang opisyal siyang itinalaga bilang lider o pinuno. (Isang kaugnay na salita ang ginamit sa Gaw 7:27, 35 para tumukoy kay Moises bilang “tagapamahala” ng Israel.) Makikita sa pagkakagamit ng terminong ito dito na gagamitin siya ng Diyos para isakatuparan ang layunin Niya. Si Jesus ay naging “pantubos” kapalit ng marami. (1Ti 2:5, 6; Mat 20:28; Gaw 4:12) Pagkabuhay-muli kay Jesus, magagamit na niya ang bisa ng pantubos bilang Mataas na Saserdote at Hukom. Dahil sa sakripisyo niya, puwedeng mapalaya sa kasalanan at kamatayan ang mga taong nananampalataya dito. Kaya magaganap ang pagkabuhay-muli ng mga patay sa pamamagitan ni Jesus. (Ju 5:28, 29; 6:39, 40) Sa ganitong paraan niya binuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. (Ju 11:25; 14:6; Heb 5:9; 10:19, 20) Sa ilang Bibliya, isinalin ang ekspresyong ito na “Awtor” o “Tagapagpasimula” ng buhay, pero malinaw na ipinapakita ng Bibliya na hindi para kay Jesus ang mga titulong ito dahil galing sa Diyos ang kaniyang buhay at awtoridad at ginagamit lang siya ng Diyos.—Aw 36:9; Ju 6:57; Gaw 17:26-28; Col 1:15; Apo 3:14.
Punong Kinatawan: Ang terminong Griego na ginamit dito (ar·khe·gosʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “punong lider; nangunguna.” Apat na beses itong ginamit sa Bibliya, at lagi itong tumutukoy kay Jesus. (Gaw 3:15; 5:31; Heb 2:10; 12:2) Dito, ginamit ito kasama ng titulong “Tagapagligtas.”—Tingnan ang study note sa Gaw 3:15.
galit na galit sila: O “para silang sinugatan.” Ang ekspresyong Griego na ito ay dito lang lumitaw at sa Gaw 7:54. Literal itong nangangahulugang “lagariin,” pero makasagisag ang pagkakagamit nito sa parehong teksto—inilalarawan nito ang isang matinding damdamin.
Gamaliel: Isang guro ng Kautusan na dalawang beses binanggit sa Gawa, dito at sa Gaw 22:3. Ipinapalagay na siya si Gamaliel na Nakatatanda, gaya ng tawag sa kaniya sa sekular na mga akda. Si Gamaliel ay apo, o posibleng anak, ni Hilel na Nakatatanda, na kinikilalang bumuo ng mas liberal na pilosopiyang pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Mataas ang paggalang ng mga tao kay Gamaliel, at sinasabing sa kaniya unang ginamit ang espesyal na titulong “Rabban.” Kaya malaki ang impluwensiya niya sa lipunan ng mga Judio noong panahon niya; marami siyang sinanay na Pariseo, gaya ni Saul ng Tarso. (Gaw 22:3; 23:6; 26:4, 5; Gal 1:13, 14) Kadalasan nang ang pananaw niya sa Kautusan at mga tradisyon ay mas makatuwiran kumpara sa iba. Halimbawa, sinasabing gumawa siya ng mga batas para protektahan ang mga asawang babae laban sa mapang-abusong mga asawang lalaki at ang mga biyuda laban sa pabayang mga anak. Sinasabi ring ipinaglalaban niya na dapat na pantay ang karapatan sa paghihimalay ng mahihirap na Judio at di-Judio. Kitang-kita ang lawak ng kaisipan ni Gamaliel sa paraan ng pakikitungo niya kay Pedro at sa iba pang apostol. (Gaw 5:35-39) Pero ipinapakita ng mga akda ng mga rabbi na mas mahalaga kay Gamaliel ang tradisyon ng mga rabbi kaysa sa Banal na Kasulatan. Kaya ang mga itinuturo niya sa kabuoan ay kahawig pa rin ng itinuturo ng karamihan sa mga ninuno niyang rabbi at mga lider ng relihiyon noong panahon niya.—Mat 15:3-9; 2Ti 3:16, 17; tingnan sa Glosari, “Pariseo”; “Sanedrin.”
pinagpapalo: O “binugbog.” Posibleng tumutukoy ito sa parusa sa mga Judio na “40 hampas na kulang ng isa.”—2Co 11:24; Deu 25:2, 3.
mabuting balita: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na eu·ag·geʹli·on, na isinasaling “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinasaling “ebanghelisador,” ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.
ang mabuting balitang ito: Ang salitang Griego na eu·ag·geʹli·on ay mula sa mga salitang eu, na nangangahulugang “mabuti; maganda” at agʹge·los, “tagapagdala ng balita; tagapaghayag.” (Tingnan sa Glosari, “Mabuting balita.”) Isinasalin itong “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na ekspresyong isinasaling “ebanghelisador” (sa Griego, eu·ag·ge·li·stesʹ) ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.
sa bahay-bahay: Ang ekspresyong ito ay salin ng pariralang Griego na katʼ oiʹkon, na sa literal ay “ayon sa bahay.” Maraming diksyunaryo at komentarista ang nagsasabing ang paggamit ng Griegong pang-ukol na ka·taʹ ay puwedeng mangahulugang nagpapalipat-lipat sila ng bahay. Halimbawa, sinabi ng isang diksyunaryo na ang pariralang ito ay nangangahulugang “mula sa isang bahay papunta sa isa pang bahay.” (A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, Ikatlong Edisyon) Isa pang reperensiya ang nagsasabi na ipinapakita ng pang-ukol na ka·taʹ na “sa Gawa 2:46; 5:42: . . . nagpunta sila sa iba’t ibang bahay.” (Exegetical Dictionary of the New Testament, na inedit nina Horst Balz at Gerhard Schneider) Sinabi ng iskolar ng Bibliya na si R.C.H. Lenski: “Kahit minsan, hindi tumigil ang mga apostol sa gawaing ibinigay sa kanila ng Diyos. Ginagawa nila ito ‘araw-araw’ at nang hayagan ‘sa Templo,’ kung saan nakikita at naririnig sila ng Sanedrin at ng mga bantay sa Templo, at siyempre, κατ’ οἴκον, . . . ‘sa bahay-bahay,’ hindi lang . . . ‘sa isang bahay.’” (The Interpretation of the Acts of the Apostles, 1961) Sinusuportahan ng mga reperensiyang ito ang unawa na nangangaral ang mga alagad sa bahay-bahay. Ganito rin ang pagkakagamit ng ka·taʹ sa Luc 8:1, kung saan mababasa na nangaral si Jesus “sa mga lunsod at sa mga nayon.” Ang ganitong paraan ng pangangaral, ang pagpunta sa mismong bahay ng mga tao, ay nagkaroon ng magagandang resulta.—Gaw 6:7; ihambing ang Gaw 4:16, 17; 5:28.
paghahayag ng mabuting balita: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, eu·ag·ge·liʹzo·mai, ay kaugnay ng pangngalang eu·ag·geʹli·on, “mabuting balita.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isang mahalagang bahagi ng mabuting balita ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ng pangangaral at pagtuturo ni Jesus, at tungkol sa kaligtasan na magiging posible sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Sa aklat ng Gawa, maraming beses lumitaw ang pandiwang Griego na eu·ag·ge·liʹzo·mai, at idiniriin nito ang gawaing pangangaral.—Gaw 8:4, 12, 25, 35, 40; 10:36; 11:20; 13:32; 14:7, 15, 21; 15:35; 16:10; 17:18; tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14.
Media
Mababasa sa pergaminong manuskritong ito ang Gaw 5:3-21. Ang pahinang ito, na tinatawag na Uncial 0189, ay dating bahagi ng codex na naglalaman ng aklat ng Gawa. Makikita sa harap nito (nasa kaliwa) ang Gaw 5:3-12, at sa likod naman (nasa kanan), ang Gaw 5:12-21. Sinasabi ng ilang iskolar na ang manuskritong ito ay mula noong katapusan ng ikalawang siglo C.E. o pasimula ng ikatlong siglo, pero may ibang nagsasabi na mula ito sa ikatlo o ikaapat na siglo C.E. May mga mas luma pa ritong piraso ng papiro, pero isa ito sa natagpuang pinakalumang pergaminong manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makikita ito ngayon sa Staatliche Museen sa Berlin, Germany.
Makikita sa 3-D na video na ito ang isang posibleng hitsura ng Kolonada ni Solomon. Makikita ito sa silangang bahagi ng malaking looban ng templo sa Jerusalem noong unang siglo. Isa itong malapad na pasilyong may bubong. Tatlong beses na binanggit sa Bibliya ang lokasyong ito. Iniulat ni Juan na minsan, habang naglalakad si Jesus sa kolonadang ito, pinalibutan siya ng mga Judio at pinaamin kung siya nga ang Kristo. (Ju 10:22-24) May pagkakataon ding nagtipon ang mga tao sa Kolonada ni Solomon para pakinggan ang paliwanag ni Pedro kung paano niya pinagaling ang isang lalaking ipinanganak na lumpo. (Gaw 3:1-7, 11) Nagtitipon din ang mga Kristiyano noon sa Kolonada ni Solomon.—Gaw 5:12, 13; tingnan sa Glosari, “Kolonada ni Solomon.”
Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., patuloy na dinala ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita sa bahay ng mga tao. Kahit inutusan silang “huwag nang magsalita,” sinasabi ng ulat na “araw-araw sa templo at sa bahay-bahay, walang pagod silang nagpatuloy sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gaw 5:40-42) Noong mga 56 C.E., sinabi ni apostol Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso: ‘Hindi ako nag-atubiling turuan kayo nang hayagan at sa bahay-bahay.’ (Gaw 20:20) Ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagsisikap niyang pangaralan ang mga lalaking ito noong hindi pa sila mánanampalatayá at kailangan pa nilang matuto “tungkol sa pagsisisi at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gaw 20:21) Kapag nakakakita siya ng mga taong interesado, siguradong bumabalik siya sa bahay ng mga ito para turuan pa sila nang higit at patibayin ang pananampalataya nila kapag naging mánanampalatayá na sila.—Tingnan ang study note sa Gaw 5:42; 20:20.