Liham sa mga Taga-Efeso 4:1-32

4  Kaya ako, na isang bilanggo+ dahil sa Panginoon, ay nakikiusap na mamuhay kayo gaya ng karapat-dapat+ sa mga tinawag ng Diyos  —tunay na mapagpakumbaba+ at mahinahon,+ matiisin,+ na nagpapasensiya sa isa’t isa dahil sa pag-ibig+  at pinagsisikapang mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.+  May iisang katawan+ at iisang espiritu,+ kung paanong may iisang gantimpala+ na inialok ang Diyos sa atin;  iisang Panginoon,+ iisang pananampalataya, iisang bautismo;  iisang Diyos at Ama ng lahat, na namumuno sa lahat at kumikilos sa pamamagitan ng lahat at sumasaating lahat.  At nagpakita ang Diyos ng walang-kapantay na kabaitan sa bawat isa sa atin ayon sa paghahati-hati ng Kristo sa regalong ito.+  Dahil sinasabi nito:* “Nang umakyat siya sa kaitaasan, nagdala siya ng mga bihag; may ibinigay siyang mga tao bilang regalo.”+  Hindi ba ipinapakita ng pananalitang “umakyat siya” na bumaba muna siya sa lupa? 10  Ang isang iyon na bumaba ang siya ring umakyat+ nang mas mataas pa sa langit+ para maisakatuparan ang lahat ng bagay. 11  Ang ilan sa mga taong ibinigay niya ay inatasan niya bilang apostol,+ ang ilan bilang propeta,+ ang ilan bilang ebanghelisador,+ at ang ilan bilang pastol at guro,+ 12  para ituwid ang mga banal, para maglingkod, at para patibayin ang katawan* ng Kristo,+ 13  hanggang sa magkaisa tayong lahat sa pananampalataya at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos at maging adulto,+ hanggang sa maging maygulang tayo gaya ng Kristo.+ 14  Kaya huwag na tayong maging mga bata, na tinatangay-tangay ng alon at dinadala ng hangin kung saan-saan dahil sa pakikinig sa mga turo+ ng mga taong nandaraya at gumagawa ng tusong mga pakana. 15  Sa halip, magsalita tayo ng katotohanan at magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay at makapamuhay gaya ni Kristo, ang ulo.+ 16  Dahil sa kaniya, ang lahat ng bahagi ng katawan+ ay nagkakabuklod at nagtutulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan para maibigay ang pangangailangan ng katawan. Kapag ginagawang mabuti ng bawat bahagi ang papel nito, nakatutulong ito para lumakas ang buong katawan habang tumitibay ito dahil sa pag-ibig.+ 17  Kaya sa ngalan ng Panginoon, sinasabi ko sa inyo na huwag na kayong mamuhay gaya ng mga bansa,+ na namumuhay ayon sa kanilang walang-saysay na kaisipan.+ 18  Nasa dilim ang isip nila at malayo sila sa buhay na nagmumula sa Diyos dahil wala silang alam at manhid ang puso nila. 19  Dahil hindi na sila nakokonsensiya, hindi na sila mapigilan sa paggawi nang may kapangahasan+ at ginagawa nila ang bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.+ 20  Pero hindi ganiyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Kristo. 21  Tiyak namang narinig ninyo si Jesus at naturuan kayo ayon sa katotohanang itinuro niya. 22  Tinuruan kayong alisin ang inyong lumang personalidad*+ na naaayon sa dati ninyong paraan ng pamumuhay at pinasasamâ ng mapandayang mga pagnanasa.+ 23  At dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip+ 24  at isuot ang bagong personalidad+ na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat. 25  Kaya ngayong itinigil na ninyo ang panlilinlang, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa+ dahil tayo ay bahagi ng iisang katawan.+ 26  Kapag napoot kayo, huwag kayong magkasala;+ huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo;+ 27  huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang Diyablo.+ 28  Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa;+ sa halip, magtrabaho siya*+ nang husto at nang marangal para may maibahagi siya sa nangangailangan.+ 29  Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita.+ Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay, ayon sa pangangailangan, para makinabang ang mga nakikinig.+ 30  Huwag din ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos,+ na ipinantatak sa inyo+ para sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.+ 31  Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit,+ galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita,+ at anumang puwedeng makapinsala.+ 32  Maging mabait kayo sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit,+ at lubusan ninyong patawarin ang isa’t isa, kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusan ding nagpatawad sa inyo.+

Talababa

O posibleng “niya.”
O “kongregasyon.”
O “pagkatao.”
Lit., “magtrabaho siya gamit ang sariling mga kamay.”

Study Notes

kapakumbabaan: Ang isang taong mapagpakumbaba ay hindi mapagmataas o arogante. Makikita ang kapakumbabaan sa pananaw ng isang tao sa sarili niya kung ikukumpara sa Diyos at sa iba. Hindi ito kahinaan, kundi isang kalagayan ng isip na kalugod-lugod sa Diyos. Ang mga Kristiyanong tunay na mapagpakumbaba ay nakakagawang magkakasama nang may pagkakaisa. (Efe 4:2; Fil 2:3; Col 3:12; 1Pe 5:5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ta·pei·no·phro·syʹne, na isinalin ditong “kapakumbabaan,” ay mula sa mga salitang ta·pei·noʹo, “gawing mababa,” at phren, “ang isip.” Kaya ang literal na salin nito ay “kababaan ng isip.” Ang kaugnay na terminong ta·pei·nosʹ ay isinalin ding “mapagpakumbaba.”—Mat 11:29; San 4:6; 1Pe 5:5; tingnan ang study note sa Mat 11:29.

mapagpakumbaba: O “may kababaan ng isip.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:19.

mapanatili ang kapayapaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa “isang bagay na kayang magbuklod o nagsisilbing pandikit.” Sa ganitong diwa ginamit ang salitang ito sa Col 2:19, kung saan isinalin itong “litid,” isang matibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto. Parang ganiyan ang kapayapaan dahil kaya nitong pagbuklurin ang mga miyembro ng kongregasyon. Hindi lang ito basta nangangahulugang walang awayan. Ang ganitong kapayapaan ay nakasalig sa pag-ibig, at kailangan ang pagsisikap para mapanatili ito. (Efe 4:2) Ginamit din ni Pablo ang salitang Griego na ito sa Col 3:14, kung saan sinabi niya na ‘lubusang pinagkakaisa’ ng pag-ibig ang mga tao.

maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu: Kung sinusunod ng isang Kristiyano ang payong ito, hahayaan niyang gabayan siya ng espiritu ng Diyos para maipakita niya ang bunga nito. Makapangyarihan ang “espiritu” na galing sa Diyos, at kaya nitong pagkaisahin ang mga tao. (1Co 2:12; Gal 5:22, 23) Sa naunang talata, binanggit ni Pablo ang kapakumbabaan, kahinahunan, pagkamatiisin, at pag-ibig—mga katangiang nagtataguyod ng pagkakaisa.—Efe 4:2.

iisang: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, idiniin niya na mahalaga ang pagkakaisa. Sa Efe 4:4-6, binanggit niya ang mga bagay na nagbubuklod sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano.

iisang katawan: Dito, ikinumpara sa katawan ng tao ang kongregasyong Kristiyano. Si Jesu-Kristo ang “ulo” ng katawang ito.—Efe 1:22, 23.

iisang espiritu: Tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos.—1Co 12:13; 2Co 5:5.

iisang gantimpala: O “iisang pag-asa.” Sa konteksto, tumutukoy ito sa pag-asa ng pinahirang mga Kristiyano na mabuhay sa langit. (Heb 3:1) At kapag naging hari na at saserdote sa langit ang mga pinahiran, lahat ng tao na nananampalataya sa Diyos at gustong maglingkod sa kaniya ay magiging malaya “mula sa pagkaalipin sa kabulukan” at magkakaroon ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.”—Ro 8:20, 21, 24.

bautismo . . . ni Juan: Ang bautismong ito ay hayagang pagpapakita ng pagsisisi ng isang tao sa mga kasalanang nagawa niya laban sa Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises, ang Kautusang ipinangakong susundin ng mga Judio. (Exo 24:7, 8) Pero nawalan na ng bisa ang bautismo ni Juan pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E. nang matapos ang tipang Kautusan. (Ro 10:4; Gal 3:13; Efe 2:13-15; Col 2:13, 14) Mula noon, ang tinatanggap na lang ni Jehova ay ang bautismong iniutos ni Jesus sa mga alagad niya. (Mat 28:19, 20) Ang mga pangyayaring nakaulat dito na may kaugnayan kay Apolos ay naganap noong mga 52 C.E.

iisang Panginoon: Tumutukoy kay Jesu-Kristo.—1Co 8:6.

iisang pananampalataya: Tumutukoy sa nag-iisang paraan ng pagsamba na katanggap-tanggap sa Diyos. Salig ito sa nag-iisang mensahe tungkol kay Kristo na ipinapangaral ng mga Kristiyano.—Ju 3:16; 4:23, 24; Ro 10:16, 17; 2Co 4:13.

iisang bautismo: Naunawaan ng mga taga-Efeso na kailangan ang “iisang bautismo” na isinasagawa “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu” para magkaisa sila. (Mat 28:19, 20) Sa ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, may mga nakilala siya sa Efeso na nabautismuhan sa “bautismo ni Juan.” Pero lumilitaw na nabautismuhan sila noong panahong wala nang bisa ang bautismong iyon. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:25.) Kilala nila ang Diyos, pero hindi pa nila narinig ang tungkol sa Kristiyanong bautismo. Matapos ipaliwanag ni Pablo ang tungkol kay Kristo at sa banal na espiritu, “nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.” (Gaw 19:1-6) Dahil diyan, naging kaisa na sila ng lahat ng iba pang Kristiyano sa Efeso at sa iba pang lugar sa paglilingkod kay Jehova.

iisang Diyos at Ama ng lahat: Tumutukoy sa Diyos na Jehova.—Deu 6:4.

tagapangasiwa: Ang salitang Griego para sa tagapangasiwa, e·piʹsko·pos, ay kaugnay ng pandiwang e·pi·sko·peʹo, na nangangahulugang “mag-ingat” (Heb 12:15), at ng pangngalang e·pi·sko·peʹ, na nangangahulugang “pagsisiyasat” (Luc 19:44; 1Pe 2:12), “maging tagapangasiwa” (1Ti 3:1), o “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20). Kaya ang mga tagapangasiwa noon ay dumadalaw, nagsisiyasat, at gumagabay sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang terminong Griego na e·piʹsko·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa pangangasiwa nang may kasamang pagprotekta. Pananagutan ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano na ingatan sa espirituwal ang mga kapananampalataya nila. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong “mga tagapangasiwa” sa pakikipag-usap sa “matatandang lalaki” sa kongregasyon ng Efeso. (Gaw 20:17) At sa liham niya kay Tito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” nang banggitin niya ang mga kuwalipikasyon para sa “matatandang lalaki” ng kongregasyong Kristiyano. (Tit 1:5, 7) Kaya ang mga terminong ito ay tumutukoy lang sa iisang atas; ipinapakita ng pre·sbyʹte·ros ang pagiging may-gulang ng isang tagapangasiwa, at ipinapakita naman ng e·piʹsko·pos ang mga pananagutang kasama sa atas na ito. Sa ulat na ito, kung saan kausap ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang tagapangasiwa sa kongregasyong iyon. Walang takdang bilang ang mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Nakadepende ito sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.” Gayundin, sa pagsulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, tinawag niya silang “mga tagapangasiwa” (Fil 1:1), na nagpapakitang isa silang lupon na nangangasiwa sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:20.

mga tao bilang regalo: Ibinatay ito ni Pablo sa Aw 68:18. Sa tekstong iyon, pinasalamatan ni David si Jehova dahil nasakop nila ang Jerusalem. Makasagisag na “umakyat . . . sa kaitaasan” si Jehova nang lupigin niya ang lunsod na nasa Bundok Sion. Nagbigay din siya sa mga Israelita ng mga bihag mula sa lunsod na iyon—malalakas na lalaking naglingkod sa kanila bilang trabahador. Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo na tinupad ni Jesus ang hula sa awit na ito nang manlupig siya alang-alang sa kongregasyong Kristiyano. (Efe 4:10) Nang “umakyat [si Jesus] sa kaitaasan,” o sa langit, tumanggap siya ng malaking awtoridad. (Mat 28:18; Efe 1:20, 21) Ginamit niya ito para makapagbigay siya ng “mga tao bilang regalo” sa kaniyang kongregasyon na magsisilbing mapagmahal na mga pastol at maaasahang mga tagapangasiwa ng kawan ng Diyos.—Efe 4:11; tingnan ang study note sa Gaw 20:28; ihambing ang Isa 32:1, 2.

umakyat nang mas mataas pa sa langit: Inilagay si Jesus sa isang posisyon sa langit na mas mataas kaysa sa lahat ng iba pang nilalang sa langit.—Efe 1:20-23; Fil 2:9-11.

ebanghelisador: Ang terminong Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinalin ditong “ebanghelisador,” ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapaghayag ng mabuting balita.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:23.) Lahat ng Kristiyano ay inatasang mangaral ng mabuting balita (Mat 24:14; 28:19, 20; Gaw 5:42; 8:4; Ro 10:9, 10), pero makikita sa konteksto ng tatlong talata kung saan lumitaw ang terminong Griegong ito na ang salitang “ebanghelisador” ay puwedeng tumukoy sa mas espesipikong atas (Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.). Halimbawa, kapag tumutukoy ito sa isang tao na magdadala ng mabuting balita sa isang bagong teritoryo na hindi pa napangaralan, ang terminong Griego ay puwedeng isaling “misyonero.” Pagkatapos ng Pentecostes, sinimulan ni Felipe ang pangangaral sa lunsod ng Samaria, at naging mabunga siya roon. Sa patnubay ng isang anghel, ipinangaral din ni Felipe ang mabuting balita tungkol kay Kristo sa isang mataas na opisyal na Etiope, at binautismuhan niya ito. Pagkatapos, inakay naman siya ng espiritu para mangaral sa Asdod at sa lahat ng lunsod na madaraanan niya papuntang Cesarea. (Gaw 8:5, 12, 14, 26-40) Makalipas ang mga 20 taon, tinatawag pa rin si Felipe na “ebanghelisador,” gaya ng makikita dito sa Gaw 21:8.

ebanghelisador: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapaghayag, o mángangarál, ng mabuting balita.” Ang salitang ito ay kaugnay ng terminong Griego para sa “ebanghelyo,” o “mabuting balita,” at lumitaw lang ito dito at sa dalawa pang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (2Ti 4:5; tingnan ang study note sa Gaw 21:8.) Inatasan ang lahat ng Kristiyano na ipahayag ang mabuting balita. (Mat 24:14; 28:19, 20) Pero sa tekstong ito, malamang na ginamit ni Pablo ang terminong “ebanghelisador” para tumukoy partikular na sa mga “misyonero.” Halimbawa, naglakbay nang malayo sina Pablo, Timoteo, Bernabe, at Silas para mangaral sa mga lugar na hindi pa napapaabutan ng mabuting balita.—Gaw 13:2-4; 15:40, 41; 16:3, 4.

maituwid kayo: O “maibalik kayo sa ayos.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang terminong Griego na ka·tarʹti·sis, na isinaling “maituwid.” Ginagamit ito at ang iba pang kaugnay na termino para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang bagay. Halimbawa, sa Mat 4:21, ginamit ang pandiwang ka·tar·tiʹzo para ilarawan ang ‘pagtatahi sa punit’ ng mga lambat. Sa Gal 6:1, ginamit din ang pandiwang ito para tumukoy sa pagtutuwid sa isang kapananampalataya na nakagawa ng maling hakbang. Ang kaugnay na pangngalang ka·tar·ti·smosʹ, na isinaling “ituwid” sa Efe 4:12, ay isang termino na ginagamit kung minsan sa medisina para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang buto, biyas, o kasukasuan.

ituwid: Ang pangngalang Griego na isinalin ditong “ituwid” (ka·tar·ti·smosʹ) ay tumutukoy sa pagbabalik sa ayos ng isang bagay. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasanay sa isa para magampanan ang atas niya. Ginagamit kung minsan sa medisina ang salitang ito para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang buto, biyas, o kasukasuan. (Tingnan ang study note sa 2Co 13:9.) ‘Itinuwid,’ o sinanay, ni Jesus “ang mga banal” para ‘makapaglingkod’ sila—tinulungan niya silang iayon sa kaisipan at kalooban ng Diyos ang kanilang kaisipan, ugali, at paggawi. Para magawa ito, ginamit niya ang mga tagapangasiwang inatasan sa pamamagitan ng espiritu, ang mga taong ibinigay niya sa kongregasyon “bilang regalo.”—Efe 4:8, 11, 12; 1Co 16:15-18; 2Ti 2:2; Tit 1:5.

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Pareho itong kaugnay ng pandiwang gi·noʹsko, na nangangahulugang “malaman; maintindihan; makilala.” Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Batay sa mga konteksto, karaniwan na itong nangangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman.” Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakita na masigasig para sa maling bagay ang mga kababayan niya, ang mga Judio. Hindi ito nakabatay sa tamang unawa sa kalooban ng Diyos, na naisiwalat sa pamamagitan ni Jesus, ang ipinangakong Mesiyas.

hanggang sa magkaisa tayong lahat: O “hanggang sa makamtan nating lahat ang pagkakaisa.” Ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na dapat magsikap ang bawat Kristiyano na sumulong sa espirituwal at maging kaisa ng kanilang mga kapananampalataya.—Tingnan ang study note sa adulto sa talatang ito.

magkaisa tayong lahat sa pananampalataya: Idinidiin ng pananalitang ito ang pagkakaisa sa mga paniniwala at turo. (Efe 4:5; Col 1:23; 2:7) Kaya ang salitang Griego na ginamit dito ay isinaling “magkaisa.”

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Puwede itong mangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman,” depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ro 10:2.) Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakitang kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano na maging kaisa ng mga kapananampalataya niya habang sinisikap niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—1Co 1:24, 30; Efe 3:18; Col 2:2, 3; 2Pe 1:8; 2:20.

adulto: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na maging “adulto,” o “maygulang,” sa espirituwal. (1Co 14:20) Dapat nilang sikapin na “maging maygulang . . . gaya ng Kristo” sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos. Kapag ganoon, hindi sila basta-basta maiimpluwensiyahan ng maling mga paniniwala at turo. Nakatulong sa mga Kristiyano sa Efeso ang buong kongregasyon—kasama na ang mga apostol, propeta, ebanghelisador, pastol, at guro—para maging maygulang sila sa espirituwal.—Efe 4:11-14.

mga taong nandaraya: Ang ekspresyong ito, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay literal na tumutukoy sa mga taong nandaraya kapag naglalaro ng dice. Karaniwan ito noon kaya naging idyoma ito para tumukoy sa mga taong nandaraya. (Tingnan sa Media Gallery, “Dice ng mga Romano.”) Dito, binabalaan ni Pablo ang mga taga-Efeso na huwag maging gaya ng “mga bata” pagdating sa espirituwal na mga bagay. Kapag walang karanasan at kaunawaan ang isang tao, puwede siyang maimpluwensiyahan ng “mga turo ng mga taong nandaraya” at hindi sumulong sa espirituwal. Naglaan si Jehova ng “mga tao bilang regalo” para maprotektahan ang mga Kristiyano mula sa huwad na mga guro.—Efe 4:8; tingnan ang Ap. A1.

magsalita tayo ng katotohanan: Malawak ang kahulugan ng pandiwang Griego na ginamit dito, at puwede rin itong isalin na “maging tapat.” Kaya isinalin ito ng ilang Bibliya na “mamuhay ayon sa katotohanan” at “isabuhay ang katotohanan.” Dito, ipinakita ni Pablo ang malaking pagkakaiba ng paggawi ng tunay na mga Kristiyano at ng pandaraya at panlilinlang ng huwad na mga guro na tinuligsa niya sa talata 14. Halos ganiyan din ang sinabi niya sa Efe 4:25, na lumilitaw na galing sa Zac 8:16. Hindi nagbabago ang pamantayan ni Jehova sa pagiging tapat; isang kahilingan sa mga lingkod niya na laging itaguyod ang katotohanan sa salita at sa gawa.—Lev 19:11; Kaw 19:9.

matibay ang pagkakadugtong-dugtong: Idiniriin ng ekspresyong ito na kailangang magkaisa ng kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Efeso.”) Ang mga mánanampalatayáng Judio at Gentil ay puwedeng sama-samang lumapit kay Jehova; lahat sila ay puwedeng tumanggap ng banal na espiritu; at pareho silang bahagi ng isang espirituwal na templo, isang “bahay na titirhan [ng Diyos] sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.”—Efe 2:22; tingnan ang Efe 4:16, kung saan ginamit ni Pablo ang kaparehong ekspresyon (isinaling “nagkakabuklod”) nang ihalintulad niya ang kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao.

sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid: Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay pinagdurugtong-dugtong ng mga kasukasuan. Mayroon din itong mga “litid,” o matitibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto o sumusuporta sa mga panloob na bahagi ng katawan. Sinasabi ng ilang komentarista na posibleng nakaimpluwensiya si Lucas, “ang minamahal na doktor,” sa paggamit ni Pablo ng mga terminong pangmedisina dahil magkasama sila noong isinusulat ni Pablo ang liham na ito. (Col 4:14) Ang terminong Griego na synʹde·smos, na isinalin ditong “litid,” ay may mas malawak na kahulugan at puwede ring tumukoy sa pagbubuklod, gaya sa Efe 4:3 (“mapanatili ang kapayapaan”) at Col 3:14 (“pinagkakaisa ang mga tao”).

nagkakabuklod: Gumamit dito si Pablo ng isang pandiwang Griego na sa kontekstong ito ay lumalarawan sa pagtutulungan ng iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao. May papel na ginagampanan ang bawat bahagi para gumana nang maayos ang katawan. Sa katulad na paraan, nagtutulungan din ang mga Kristiyano sa kongregasyon sa pangangasiwa ng kanilang ulo, si Kristo. (Efe 1:22, 23; 4:4, 15) Kapag nagkakaisa ang lahat at ginagampanan ng bawat isa ang atas niya at nagpapasakop siya sa pagkaulo ni Kristo, sumusulong ang kongregasyon at napapanatili ang pag-ibig nila sa isa’t isa. (1Co 12:14-27; Col 2:19; 3:14) Ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa Efe 2:21 (tingnan ang study note), kung saan ikinumpara niya ang kongregasyon sa isang gusali na “matibay ang pagkakadugtong-dugtong.”

nagtutulungan: Lit., “nagsama-sama.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang Griego para dito ay nangangahulugang “magsama-sama bilang isang grupo, magkaisa.”

bawat kasukasuan: Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay pinagdurugtong-dugtong ng mga kasukasuan. Inilalaan ni Jesu-Kristo sa mga bahagi ng katawan, o ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, ang mga kailangan nila “sa pamamagitan ng bawat kasukasuan.” Gumawa siya ng mga kaayusan sa pagpapakain sa espirituwal at pagbibigay ng mga tagubilin, at isinaayos niya rin ang mga gawain ng kongregasyon. Dahil dito, napapakaing mabuti sa espirituwal ang “katawan,” at nalalaman ng bawat bahagi kung paano niya dapat gampanan ang atas niya. (Efe 4:7-16; tingnan ang study note sa Col 2:19.) Ang terminong ginamit ni Pablo para sa “kasukasuan” ay ang karaniwang ginagamit ng mga doktor noon. May mga natagpuang ebidensiya na may paaralan sa medisina noon sa Efeso, na posibleng dahilan kung bakit ginamit ni Pablo ang katawan ng tao sa ilustrasyon niya.

kawalang-saysay: O “kawalan; kawalang-kabuluhan; pagkadismaya.” Ang salitang Griego na ginamit dito ang ipinanumbas ng Septuagint sa salitang Hebreo na heʹvel (literal na tumutukoy sa “hininga” o “singaw”). Ang salitang Hebreo na ito ay mahigit 35 beses na lumitaw sa aklat ng Eclesiastes sa mga ekspresyong gaya ng “talagang walang kabuluhan” at “lahat ng bagay ay walang kabuluhan.” (Ec 1:2; 2:17; 3:19; 12:8) Minsan, ginagamit ng manunulat ng Eclesiastes na si Solomon ang terminong ito bilang kasingkahulugan ng “paghahabol . . . sa hangin.” (Ec 1:14; 2:11) Sa konteksto ng Ro 8:20, inilalarawan ni Pablo ang pagpapakapagod ng isang tao nang walang layunin o inaabot na tunguhin. Pero may binanggit din siyang pag-asa—mapapalaya ng Diyos ang mga tao mula sa “kawalang-saysay” na dinaranas nila hanggang ngayon.​—Ro 8:21.

walang-saysay: O “walang-kabuluhan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ipinapahiwatig ng talatang ito na ang pamumuhay ng mga tao ng ibang mga bansa ay “nakapokus sa walang-saysay na mga bagay.” Dahil diyan, nadidismaya lang sila at hindi nakokontento, at isa iyan sa mga dahilan kung bakit pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘huwag nang mamuhay gaya ng mga bansa.’—Para sa higit na impormasyon tungkol sa salitang Griego na isinaling “walang-saysay,” tingnan ang study note sa Ro 8:20.

Nasa dilim ang isip: Hindi sinasabi dito ni Pablo na hindi matalino ang mga di-sumasampalataya. Madalas ihalintulad ng Bibliya sa kadiliman ang kakulangan sa unawa, partikular na sa espirituwal na mga bagay. (Job 12:24, 25; Isa 5:20; 60:2; Ju 8:12; 2Co 4:6; Efe 1:17, 18; 5:8, 11; 1Pe 2:9; 1Ju 2:9-11) “Nasa dilim ang isip” ng mga hindi nakakakilala sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo dahil walang liwanag na gumagabay sa kanila.—Ju 17:3; Ro 1:21, 28; 2Co 4:4.

buhay na nagmumula sa Diyos: Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Griego dito na isinaling “buhay” ay hindi tumutukoy sa paraan o istilo ng pamumuhay, kundi sa buhay mismo. (May ibang salitang Griego para sa paraan o istilo ng pamumuhay. Tingnan ang 1Ti 2:2; 1Ju 2:16, tlb.) Kaya sinasabi dito ni Pablo na dahil nasa dilim ang isip ng mga tao, naging malayo sila kay Jehova, o wala silang magandang kaugnayan sa Bukal ng buhay at nagbibigay ng pag-asang buhay na walang hanggan.—Aw 36:9; Ro 1:21; Gal 6:8; Col 1:21.

manhid: Manhid ang puso ng mga taong naiimpluwensiyahan ng pag-iisip at espiritu ng masamang sanlibutang ito. (1Co 2:12; Efe 2:2; 4:17) Kaya hindi sila interesadong makilala ang Diyos. Dito, ang pangngalang Griego na isinaling “manhid” ay galing sa isang termino sa medisina na puwedeng tumukoy sa balat na naging manhid dahil sa kalyo. Ginamit ito para ipakita kung paano puwedeng tumigas, o mamanhid, ang puso ng isang tao at mawalan ng ganang lumapit sa Diyos.

paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan; kalapastanganan.” Sa Bibliya, ang salitang Griego na a·selʹgei·a ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos dahil sa pagiging pangahas, bastos, at lapastangan. Lumitaw ang terminong ito nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Mar 7:22; Ro 13:13; 2Co 12:21; Gal 5:19; Efe 4:19; 1Pe 4:3; 2Pe 2:2, 7, 18; Jud 4) Ayon sa isang diksyunaryo, tumutukoy ito sa “kabastusan, kahalayan, kalaswaan; ibig sabihin, paglampas sa pamantayan ng tamang saloobin at paggawi.” Ginamit ng Judiong istoryador na si Josephus ang terminong Griego na ito nang iulat niya ang pagtatayo ng paganong reyna na si Jezebel ng dambana para kay Baal sa Jerusalem. Kitang-kita sa ginawa niya na napakalapastangan niya at wala siyang delikadesa.—Jewish Antiquities, Aklat 8, kab. 13, par. 1 (Loeb 8.318); tingnan sa Glosari.

karumihan: O “kasalaulaan; kahalayan.” Sa unang tatlong “gawa ng laman” na binanggit sa talatang ito, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ang may pinakamalawak na kahulugan. Ang salitang ito ay lumitaw nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, tumutukoy ito sa pisikal na karumihan. (Mat 23:27) Sa makasagisag na diwa nito, puwede itong tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba, gaya ng pagsamba sa diyos-diyusan. (Ro 1:24; 6:19; 2Co 6:17; 12:21; Efe 4:19; 5:3; Col 3:5; 1Te 2:3; 4:7) Kaya ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng kasalanan, at may iba’t iba itong antas. (Tingnan ang study note sa Efe 4:19.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain.—Tingnan sa Glosari, “Marumi.”

kasakiman: O “kaimbutan.” Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa ay literal na nangangahulugang “pagkakaroon ng higit” at tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. Ginamit din ang terminong ito sa Efe 4:19; 5:3. Sa Col 3:5, sinabi ni Pablo na ang “kasakiman” ay “isang uri ng idolatriya.”

hindi na sila nakokonsensiya: Salin ito ng salitang Griego na literal na nangangahulugang “hindi na nakakaramdam ng sakit.” Dito, tumutukoy ito sa isang tao na hindi na nababagabag sa ginagawa niyang mali. Hindi na nakokonsensiya at natatakot sa Diyos ang ganitong tao.—1Ti 4:2.

paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan.” Ang salitang Griego na a·selʹgei·a ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas o lapastangan.—Tingnan ang Glosari at study note sa Gal 5:19.

bawat uri ng karumihan: Malawak ang kahulugan ng terminong “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa). Dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tukuyin ang anumang uri ng karumihan pagdating sa seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang 1Co 7:14; 2Co 6:17; 1Te 2:3.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain. (Tingnan ang study note sa Gal 5:19.) Sinabi ni Pablo na ang nagtutulak sa gumagawa nito ay kasakiman. Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa, na isinaling “kasakiman,” ay tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. Dahil iniugnay ni Pablo ang “kasakiman” sa “karumihan,” ipinakita niyang may iba’t ibang antas ang kasalanang ito.—Tingnan ang study note sa Ro 1:29.

taong espirituwal: Lit., “espirituwal.” Ginamit ito dito ni Pablo bilang kabaligtaran ng “taong pisikal” na binanggit sa naunang talata. (Tingnan ang study note sa 1Co 2:14.) Mahalaga sa mga taong espirituwal ang espirituwal na mga bagay, at nagpapagabay sila sa espiritu ng Diyos. Totoong-totoo sa kanila ang Diyos, at sinisikap nilang “tularan . . . ang Diyos.” (Efe 5:1) Inaalam nila ang pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay at sinusunod ang mga pamantayan niya. Sinusuri ng isang taong espirituwal, o malinaw niyang nakikita, ang maling landasin ng isang taong pisikal.

patuloy ninyong baguhin: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nasa panahunang pangkasalukuyan, na nagpapakitang patuluyan ang pagbabago ng takbo ng isip ng isang tao.—Fil 3:12, 13.

takbo ng inyong isip: O “puwersang nagpapakilos sa inyong pag-iisip.” Ang ekspresyong Griegong ito ay literal na nangangahulugang “espiritu ng inyong isip.” Dito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa puwersang nagpapakilos sa isang tao na sabihin o gawin ang isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Kaya ang “espiritu ng . . . isip” ay ang puwersang humuhubog at umiimpluwensiya sa takbo ng isip ng isang tao at mga kagustuhan niya. Dahil makasalanan ang tao, napakadaling mapunta ng isip niya sa maling mga bagay—mga bagay na materyal, makalaman, at di-espirituwal. (Gen 8:21; Ec 7:20; Col 1:21; 2:18) Kung gustong maging Kristiyano ng isa, kailangan niyang “baguhin ang takbo ng [kaniyang] isip” papunta sa tamang direksiyon para maimpluwensiyahan siyang pag-isipan ang mga bagay na kaayon ng kaisipan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Co 2:15.) At kapag lingkod na siya ng Diyos, kailangan niyang “patuloy [na] baguhin” ang takbo ng isip niya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagpapagabay sa espiritu ng Diyos.

mga katangian na bunga ng espiritu: Madalas lumitaw sa Kasulatan ang terminong pang-agrikultura na kar·posʹ, o “bunga.” Ginamit ito dito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa mga katangiang naibibigay ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, sa mga tao. (Gal 5:16) Kung paanong namumunga ang isang puno kapag inaalagaan itong mabuti, nagkakaroon din ang isang tao ng “mga katangian na bunga ng espiritu” kapag hinahayaan niyang gabayan ng espiritu ang pag-iisip at paggawi niya. (Ihambing ang Aw 1:1-3.) Makikita sa mga katangiang iyon ang personalidad ng Diyos na Jehova, ang Pinagmumulan ng banal na espiritu. (Col 3:9, 10) Hindi sinaklaw ng listahang ito ang lahat ng katangiang naibibigay ng banal na espiritu sa mga Kristiyano bilang bunga nito. (Tingnan ang study note sa Gal 5:23.) Ang lahat ng katangiang iyon ang bumubuo sa bagong personalidad. (Efe 4:24) Ginamit ni Pablo dito ang anyong pang-isahan ng salitang Griego na kar·posʹ, “bunga.” Sinasabi ng mga komentarista sa Bibliya na posibleng anyong pang-isahan ang ginamit dito para ipakita na ang magagandang katangiang nabanggit ay para bang bumubuo ng isang bunga; mahalagang magkaroon ng lahat ng katangiang ito, dahil magkakaugnay ang mga ito.

patuloy ninyong baguhin: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nasa panahunang pangkasalukuyan, na nagpapakitang patuluyan ang pagbabago ng takbo ng isip ng isang tao.—Fil 3:12, 13.

takbo ng inyong isip: O “puwersang nagpapakilos sa inyong pag-iisip.” Ang ekspresyong Griegong ito ay literal na nangangahulugang “espiritu ng inyong isip.” Dito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa puwersang nagpapakilos sa isang tao na sabihin o gawin ang isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Kaya ang “espiritu ng . . . isip” ay ang puwersang humuhubog at umiimpluwensiya sa takbo ng isip ng isang tao at mga kagustuhan niya. Dahil makasalanan ang tao, napakadaling mapunta ng isip niya sa maling mga bagay—mga bagay na materyal, makalaman, at di-espirituwal. (Gen 8:21; Ec 7:20; Col 1:21; 2:18) Kung gustong maging Kristiyano ng isa, kailangan niyang “baguhin ang takbo ng [kaniyang] isip” papunta sa tamang direksiyon para maimpluwensiyahan siyang pag-isipan ang mga bagay na kaayon ng kaisipan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Co 2:15.) At kapag lingkod na siya ng Diyos, kailangan niyang “patuloy [na] baguhin” ang takbo ng isip niya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagpapagabay sa espiritu ng Diyos.

bagong personalidad: Lit., “bagong tao.” Hindi lang aalisin ng isang Kristiyano ang “lumang personalidad” (lit., “lumang tao”) niya kasama ang masasamang gawain niya noon (Efe 4:22), kundi dapat din niyang “isuot ang bagong personalidad.” Nakikita sa bagong personalidad “na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos” ang personalidad ng Diyos na Jehova. (Col 3:9, 10) Gusto ng Diyos na tularan siya ng mga lingkod niya at ipakita ang magagandang katangian niya, gaya ng mga binanggit sa Gal 5:22, 23.—Tingnan ang study note sa Gal 5:22; Efe 4:23.

kapuwa: Ang salitang Griego para sa “kapuwa” na literal na nangangahulugang “ang isa na malapit” ay hindi lang tumutukoy sa mga taong nakatira malapit sa isa’t isa. Tumutukoy ito sa sinumang nakakasalamuha ng isang tao.—Luc 10:29-37; Ro 13:8-10; tingnan ang study note sa Mat 5:43.

kapuwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:39.

Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya: Si Marcos lang ang nag-ulat ng reaksiyon ni Jesus nang makita niyang manhid ang puso ng mga relihiyosong lider. (Mat 12:13; Luc 6:10) Posibleng si Pedro ang pinagmulan ng ulat na ito tungkol sa naramdaman ni Jesus dahil nakadarama rin siya ng matitinding emosyon.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”

napoot: Sinipi ni Pablo ang Aw 4:4 para ipakitang hindi mali na magalit ang isang Kristiyano. Nagagalit din si Jehova at si Jesus dahil sa kasamaan at kawalang-katarungan, pero balanse iyon dahil laging matuwid ang hatol nila. (Eze 38:18, 19; tingnan ang study note sa Mar 3:5.) May mga pagkakataong tama lang na magalit ang mga Kristiyano, pero pinayuhan sila ni Pablo na huwag . . . magkasala. Hindi hinahayaan ng mga Kristiyano na sumiklab ang galit nila at mauwi ito sa masakit na pananalita at karahasan. (Efe 4:31) Sa Aw 4:4, pinapayuhan ang mga lingkod ng Diyos na sabihin sa personal na panalangin nila kay Jehova ang dahilan kung bakit sila nagagalit.

huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo: Ang isang buong araw ng mga Judio noon ay nagtatapos sa paglubog ng araw. Kaya nagbababala si Pablo dito na huwag paabutin ng susunod na araw ang galit. Ang totoo, binabalaan din ni Jesus ang mga alagad niya na hindi tamang patuloy na magalit sa kapuwa nila. (Mat 5:22) Kapag nagkikimkim ng galit ang isa, hindi mawawala ang sama ng loob niya, masisira ang kaugnayan niya sa kapuwa niya, at puwede itong maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. (Lev 19:18; Aw 36:4; Gal 5:19-21) Nagbigay ng payo si Pablo kung ano ang puwedeng gawin para maayos agad ng mga Kristiyano ang mga di-pagkakasundo, sa mismong araw ding iyon kung posible.—Ro 12:17-21; Efe 4:2, 3.

napoot: Sinipi ni Pablo ang Aw 4:4 para ipakitang hindi mali na magalit ang isang Kristiyano. Nagagalit din si Jehova at si Jesus dahil sa kasamaan at kawalang-katarungan, pero balanse iyon dahil laging matuwid ang hatol nila. (Eze 38:18, 19; tingnan ang study note sa Mar 3:5.) May mga pagkakataong tama lang na magalit ang mga Kristiyano, pero pinayuhan sila ni Pablo na huwag . . . magkasala. Hindi hinahayaan ng mga Kristiyano na sumiklab ang galit nila at mauwi ito sa masakit na pananalita at karahasan. (Efe 4:31) Sa Aw 4:4, pinapayuhan ang mga lingkod ng Diyos na sabihin sa personal na panalangin nila kay Jehova ang dahilan kung bakit sila nagagalit.

huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang Diyablo: Ang pananalitang ito, na puwedeng literal na isaling “huwag kayong magbigay ng dako sa Diyablo,” ay mas nagdiriin sa babala ni Pablo tungkol sa pagkikimkim ng galit. (Tingnan ang study note sa Efe 4:26.) Kapag naghihinanakit ang isang Kristiyano, para bang binibigyan niya ng puwesto, o dako, sa puso niya ang Diyablo. Kaya nagkakaroon ng pagkakataon si Satanas na impluwensiyahan siyang makagawa ng malubhang kasalanan. (Aw 37:8) Kapag nagkabaha-bahagi ang kongregasyon dahil sa galit ng Kristiyanong iyon, para bang tinulungan niya ang Diyablo na magawa ang gusto nito.—San 4:1, 7.

gumagawa ng tolda: Dito, ang terminong Griego na ske·no·poi·osʹ ay ginamit para ilarawan ang trabaho nina Pablo, Aquila, at Priscila. Hindi tiyak kung ano ang eksaktong trabaho na tinutukoy ng salitang ito (kung gumagawa ng tolda, tagahabi ng tela, o gumagawa ng lubid); pero maraming iskolar ang naniniwala na tumutukoy ito sa “gumagawa ng tolda.” Nagmula si Pablo sa Tarso ng Cilicia, na kilalá sa telang gawa sa balahibo ng kambing na tinatawag na cilicium, ang materyal na ginagamit sa paggawa ng tolda. (Gaw 21:39) Para sa mga Judio noong unang siglo C.E., kapuri-puri ang isang kabataang lalaki na natuto ng isang kasanayan kahit pa tatanggap naman siya ng mas mataas na edukasyon. Kaya posibleng natutong gumawa ng tolda si Pablo noong kabataan pa siya. Hindi madali ang trabahong ito dahil sinasabing karaniwan nang matigas at magaspang ang cilicium, kaya mahirap itong gupitin at tahiin.

huwag nang magnakaw pa: Malamang na malaki ang epekto ng mga salitang ito ni Pablo sa mahihirap na Kristiyano sa Efeso. Walang makuhang permanenteng trabaho ang ilan, at hindi laging sapat ang kinikita nila para buhayin ang kanilang pamilya, kaya baka marami ang natutuksong magnakaw. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag magnakaw kahit ano pa ang dahilan nila. Sa halip, dapat silang magtrabaho nang husto. (Deu 5:19; 1Te 4:11) Bago nito, ipinaalala ni Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso na siya mismo ay nagtrabahong mabuti. (Gaw 20:17, 34; tingnan din ang study note sa Gaw 18:3.) Para masunod ng mga taga-Efeso ang payong ito, kailangan nilang magtiwala sa pangako ni Kristo na ilalaan ng Diyos ang pangangailangan nila.—Mat 6:25-33.

tinitimplahan ito ng asin: Ilang beses na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang asin, at ginagamit ito sa literal at makasagisag na diwa. Makakatulong ang pagkakagamit sa ekspresyong ito sa ibang mga teksto para maunawaan ang ibig sabihin ni Pablo. (Tingnan ang study note sa Mat 5:13; Mar 9:50.) Lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang kakayahan ng asin na pasarapin ang pagkain, magdagdag ng lasa, at magsilbing preserbatibo. Kaya hinihimok niya ang mga Kristiyano na ‘timplahan’ ang pananalita nila para masarap itong pakinggan at mailigtas ang mga taong makikinig sa mensahe nila.

bulok na pananalita: Ang salitang Griego para sa “bulok” ay puwedeng tumukoy sa prutas, isda, o karne na umaalingasaw dahil nabubulok na ito. (Mat 7:17, 18; 12:33; Luc 6:43) Malinaw na nailalarawan ng terminong ito ang di-kaayaaya, mapang-abuso, o malaswang pananalita na dapat iwasan ng isang Kristiyano. Ang dapat lang na lumabas sa bibig niya ay “mabubuting bagay na nakapagpapatibay” at ‘kapaki-pakinabang’ sa iba—mga pananalitang ‘tinimplahan ng asin.’—Col 4:6 at study note.

ang isang iyon: Ang “isang iyon” at “siya” na binanggit sa talatang ito ay tumutukoy sa “katulong,” na binanggit sa naunang talata. (Tingnan ang study note sa Ju 16:13.) Gumamit si Jesus ng personipikasyon nang tukuyin niya bilang katulong ang banal na espiritu, na isang puwersa at hindi persona. Sinabi niya na ang katulong na ito ay “magtuturo,” “magpapatotoo,” ‘magbibigay ng nakakukumbinsing katibayan,’ ‘gagabay,’ “magsasalita,” at ‘makakarinig.’ (Ju 14:26; 15:26; 16:7-15) Sa personipikasyon, parang may buhay ang isang bagay na walang buhay. Sa kontekstong ito, sinabi na ang espiritu ay magbibigay . . . sa mundo ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan, ibig sabihin, malalantad ang kawalan ng pananampalataya ng mga tao sa Anak ng Diyos. Ang espiritu ay magbibigay rin ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa katuwiran, dahil ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay magpapatunay na matuwid siya. At ipapakita ng espiritu kung bakit dapat lang na tumanggap ng matinding hatol si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito.” (Ju 16:9-11) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa ‘magbigay ng nakakukumbinsing katibayan’ ay e·legʹkho, na isinasalin ding “sumaway.”—1Ti 5:20; Tit 1:9.

isang iyon: Ang “isang iyon,” “siya,” at “niya” sa talata 13 at 14 ay tumutukoy sa “katulong” sa Ju 16:7. Ginamit ni Jesus ang salitang “katulong” (na nasa kasariang panlalaki sa Griego) bilang personipikasyon para sa banal na espiritu, na isang puwersa, hindi persona, at walang kasarian sa Griego.—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.

hinihiling ng espiritu: O “iniisip ng espiritu,” na tumutukoy sa espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. Dahil ginamit ng Diyos ang espiritu niya para gabayan ang mga manunulat ng Bibliya, alam niya ang ibig sabihin ng mga kaisipan na nasa Kasulatan. Pero bukod diyan, ipinakita ni Pablo na dahil ang Diyos ang sumusuri sa mga puso, alam niya kung anong teksto ang eksaktong lumalarawan sa nararamdaman ng mga lingkod niya sa lupa kapag gulong-gulo ang isip nila at hindi nila alam kung ano ang ipapanalangin. Para bang ang mga ulat na iyon na naisulat sa patnubay ng espiritu ang nakikiusap, o namamagitan, para sa mga banal ng Diyos. (Ro 8:26) Ang paggamit ng terminong Griego para sa “isip” at ng pandiwang isinaling “nakikiusap” ay isa pang halimbawa na sa Kasulatan, inilalarawan ang espiritu ng Diyos na para bang may buhay.​—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.

ang kaniyang tatak: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu para ipakita na pagmamay-ari niya sila at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Efe 1:13, 14.

garantiya ng darating: O “paunang bayad.” Ang tatlong paglitaw ng salitang Griego na ar·ra·bonʹ sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy sa pagpili ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano sa pamamagitan ng espiritu, ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. (2Co 5:5; Efe 1:13, 14) Ang pagkilos na ito ng banal na espiritu ay gaya ng paunang bayad. Kumbinsido ang mga pinahirang Kristiyano sa kanilang pag-asa dahil sa garantiyang tinanggap nila. At kapag natanggap na nila ang kabuoang bayad, o gantimpala, magkakaroon din sila ng katawang di-nasisira at imortalidad.—1Co 15:48-54; 2Co 5:1-5.

Huwag . . . pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos: Ang salitang Griego para sa “pighatiin” ay puwede ring isaling “palungkutin.” Gumamit dito si Pablo ng personipikasyon nang sabihin niyang ang banal na espiritu, na isang puwersa, ay nasasaktang gaya ng isang tao. (Ihambing ang study note sa Ju 16:8, 13; Ro 8:27.) Ginagamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu para gabayan at palakasin ang bayan niya. Dahil sa banal na espiritu, naipapakita ng isa ang magagandang katangian na tinatawag na “bunga ng espiritu.” (Gal 5:22-24) Ang mga hindi nagpapahalaga sa banal na espiritu, mga sadyang sumasalungat dito, at sumusuway sa mga payo sa Bibliya na isinulat sa patnubay ng espiritu ay ‘pumipighati’ rito.—Efe 4:17-29; 5:1-5; Isa 63:10; Gaw 7:51.

ipinantatak sa inyo para sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos: Ang mga pinahirang Kristiyano ay tinatakan ng banal na espiritu ni Jehova. Ipinapakita ng pagtatatak na pag-aari sila ng Diyos at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Tingnan ang mga study note sa 2Co 1:22.

Maging mabait: Sa Efe 4:31, bumanggit si Pablo ng ilang pangit na mga ugali. Dito, pinasigla naman niya ang mga Kristiyano sa Efeso na magpakita ng magagandang katangian, gaya ng kabaitan. (Col 3:12, 13) Posibleng ipinapahiwatig ng pandiwang Griego na isinaling “maging” na kailangan pa nilang pasulungin ang katangiang ito.

Media

Dice ng mga Romano
Dice ng mga Romano

Ang mga dice na makikita rito ay mula pa noong panahon ng mga Romano, at gawa ang mga ito sa garing; pero may mga gawa rin sa ibang materyales, gaya ng buto o bato. Madalas mandaya noon ang mga naglalaro ng dice. Kaya noong babalaan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso tungkol sa mga taong tuso at mandaraya, ginamit niya ang isang ekspresyong Griego na literal na tumutukoy sa paglalaro ng dice. (Efe 4:14) Kaya angkop lang na ang ekspresyong ito ay isinaling “mga taong nandaraya.”