Liham sa mga Taga-Filipos 1:1-30

1  Akong si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Kristo Jesus, ay sumusulat sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus sa Filipos,+ pati na sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod:+  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.  Tuwing naaalaala ko kayo, nagpapasalamat ako sa aking Diyos  sa bawat pagsusumamo ko. Masaya ako tuwing nagsusumamo ako para sa inyong lahat+  dahil sa suporta ninyo sa mabuting balita mula noong unang araw na tanggapin ninyo ito hanggang ngayon.  Nagtitiwala ako na ang mabuting gawa na sinimulan ng Diyos sa loob ninyo ay tatapusin niya+ hanggang sa pagdating ng araw ni Kristo Jesus.+  Tamang isipin ko ito tungkol sa inyong lahat, dahil nasa puso ko kayo, kayong mga kabahagi ko sa walang-kapantay* na kabaitan sa pagkabilanggo ko+ at sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.+  Alam ng Diyos na gustong-gusto ko kayong makita, dahil mahal na mahal ko kayong lahat, gaya ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Jesus.  At lagi kong ipinapanalangin na patuloy na sumagana ang inyong pag-ibig,+ kasama ang tumpak na kaalaman+ at malalim na unawa;+ 10  na makita* ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay,+ para manatili kayong taimtim at wala kayong matisod+ hanggang sa araw ni Kristo; 11  at na maging sagana kayo sa matuwid na mga bunga sa pamamagitan ni Jesu-Kristo,+ para sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos. 12  Ngayon, gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko, 13  dahil nalaman ng mga Guwardiya ng Pretorio at ng lahat ng iba pa na nakagapos ako bilang bilanggo+ alang-alang kay Kristo.+ 14  At dahil sa mga gapos ko sa bilangguan, lumakas ang loob ng karamihan sa mga kapatid na kaisa ng Panginoon, at lalo pa nilang inihahayag ang salita ng Diyos nang walang takot.+ 15  Totoo, ang ilan ay nangangaral tungkol sa Kristo dahil sa inggit at pakikipagpaligsahan, pero mabuti ang motibo ng iba. 16  Inihahayag nila ang tungkol sa Kristo dahil sa pag-ibig, dahil alam nilang inatasan ako para ipagtanggol ang mabuting balita;+ 17  pero ginagawa ito ng ilan, hindi dahil sa mabuting motibo, kundi para makipagtalo, dahil gusto nila akong pahirapan habang nasa bilangguan ako. 18  Ano ang resulta? Mabuti man o masama ang motibo ng isang tao, naihahayag pa rin ang tungkol sa Kristo sa bawat paraan, at ikinatutuwa ko ito. Sa katunayan, patuloy rin akong magsasaya 19  dahil alam kong ang magiging resulta nito ay ang kaligtasan ko sa pamamagitan ng inyong pagsusumamo+ at sa tulong ng espiritu ni Jesu-Kristo.+ 20  Kaayon ito ng pag-asa ko at pagtitiwalang hindi ako mapapahiya sa anumang paraan. Alam kong dahil nangangaral ako nang walang takot, ang Kristo ay maluluwalhati, gaya ng dati, sa pamamagitan ng katawan ko, mamatay man ako o mabuhay.+ 21  Dahil kung patuloy akong mabubuhay, para ito kay Kristo,+ at kung mamamatay ako, may pakinabang pa rin.+ 22  Kung patuloy akong mabubuhay sa katawang ito, mas magiging mabunga pa ang gawain ko; pero hindi ko sasabihin* kung ano ang pipiliin ko. 23  Nahihirapan akong pumili sa dalawang ito, dahil di-hamak na mas maganda ang talagang gusto ko, ang mapalaya at makasama si Kristo.+ 24  Pero mas makakabuti para sa inyo na manatili akong buháy sa katawang ito. 25  At dahil tiyak ako rito, alam kong mabubuhay pa ako at makakasama kayong lahat para higit pa kayong sumulong at makadama ng kagalakan na nagmumula sa inyong pananampalataya,+ 26  nang sa gayon, kapag kasama na ninyo akong muli, mag-umapaw ang inyong kagalakan dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo Jesus. 27  Ang gusto ko lang ay kumilos kayo nang* nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo,+ nang sa gayon, kasama man ninyo ako* o hindi, manatili pa rin kayong matatag na may iisang kaisipan at nagkakaisa,+ na nagtutulong-tulong para mapanatili ang pananampalataya sa mabuting balita, 28  at hindi natatakot sa inyong mga kalaban. Patunay ito na mapupuksa+ ang inyong mga kaaway, at kayo naman ay maliligtas;+ at galing ito sa Diyos. 29  Dahil bukod sa pribilehiyo ninyong manampalataya kay Kristo, binigyan din kayo ng pribilehiyo na magdusa para sa kaniya.+ 30  Dahil kinakaharap ninyo ngayon ang problema na nakita ninyong pinagdaanan ko noon+ at patuloy pa ring kinakaharap ngayon.

Talababa

O “di-sana-nararapat.”
O “matiyak.”
O posibleng “alam.”
O “madalaw ko man kayo.”
O “ay mamuhay kayo bilang mga mamamayan na.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Liham sa mga taga-Filipos: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat.—Tingnan ang study note sa 1Co Pamagat at Media Gallery, “Liham ni Pablo sa mga Taga-Filipos.”

isang alipin ni Kristo Jesus: Kadalasan na, ang terminong Griego na douʹlos, na isinasaling “isang alipin,” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng iba, karaniwan na, sa isang alipin na binili. (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27) Ginagamit din ang terminong ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos at ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:18; 4:29; Gal 1:10; Apo 19:10) Binili ni Jesus ang lahat ng Kristiyano nang ibigay niya ang buhay niya bilang haing pantubos. Kaya hindi na pag-aari ng mga Kristiyano ang sarili nila, kundi itinuturing nila ang sarili nila na “alipin ni Kristo.” (Efe 6:6; 1Co 6:19, 20; 7:23; Gal 3:13) Sa mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na naglalaman ng payo sa mga kongregasyon, tinukoy ng mga manunulat ang sarili nila bilang “alipin ni Kristo” nang di-bababa sa isang beses. Ipinapakita lang nito na nagpapasakop sila kay Kristo, na kanilang Panginoon.​—Ro 1:1; Gal 1:10; San 1:1; 2Pe 1:1; Jud 1; Apo 1:1.

banal: Madalas na tukuyin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga espirituwal na kapatid ni Kristo sa mga kongregasyon bilang mga “banal.” (Gaw 9:13, tlb.; 26:10, tlb.; Ro 12:13, tlb.; 2Co 1:1; 13:13) Ang terminong ito ay tumutukoy sa mga nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan na nagkabisa dahil sa “dugo para sa walang-hanggang tipan,” ang dugo ni Jesus. (Heb 10:29; 13:20) Kaya sila ay nilinis ng Diyos at itinuring niyang “banal.” Sa mata ni Jehova, naging banal sila, hindi pagkamatay nila, kundi nang simulan nila ang kanilang malinis na pamumuhay sa lupa. Kaya walang basehan sa Bibliya para ideklara ng isang indibidwal o organisasyon ang isang tao na “banal,” o “santo,” ayon sa salin ng ibang Bibliya. Sinasabi ni Pedro na dapat silang maging “banal” dahil ang Diyos ay banal. (1Pe 1:15, 16; Lev 20:7, 26) Ang terminong “banal” ay tumutukoy sa lahat ng naging kaisa ni Kristo at kasama niyang tagapagmana. Mahigit limang siglo bago tawaging “banal” ang mga tagasunod ni Kristo, isiniwalat na ng Diyos na ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan” ay mamamahala sa Kaharian kasama ni Kristo.​—Dan 7:13, 14, 18, 27.

Filipos: Ang lunsod na ito ay dating tinatawag na Crenides (Krenides). Kinuha ni Felipe II ng Macedon (ama ni Alejandrong Dakila) ang lunsod mula sa mga taga-Tracia noong kalagitnaan ng ikaapat na siglo B.C.E. at ipinangalan ito sa sarili niya. Maraming minahan ng ginto sa lugar na ito, at gumawa sila ng mga baryang ginto sa utos ni Felipe. Noong mga 168 B.C.E., tinalo ng Romanong konsul na si Lucio Aemilio Paulo si Perseus, ang huling hari ng Macedonia, at kinuha niya ang Filipos at ang nakapalibot na mga teritoryo. Noong 146 B.C.E., ginawang lalawigan ng Roma ang buong Macedonia. Naganap sa Kapatagan ng Filipos noong 42 B.C.E. ang labanan kung saan tinalo nina Octavian (Octavio) at Mark Antony ang mga hukbo nina Brutus at Gaius Cassius Longinus, ang mga pumatay kay Julio Cesar. Para alalahanin ang malaking tagumpay ni Octavian, ginawa niyang kolonya ng Roma ang Filipos. Pagkalipas ng ilang taon, nang gawin siyang Cesar Augusto ng Senado ng Roma, pinangalanan niya ang lunsod na ito na Colonia Augusta Julia Philippensis.—Tingnan ang Ap. B13.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Kung paanong mga lalaking may-gulang sa espirituwal ang nangunguna at nangangasiwa sa mga lunsod sa sinaunang bansang Israel, mga lalaking may-gulang din sa espirituwal ang nanguna sa iba’t ibang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Sa ulat na ito, kung saan ipinatawag ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang matandang lalaki sa kongregasyong iyon. Ang bilang ng matatandang lalaki sa bawat kongregasyon ay nakadepende sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikado sa atas na ito. (1Ti 3:1-7; Tit 1:5-8) Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, na malamang na nakatira noon sa Efeso, may binanggit siyang “lupon ng matatandang lalaki.”—1Ti 1:3; 4:14.

tagapangasiwa: Ang salitang Griego para sa tagapangasiwa, e·piʹsko·pos, ay kaugnay ng pandiwang e·pi·sko·peʹo, na nangangahulugang “mag-ingat” (Heb 12:15), at ng pangngalang e·pi·sko·peʹ, na nangangahulugang “pagsisiyasat” (Luc 19:44; 1Pe 2:12), “maging tagapangasiwa” (1Ti 3:1), o “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20). Kaya ang mga tagapangasiwa noon ay dumadalaw, nagsisiyasat, at gumagabay sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang terminong Griego na e·piʹsko·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa pangangasiwa nang may kasamang pagprotekta. Pananagutan ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano na ingatan sa espirituwal ang mga kapananampalataya nila. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong “mga tagapangasiwa” sa pakikipag-usap sa “matatandang lalaki” sa kongregasyon ng Efeso. (Gaw 20:17) At sa liham niya kay Tito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” nang banggitin niya ang mga kuwalipikasyon para sa “matatandang lalaki” ng kongregasyong Kristiyano. (Tit 1:5, 7) Kaya ang mga terminong ito ay tumutukoy lang sa iisang atas; ipinapakita ng pre·sbyʹte·ros ang pagiging may-gulang ng isang tagapangasiwa, at ipinapakita naman ng e·piʹsko·pos ang mga pananagutang kasama sa atas na ito. Sa ulat na ito, kung saan kausap ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang tagapangasiwa sa kongregasyong iyon. Walang takdang bilang ang mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Nakadepende ito sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.” Gayundin, sa pagsulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, tinawag niya silang “mga tagapangasiwa” (Fil 1:1), na nagpapakitang isa silang lupon na nangangasiwa sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:20.

Akong si Pablo at si Timoteo: Si Pablo ang sumulat ng liham na ito sa mga taga-Filipos, pero isinama niya si Timoteo sa kaniyang panimulang pagbati. Kasama ni Pablo si Timoteo sa Roma noong unang mabilanggo si Pablo doon. Binanggit din ni Pablo si Timoteo sa dalawa pang liham na isinulat niya sa Roma noong mga panahong iyon—ang liham niya sa mga taga-Colosas at kay Filemon. (Col 1:1, 2; Flm 1) Lumilitaw na nabilanggo rin si Timoteo sa Roma noong isinusulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Filipos at bago niya isulat ang liham sa mga Hebreo.—Fil 2:19; Heb 13:23.

mga alipin ni Kristo Jesus: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

banal: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Filipos: Tingnan ang study note sa Gaw 16:12.

mga tagapangasiwa: Ginamit dito ni Pablo ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego para sa “tagapangasiwa” (e·piʹsko·pos) para tukuyin ang mga nangunguna sa kongregasyon sa Filipos. (Ihambing ang Gaw 20:28.) Sa ibang liham niya, binanggit niya na isang “lupon ng matatandang lalaki” ang nagbigay ng espesyal na atas kay Timoteo. (1Ti 4:14) Kahit minsan, walang ipinahiwatig si Pablo na nag-iisa lang ang tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Ipinapakita nito kung paano inoorganisa ang mga kongregasyon noong unang siglo. Pareho ang kahulugan ng “mga tagapangasiwa” at “matatandang lalaki” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tumutukoy ang mga ito sa iisang pananagutan. (Gaw 20:17, 28; Tit 1:5, 7; ihambing ang 1Pe 5:1, 2.) Nakadepende ang bilang ng mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.”—Gaw 14:23; tingnan ang study note sa Gaw 20:17, 28.

mga ministeryal na lingkod: O “mga katulong.” Ang salitang Griego na di·aʹko·nos, na literal na nangangahulugang “lingkod,” ay ginamit dito para tumukoy sa inatasang “mga ministeryal na lingkod” sa kongregasyong Kristiyano. Ganito rin ang pagkakagamit ng terminong ito sa 1Ti 3:8, 12. Ang ginamit na termino ni Pablo ay nasa anyong pangmaramihan, kaya ipinapakita nito na sa isang kongregasyon, maraming ganitong lingkod na gumaganap ng iba’t ibang atas para makatulong sa mga tagapangasiwa. May mga Bibliya na gumamit sa talatang ito ng mga titulong “mga obispo at mga diyakono,” sa halip na “mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod,” para masuportahan ang itinuturo ng Sangkakristiyanuhan na may nakakataas na mga posisyon sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Pero ipinapakita ng tumpak na mga salin na hindi nagiging mataas ang isang Kristiyano kapag nabibigyan siya ng mga pananagutan sa kongregasyon. Idinidiin ng saling “mga ministeryal na lingkod” na naglilingkod ang masisipag na lalaking ito sa kongregasyon.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

magsumamo: O “manalangin nang marubdob.” Ang pandiwang Griego na deʹo·mai ay tumutukoy sa marubdob na pananalangin na may kasamang masidhing damdamin. Ang kaugnay na pangngalang deʹe·sis, na isinasaling “pagsusumamo,” ay nangangahulugang “mapagpakumbaba at marubdob na pakiusap.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang ito ay ginagamit lang sa pakikipag-usap sa Diyos. Kahit si Jesus ay ‘nagsumamo at nakiusap nang may paghiyaw at mga luha sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan.’ (Heb 5:7) Sa Griego, ginamit dito ang anyong pangmaramihan para sa ‘pagsusumamo,’ na nagpapakitang hindi lang isang beses nakiusap si Jesus kay Jehova. Halimbawa, sa hardin ng Getsemani, nanalangin si Jesus nang marubdob at paulit-ulit.—Mat 26:36-44; Luc 22:32.

panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat: Ang salitang “panalangin” na ginamit dito ni Pablo ay isang malawak na termino na tumutukoy sa pakikipag-usap sa Diyos nang may matinding paggalang. Mas espesipiko ang kahulugan ng “pagsusumamo”; ito ay marubdob na pakiusap sa Diyos, na posibleng may kasama pang pagluha. (Heb 5:7) Ayon sa isang reperensiya, nangangahulugan itong “pagdaing dahil sa personal na pangangailangan.” Nang sabihin ni Pablo na samahan ito ng “pasasalamat,” ipinakita niya na laging angkop na magpasalamat sa Diyos. Gaano man kabigat ang problema ng isa, may dahilan pa rin siyang magpasalamat; alam na alam iyan ni Pablo dahil sa mga naranasan niya. (Gaw 16:22-25; Efe 5:19, 20) Binanggit din ni Pablo ang salitang pakiusap, na tumutukoy sa mga bagay na hinihiling ng isa sa panalangin. Kakapaliwanag lang ni Pablo na puwedeng isama ng isang Kristiyano ang halos lahat ng bagay sa mga pakiusap niya.—Tingnan ang study note sa lahat sa talatang ito.

pagsusumamo: Tingnan ang study note sa Gaw 4:31; Fil 4:6.

dahil sa suporta ninyo sa: O “dahil sa pakikibahagi ninyo sa pagpapalaganap ng.” Malamang na isa sa mga naiisip dito ni Pablo ang panahong nabautismuhan si Lydia at ang sambahayan niya at pilitin niya si Pablo at ang mga kasama nito na tumuloy sa bahay niya.—Gaw 16:14, 15.

pagkabilanggo ko: Malamang na mas maraming beses na nabilanggo si Pablo kaysa sinumang apostol. (Ihambing ang 2Co 11:23.) Mga 10 taon bago nito, nabilanggo si Pablo nang maikling panahon sa Filipos. (Gaw 16:22-24) Ngayon, habang isinusulat niya ang liham sa mga taga-Filipos, nakabilanggo siya sa sarili niyang bahay sa Roma. Laging may nakabantay na sundalo kay Pablo habang hinihintay niya na litisin siya sa harap ni Cesar. (Gaw 25:11, 12; 28:30, 31) Alam ng mga taga-Filipos na kailangan ni Pablo ng tulong habang nakabilanggo, kaya nagpadala sila kay Epafrodito ng materyal na suporta para kay Pablo. At noong kasama na ni Pablo si Epafrodito, naging malaking tulong ito sa kaniya, at isinapanganib pa nga nito ang sariling buhay para sa kaniya.—Fil 2:25, 30; 4:18.

pagtatanggol: Ang salitang Griego na isinaling “pagtatanggol” (a·po·lo·giʹa) ay madalas gamitin sa korte. (Gaw 22:1; 25:16) Inihula ni Jesus na ang mga tagasunod niya ay dadalhin “sa mga hukuman” at “sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa [kaniya], at makapagpapatotoo [sila] sa kanila at sa mga bansa.” (Mat 10:17, 18) Nang maaresto si Pablo dahil sa mga Judio sa Jerusalem, dinala siya sa Romanong gobernador sa Cesarea. (Gaw 23:23-35) Nang ‘umapela kay Cesar’ si Pablo habang nasa Cesarea, nagkaroon siya ng pagkakataong ipagtanggol ang pananampalataya niya sa harap ng pinakamataas na hukuman sa Imperyo ng Roma. (Gaw 25:11, 12) Walang sinasabi sa Kasulatan kung kay Cesar Nero siya mismo humarap o sa isa sa mga kinatawan nito. Noong isinusulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Filipos, hinihintay niyang litisin siya sa Roma, gaya ng hiniling niya.—Gaw 28:17-20.

legal na pagtatatag ng mabuting balita: Isang termino sa batas ang ginamit dito ni Pablo. Tumutukoy ito sa paggamit ng legal na mga karapatan para maipalaganap ang mabuting balita. Mga 10 taon bago nito, noong nasa Filipos si Pablo, umapela siya sa Romanong awtoridad para sa karapatan niyang mangaral ng mabuting balita. (Gaw 16:35-40) Ipinaglaban niya ang karapatan ng mga Kristiyano na malayang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Imperyo ng Roma. Sinabi ng isang reperensiya: “Naging saksi si Pablo, hindi lang sa bilangguan, kundi pati sa hukuman.”

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Puwede itong mangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman,” depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ro 10:2.) Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakitang kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano na maging kaisa ng mga kapananampalataya niya habang sinisikap niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—1Co 1:24, 30; Efe 3:18; Col 2:2, 3; 2Pe 1:8; 2:20.

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Pareho itong kaugnay ng pandiwang gi·noʹsko, na nangangahulugang “malaman; maintindihan; makilala.” Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Batay sa mga konteksto, karaniwan na itong nangangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman.” Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakita na masigasig para sa maling bagay ang mga kababayan niya, ang mga Judio. Hindi ito nakabatay sa tamang unawa sa kalooban ng Diyos, na naisiwalat sa pamamagitan ni Jesus, ang ipinangakong Mesiyas.

tumpak na kaalaman: Dito, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapananampalataya ay iniugnay ni Pablo sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos at ng kaunawaan sa kalooban ni Jehova. Sa Kasulatan, ang mga terminong Griego para sa “alamin” at “kaalaman” ay kadalasan nang nangangahulugang “malaman dahil sa sariling karanasan.”—Para sa paliwanag sa terminong Griego na isinalin ditong “tumpak na kaalaman,” tingnan ang study note sa Ro 10:2; Efe 4:13.

malalim na unawa: Dito lang lumitaw ang salitang Griego na isinaling “unawa.” Isang kaugnay na salita ang ginamit sa Heb 5:14 sa pariralang “sa paggamit sa kanilang kakayahang umunawa, sinanay nila itong makilala ang tama at mali.” Sa Bibliya, tumutukoy ang mga terminong ito sa kakayahang maunawaan ang moral at espirituwal na mga bagay. Ipinanalangin ni Pablo na sumagana sana ang pag-ibig ng mga Kristiyano sa Filipos kasama ang malalim na unawa para malinaw nilang makita kung ano ang mahalaga at di-gaanong mahalaga sa paningin ng Diyos. (Fil 1:10) Dapat na malalim ang pang-unawa ng isang Kristiyano pagdating sa moral na mga pamantayan—alam niya kung ano ang tama at mali, hindi lang kapag may malinaw na utos, kundi pati sa mga sitwasyong mahirap malaman kung ano ang tamang gawin. Sa gayon, makakagawa siya ng tamang mga desisyon at maiingatan niya ang kaugnayan niya kay Jehova.

Guwardiya ng Pretorio: Sa unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma (mga 59-61 C.E.), “pinayagan [siya] na tumirang mag-isa sa bahay niya pero may sundalong magbabantay sa kaniya.” (Gaw 28:16) Habang nakabilanggo si Pablo sa bahay niya, isinulat niya na “nalaman ng mga Guwardiya ng Pretorio . . . na nakagapos [siya] bilang bilanggo alang-alang kay Kristo.” Ang mga guwardiyang ito ay isang grupo ng mahuhusay na sundalong Romano na libo-libo ang bilang. Ang salitang Griego na ginamit dito ay galing sa salitang Latin na praetorium, na tumutukoy noon sa lugar (isang tolda o gusali) kung saan nakatira ang isang kumandante ng hukbong Romano. Nang mamahala na si Cesar Augusto, ang mga Guwardiya ng Pretorio ay naging tagapagbantay ng Romanong emperador, kaya sa ilang Bibliya, ang salitang Griego na ginamit sa Fil 1:13 ay isinaling “guwardiya ng emperador” o “guwardiya ng palasyo.” Ang ganitong mga guwardiya ay kailangang laging malapit sa emperador at sa pamilya nito.

ang ilan ay nangangaral tungkol sa Kristo dahil sa inggit at pakikipagpaligsahan: May ilan noon na mali ang motibo sa paglilingkod sa Diyos. Malamang na kasama rito ang mga Judio na naging Kristiyano pero hindi nanghawakan sa katotohanang itinuro ni apostol Pablo. Mas mahalaga sa kanila na hangaan sila at ang mga ideya nila kaysa sa maluwalhati ang Diyos. (Gal 6:12, 13) Nainggit sila sa magandang reputasyon, awtoridad, at impluwensiya ni Pablo, kaya siniraan nila siya. (Fil 1:17) Pero masaya pa rin si Pablo dahil nakita niyang naihahayag pa rin ang tungkol sa Kristo.—Fil 1:18.

pero mabuti ang motibo ng iba: May mga Kristiyano na malinis ang motibo sa pangangaral ng mensahe tungkol sa Kristo. Nagpakita rin sila ng kabutihang-loob sa mga kinatawan ni Kristo, kasama na si Pablo. Dahil dito, sinasang-ayunan din sila ng Diyos, o pinagpapakitaan ng kabutihang-loob.—Aw 106:4; Kaw 8:35.

espiritu ni Jesus: Lumilitaw na tumutukoy sa paggamit ni Jesus ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, na ‘tinanggap niya mula sa Ama.’ (Gaw 2:33) Bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ginamit ni Jesus ang espiritu para pangasiwaan ang gawaing pangangaral ng mga Kristiyano noon at para ipakita kung saan sila dapat magpokus. Sa pagkakataong ito, ginamit ni Jesus ang “banal na espiritu” para pigilan si Pablo at ang mga kasama nito na mangaral sa mga lalawigan ng Asia at Bitinia. (Gaw 16:6-10) Pero nang maglaon, lumaganap pa rin ang mabuting balita sa mga rehiyong ito.—Gaw 18:18-21; 1Pe 1:1, 2.

kaligtasan ko: O “paglaya ko.” Isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Filipos noong unang pagkabilanggo niya sa Roma (mga 59-61 C.E.). Ang terminong ginamit dito ni Pablo ay puwedeng mangahulugang nagtitiwala siyang makakalaya siya dahil sa marubdob na mga panalangin ng mga Kristiyano sa Filipos. Kaayon ito ng sinabi niya na gusto niyang madalaw ulit ang mga taga-Filipos. (Fil 2:24) Mangyayari iyan kung mapapalaya siya mula sa bilangguan. (Tingnan sa Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”) Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo (so·te·riʹa, na madalas isaling “kaligtasan”) ay puwede ring tumukoy sa walang-hanggang kaligtasan ni Pablo.

espiritu ni Jesu-Kristo: Lumilitaw na tumutukoy sa paggamit ni Jesus sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sinasabi sa Gaw 2:33 na “tinanggap [ni Jesus] ang banal na espiritu na ipinangako ng Ama.” Sa Fil 1:11, ipinanalangin ni Pablo “na maging sagana [ang mga Kristiyano] sa matuwid na mga bunga sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, para sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.” Mula nang buhaying muli si Jesus at umakyat siya sa langit, ginamit siya ng Diyos para ilaan ang pangangailangan ng mga Kristiyano sa lupa. Sa Ju 14:26, sinabi ni Jesus: “Ang banal na espiritu [ay] ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko,” at sa Ju 15:26, sinabi niya: “Kapag dumating ang katulong na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang espiritu ng katotohanan . . . , ang isang iyon ay magpapatotoo tungkol sa akin.”—Tingnan ang study note sa Gaw 16:7.

Nakakausap ko kayo nang tapatan: O “Nakakausap ko kayo nang malaya (walang takot).” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay pangunahin nang nangangahulugang “katapangan sa pagsasalita.” Puwede rin itong isaling “May kalayaan ako sa pagsasalita sa inyo.”—Tingnan ang study note sa Gaw 28:31.

nangangaral ako nang walang takot: Tingnan ang study note sa 2Co 7:4.

kung patuloy akong mabubuhay, para ito kay Kristo, at kung mamamatay ako, may pakinabang pa rin: Pinaghahambing dito ni Pablo ang buhay at kamatayan niya. Habang nabubuhay siya, masaya siyang makakapaglingkod sa Diyos at sa mga kapuwa niya Kristiyano, at kung mamatay siya nang tapat, magkakaroon siya ng imortal na buhay sa langit.—2Ti 4:6-8.

Nahihirapan akong pumili sa dalawang ito: Habang nakabilanggo si Pablo sa sariling bahay at naghihintay na litisin sa harap ni Cesar, nahihirapan siyang pumili sa dalawang posibleng mangyari. Kung mananatili siyang buháy, patuloy siyang makakapaglingkod sa mga kapatid. Pero puwede rin siyang mamatay bilang tapat na lingkod ng Diyos. (2Ti 4:7, 8) Hindi direktang sinabi ni Pablo kung ano ang mas gusto niya. (Fil 1:22) Pero sinabi niyang mas maganda na “mapalaya at makasama si Kristo.” Alam niyang matatanggap lang niya ang gantimpala sa langit sa panahon ng presensiya ni Kristo kung mananatili siyang tapat hanggang kamatayan.—Apo 2:10.

mapalaya: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang kamatayan niya. Sa ikalawang liham niya kay Timoteo, na isinulat noong mga 65 C.E., gumamit siya ng isang kaugnay na salitang Griego nang sabihin niya tungkol sa kamatayan niya: “Malapit na akong lumaya.” (2Ti 4:6) Lumilitaw na ang ekspresyong “mapalaya at makasama si Kristo” ay kaayon ng sinabi ni Pablo sa 2Co 5:8: “Mas gusto nating manirahan kasama ng Panginoon sa halip na sa katawang ito.” Itinuring niyang ‘paglaya’ ang kamatayan niya bilang tapat na pinahirang lingkod ng Diyos, dahil ito ang paraan para buhayin siyang muli at maging bahagi ng “Kaharian [ni Kristo] sa langit.” (2Ti 4:18) Gaya ng ipinaliwanag ni Pablo sa 1Co 15:23, “ang mga kay Kristo” ay bubuhaying muli tungo sa langit sa “panahon ng . . . presensiya” ni Kristo. Kaya sinasabi dito ni Pablo na gusto niyang mamatay nang tapat para mabuhay siyang muli tungo sa langit. Karaniwan lang noon na tukuying ‘paglaya’ ang kamatayan, gaya ng pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito, dahil may iba pang Griegong manunulat na gumawa nito.

nandito: Dito, ginamit ni Pablo ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para sa tatlong kasama niya. Limang beses pang ginamit sa ganitong diwa ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (2Co 7:6, 7; 10:10; Fil 1:26; 2:12) Ginamit din ang terminong ito para tumukoy sa di-nakikitang presensiya ni Jesu-Kristo. (Mat 24:3; 1Co 15:23) Ang terminong pa·rou·siʹa, o “presensiya,” ay puwedeng tumukoy sa di-nakikitang presensiya, gaya ng makikita sa pagkakagamit dito ng Judiong istoryador na si Josephus nang isulat niya sa wikang Griego ang tungkol sa pa·rou·siʹa ng Diyos sa Bundok Sinai. Naramdaman ang di-nakikitang presensiya ng Diyos dahil sa kulog at kidlat. (Jewish Antiquities, III, 80 [v, 2]) Ginamit ni Pablo ang isang kaugnay na pandiwa nang sabihin niyang “kahit wala ako diyan, naririyan (paʹrei·mi) ako sa espiritu.” (1Co 5:3, tlb.) Kahit “pagdating” ang itinumbas dito ng maraming salin, ang saling “nandito” ay sinusuportahan ng pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito sa Fil 2:12 para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:23.

presensiya: Ang salitang Griego na pa·rou·siʹa (“pagparito” sa maraming salin) ay literal na nangangahulugang “pagiging nasa tabi.” Tumutukoy ito sa presensiya sa isang yugto ng panahon sa halip na sa mismong pagdating. Ang ganitong kahulugan ng pa·rou·siʹa ay makikita sa Mat 24:37-39, kung saan ang “panahon ni Noe . . . bago ang Baha” ay ikinumpara sa “presensiya ng Anak ng tao.” Sa Fil 2:12, ginamit ni Pablo ang salitang ito para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya.

kasama ninyo ako . . . wala ako riyan: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para tumukoy sa panahong makakasama siya ng mga Kristiyano sa Filipos. Ang ganiyang kahulugan ay batay sa iba pang sinabi ni Pablo sa tekstong ito, kung saan ginamit din niya ang salitang Griego na a·pou·siʹa, na tumutukoy sa panahong hindi niya sila kasama, kabaligtaran ng pa·rou·siʹa. Ginamit din ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para tumukoy sa di-nakikitang presensiya ni Jesu-Kristo mula nang gawin siyang Mesiyanikong Hari sa langit sa pasimula ng mga huling araw ng sistemang ito.—Tingnan ang study note sa Mat 24:3; 1Co 15:23; Fil 1:26.

kapag kasama na ninyo akong muli: Ginamit sa pariralang Griego na ito ang pangngalang pa·rou·siʹa, na literal na nangangahulugang “pagiging nasa tabi.” Madalas itong isalin na “presensiya,” partikular na kapag tinutukoy ang di-nakikitang presensiya ni Jesu-Kristo. (Mat 24:37; 1Co 15:23) Dito, ginamit ni Pablo ang terminong ito nang sabihin niyang gusto niyang makasama ang mga Kristiyano sa Filipos. Ang saling “kasama” ay kaayon ng pagkakagamit ni Pablo sa terminong pa·rou·siʹa sa Fil 2:12 (tingnan ang study note) para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya.—Tingnan ang study note sa Mat 24:3; 1Co 16:17.

malinis ang konsensiya ko: O “namuhay ako nang may malinis na konsensiya.” Ang anyo ng pandiwang Griego na po·li·teuʹo·mai na ginamit dito para sa “namuhay” ay puwede ring isaling “kumilos bilang isang mamamayan.” (Kingdom Interlinear) Ipinapakita dito ni Pablo na naging mabuting mamamayan siya na sumusunod sa mga batas ng kaniyang bansa. Karaniwan nang aktibong nakikipagtulungan sa Estado ang mga mamamayang Romano dahil napakahalaga sa kanila ng kanilang pagkamamamayan at alam nilang ang mga pribilehiyo nila ay may kasamang mga pananagutan. (Gaw 22:25-30) Dito, nang ilarawan ni Pablo kung paano siya namuhay sa harap ng Diyos, posibleng idinidiin niya na isa siyang mamamayan ng Kaharian ng Diyos.—Fil 3:20; ihambing ang paggamit ng pandiwang Griego na ito sa Fil 1:27; tlb.

pagkamamamayan natin: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito. (Tingnan ang study note sa Gaw 16:12, 21.) Posibleng ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Filipos ay may pagkamamamayang Romano, na talagang pinahahalagahan ng mga tao noon. Malaki ang kaibahan noon ng mga mamamayang Romano at hindi. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagkamamamayan sa langit, na di-hamak na nakahihigit. (Efe 2:19) Hinimok ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano na magpokus, hindi sa mga bagay sa lupa (Fil 3:19), kundi sa buhay na naghihintay sa kanila bilang “mamamayan” ng langit.—Tingnan ang study note sa Fil 1:27.

nagkakaisa ang puso at isip: Lit., “iisa ang puso at kaluluwa.” Tumutukoy ito sa pagkakaisa ng lahat ng mánanampalatayá. Sa Fil 1:27, may kahawig na ekspresyong ginamit na isinaling “nagkakaisa” at puwede ring isaling “may iisang layunin” o “bilang iisang tao.” Sa Hebreong Kasulatan, ginamit ang ekspresyong “iisa ang (iisang) puso” sa 1Cr 12:38, tlb., at sa 2Cr 30:12, tlb., para ipakita na iisa ang gusto ng mga tao at nagkakaisa sila sa pagkilos. Gayundin, ang ekspresyong “puso” at “kaluluwa” ay madalas banggiting magkasama para tumukoy sa buong panloob na pagkatao. (Deu 4:29; 6:5; 10:12; 11:13; 26:16; 30:2, 6, 10) Ganito rin ang pagkakagamit ng pariralang Griego sa tekstong ito, at puwede itong isaling “lubusan silang nagkakaisa sa pag-iisip at layunin.” Kaayon ito ng panalangin ni Jesus na magkaisa ang mga tagasunod niya kahit magkakaiba ang pinagmulan nila.—Ju 17:21.

kumilos: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay kaugnay ng mga salitang Griego para sa “pagkamamamayan” (Fil 3:20) at “mamamayan” (Gaw 21:39). Karaniwan nang aktibong nakikipagtulungan sa Estado ang mga mamamayang Romano dahil napakahalaga sa kanila ng kanilang pagkamamamayan at alam nilang ang mga pribilehiyo nila ay may kasamang mga pananagutan. (Gaw 22:25-30) Kaya nang gamitin ni Pablo ang isang anyo ng pandiwang ito may kaugnayan sa pagkilos nang nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo, tinutukoy niya ang pakikibahagi sa mga gawain ng isang Kristiyano, lalo na sa paghahayag ng mabuting balita. Malamang na naiintindihan ng mga taga-Filipos ang punto ni Pablo tungkol sa aktibong pakikibahagi dahil nakatanggap din sila ng isang uri ng pagkamamamayan mula sa Roma.—Tingnan ang study note sa Gaw 23:1; Fil 3:20.

nagkakaisa: O “gaya ng iisang tao.”—Tingnan ang study note sa Gaw 4:32.

Media

Liham ni Pablo sa mga Taga-Filipos
Liham ni Pablo sa mga Taga-Filipos

Makikita rito ang isang pahina ng papirong codex na tinatawag na P46, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Ang codex na ito ay koleksiyon ng siyam sa mga liham ni Pablo, pero ang pagkakasunod-sunod ng mga liham dito ay iba sa makikita sa mga Bibliya ngayon. (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto” at “Ikalawang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) Mababasa sa pahinang ito ang katapusan ng liham ni Pablo sa mga taga-Galacia at ang umpisa ng liham niya sa mga Kristiyano sa lunsod ng Filipos. Bahagi ito ng Papyrus Chester Beatty 2, na iniingatan ngayon sa Chester Beatty Library sa Dublin, Ireland. Minarkahan dito ang pamagat, kung saan ang mababasa ay “Para sa mga Taga-Filipos.” Ang koleksiyong ito ay patunay na noon pa man, gumagamit na ang mga eskriba ng mga pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya.

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Filipos
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Filipos
Ang Gapos ni Pablo Habang Nakabilanggo sa Bahay
Ang Gapos ni Pablo Habang Nakabilanggo sa Bahay

Noong unang beses na nabilanggo si apostol Pablo sa Roma, pinayagan siyang tumira sa isang inuupahang bahay kasama ng isang sundalo. (Gaw 28:16, 30) Karaniwan nang itinatanikala ng mga Romanong sundalo ang mga bilanggo. Kadalasan na, nakatanikala ang kanang kamay ng bilanggo at ang kaliwang kamay ng sundalo. Kaya magagamit ng sundalo ang kanang kamay niya. Binanggit ni Pablo ang mga tanikala, gapos, at pagkabilanggo niya sa karamihan ng liham na ginawa niya habang nakabilanggo siya sa isang bahay sa Roma.—Efe 3:1; 4:1; 6:20; Fil 1:7, 13, 14, 17; Col 4:3, 18; Flm 1, 9, 10, 13.

Guwardiya ng Pretorio
Guwardiya ng Pretorio

Ang mga Guwardiya ng Pretorio ay kadalasan nang nakasuot ng tunika (1) at kung minsan ay ng balabal (2). Dahil dito, madali silang nakakakilos. Kahit na karaniwang suot ng mga Romano, di-Romano, at mga alipin ang tunika, madaling makilala ang mga sundalo dahil sa mga sandata nila, sinturon, at sandalyas. Pero kapag nasa lunsod ng Roma at binabantayan ang emperador, nagsusuot sila ng ibang damit na tinatawag na toga (3). Ito ang pormal na kasuotan ng mga lalaking mamamayang Romano.