Liham kay Tito 2:1-15

2  Gayunman, patuloy kang magsalita ayon sa kapaki-pakinabang na turo.+  Ang matatandang lalaki ay dapat na may kontrol sa kanilang paggawi, seryoso, may matinong pag-iisip, matibay ang pananampalataya, sagana sa pag-ibig, at nagtitiis.  Sa katulad na paraan, ang matatandang babae ay dapat gumawi nang kagalang-galang,+ hindi naninirang-puri, hindi naglalasing, at mga guro ng kabutihan,  para mapayuhan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa, mahalin ang kanilang mga anak,  magkaroon ng matinong pag-iisip, maging malinis, masipag sa gawaing-bahay,+ mabuti, at nagpapasakop sa kanilang asawa,+ nang sa gayon, ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan ng masama.  Gayundin, patuloy mong himukin ang mga nakababatang lalaki na magkaroon ng matinong pag-iisip,+  at maging halimbawa ka sa kanila sa paggawa ng mabuti sa lahat ng bagay. Maging tapat* ka at seryoso sa iyong pagtuturo,+  na gumagamit ng angkop na pananalita na hindi mapipintasan ng iba,+ nang sa gayon, mapahiya ang mga kumakalaban at wala silang masabing negatibo* tungkol sa atin.+  Ang mga alipin ay dapat magpasakop sa kanilang mga panginoon* sa lahat ng bagay,+ na sinisikap palugdan ang mga ito at hindi sinasagot nang palaban 10  at hindi ninanakawan,+ kundi ipinapakita nilang talagang mapagkakatiwalaan sila, nang sa gayon, lagi silang magdulot ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.+ 11  Dahil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos ay nahayag na at nagliligtas sa lahat ng uri ng tao.+ 12  Sinasanay tayo nito na itakwil ang di-makadiyos na paggawi at makasanlibutang mga pagnanasa+ at mamuhay nang may katinuan ng pag-iisip, katuwiran, at makadiyos na debosyon sa gitna ng sistemang ito,+ 13  habang hinihintay natin ang kamangha-manghang pag-asa+ at ang maluwalhating paghahayag ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, 14  na nagbigay ng sarili niya+ para mapalaya* tayo+ sa lahat ng uri ng kasamaan at para dalisayin ang isang bayan na espesyal niyang pag-aari+ at buong pusong gumagawa ng mabuti.+ 15  Patuloy mong ituro ang mga bagay na ito, at patuloy kang magpayo* at sumaway ayon sa awtoridad na ipinagkaloob sa iyo.+ Hindi ka dapat hamakin ng sinuman.

Talababa

O posibleng “taimtim.”
O “masama.”
O “sa mga may-ari sa kanila.”
Lit., “matubos.”
O “magpatibay.”

Study Notes

kapaki-pakinabang na mga tagubilin: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga turo ng Panginoong Jesu-Kristo. Dahil kaayon ng buong Kasulatan ang lahat ng itinuro ni Jesus, puwede ring tumukoy ang ekspresyong “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”] na mga tagubilin” sa lahat ng turo sa Bibliya.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:13.

kapaki-pakinabang: Lit., “nakapagpapalusog.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.

may kontrol sa kaniyang paggawi: Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “hindi lasing; hindi nagpapakasasa; umiiwas sa alak . . . o sa sobrang pag-inom.” Pero nang maglaon, naging mas malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede na rin itong tumukoy sa isang tao na balanse o may pagpipigil sa sarili. Ipinapakita ng talatang ito na dapat na maging balanse ang isang tagapangasiwang Kristiyano sa lahat ng bahagi ng buhay niya. Sa sumunod na talata, direktang binanggit ni Pablo na dapat umiwas sa paglalasing ang isang tagapangasiwa.—1Ti 3:3.

seryoso: Ang salitang Griego na isinaling “seryoso” sa 1Ti 3:8, 11, at Tit 2:2 ay puwede ring isaling “karapat-dapat igalang,” “kagalang-galang,” o “marangal.” Para maatasan bilang ministeryal na lingkod, dapat na kumilos nang kagalang-galang ang isang lalaki para irespeto siya ng mga tao. Dapat na maaasahan siya at responsable sa pagganap sa mga atas niya.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

matatandang lalaki: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (pre·sbyʹtes) ay tumutukoy sa literal na may-edad na mga lalaki sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan din ang Luc 1:18; Flm 9.) Kaugnay ito ng terminong Griego (pre·sbyʹte·ros) na naunang ginamit ni Pablo sa liham na ito nang payuhan niya si Tito na ‘mag-atas ng matatandang lalaki sa bawat lunsod.’ (Tit 1:5; tingnan ang study note sa Gaw 11:30.) Pero makikita sa konteksto na dito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang lahat ng may-edad na Kristiyanong lalaki, tagapangasiwa man sila sa kongregasyon o hindi. Ang totoo, nagbigay si Pablo ng mga tagubilin para sa iba’t ibang edad sa kongregasyon, gaya ng “matatandang babae” at “mga nakababatang lalaki.”—Tit 2:3-6.

may kontrol sa kanilang paggawi: O “katamtaman ang pag-uugali.” Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

seryoso: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:8.

may matinong pag-iisip: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

matibay ang pananampalataya, sagana sa pag-ibig, at nagtitiis: Sa orihinal na Griego, ginamit dito ni Pablo ang salita para sa “malusog,” na tumutukoy sa pisikal na kalusugan. (Luc 5:31) Pero ginamit ito dito ni Pablo sa makasagisag na diwa para pasiglahin ang “matatandang lalaki” na manatiling malusog sa espirituwal.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 16:21.) Sa bayang Israel noon, ang matatandang lalaki ay kasama sa mga nangunguna at nangangasiwa sa mga komunidad (Deu 25:7-9; Jos 20:4; Ru 4:1-12) at sa buong bansa (Huk 21:16; 1Sa 4:3; 8:4; 1Ha 20:7). Dito unang ginamit ang terminong ito may kaugnayan sa kongregasyong Kristiyano. Gaya ng ginagawa ng matatandang lalaki sa bansang Israel noon, ang matatandang lalaki sa espirituwal na Israel ay nangangasiwa rin sa kongregasyon. Sa kontekstong ito, ang matatandang lalaki ang tumanggap ng ipinadalang tulong at nangasiwa sa pamamahagi nito sa mga kongregasyon sa Judea.

maninirang-puri: Sa Bibliya, ang salitang Griego para sa “maninirang-puri” (di·aʹbo·los) ay pinakamadalas na isinasaling “Diyablo” bilang titulo ni Satanas, ang pinakamasamang maninirang-puri ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 4:1 at Glosari, “Diyablo.”) Pero sa ilang pagkakataon, ang terminong ito ay tumutukoy lang sa katangian at isinasaling “maninirang-puri” o “naninirang-puri.” (1Ti 3:11; Tit 2:3) Sa hula ni Pablo tungkol sa “mga huling araw” (2Ti 3:1), ginamit niya ang salitang ito para tumukoy sa mga taong gustong sirain ang reputasyon ng kapuwa niya o ng Diyos sa pamamagitan ng maling mga akusasyon o iba pang kasinungalingan.—Tingnan ang study note sa Ju 6:70, kung saan ginamit ang terminong ito para kay Hudas Iscariote.

Ang mga babae ay manatiling tahimik . . . habang tinuturuan: Kinokontra dito ni Pablo ang paniniwala ng maraming Judiong lider ng relihiyon nang panahon niya na hindi dapat turuan sa Kasulatan ang mga babae. Alam niyang walang basehan sa Hebreong Kasulatan ang ganitong tradisyon, at hindi rin ito sinasang-ayunan ni Jesus. Sa katunayan, tinuruan ni Jesus ang mga babae. (Jos 8:35; Luc 10:38-42; Ju 4:7-27) Pero ipinasulat ng Diyos kay Pablo na ang mga babae sa kongregasyon ay dapat na “manatiling tahimik” habang tinuturuan. Gumamit siya ng salitang Griego na puwede ring isaling “kalmado.” Ang payo niyang ito ay kahawig ng isinulat niya noon sa kongregasyon sa Corinto, kung saan lumilitaw na may mga babaeng sumasabat at kumukuwestiyon sa mga nangunguna.—Tingnan ang study note sa 1Co 14:34.

lubos na nagpapasakop: Pinapayuhan dito ni Pablo ang mga babaeng Kristiyano na tanggapin at suportahan ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo sa loob ng kongregasyon. Makikita sa sumunod na talata na mga lalaki ang inatasan ng Diyos na magturo sa kongregasyon. (1Ti 2:12) Nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagpapasakop, hindi lang mga babae ang sinabi ni Pablo na gumagawa nito. Halimbawa, sinabi niya na “magpapasailalim” si Jesus kay Jehova (1Co 15:27, 28) at “ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo” (Efe 5:24). Sinabihan din ni Pablo ang lahat ng Kristiyanong lalaki at babae na “maging mapagpasakop” sa mga nangunguna sa kongregasyon.—Heb 13:17.

Sa katulad na paraan, ang matatandang babae: Ipinakita ni Pablo na mahalaga rin ang papel sa kongregasyon ng may-gulang na Kristiyanong mga babae, gaya ng “matatandang lalaki” na kababanggit lang niya. Halimbawa, puwedeng maging magandang impluwensiya sa nakababatang mga babae ang “matatandang babae.” (Tit 2:2, 4, 5) Napapalibutan ang mga pamilya sa Creta ng mga taong mababa ang moralidad at ng huwad na mga gurong “pami-pamilya ang inililihis . . . sa katotohanan.” (Tit 1:11, 15, 16) Kaya pinasigla ni Pablo ang may-gulang na mga babae na patibayin ang mga pamilyang Kristiyano.

gumawi nang kagalang-galang: O “gumawi nang angkop sa mga banal.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “kagalang-galang” ay ginagamit noon sa sekular na mga akda para tumukoy sa mga saserdote at iba pa na “gumaganap ng sagradong mga atas.” Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong pagpapakita ng matinding paggalang sa Diyos. (Ihambing ang 1Ti 2:10.) Ang salitang Griego naman dito para sa “gumawi” ay tumutukoy sa mga pagkilos na udyok ng saloobin ng isang tao. Kailangang tandaan ng mga babaeng Kristiyano na binanggit ni Pablo na ang paggawi at ipinapakita nilang saloobin sa araw-araw ay dapat na kaayon ng sagradong mga pamantayan ni Jehova.

hindi naninirang-puri: Gusto ni Pablo na maging magandang halimbawa ang matatandang Kristiyanong babae—hindi nila dapat hayaang mauwi sa tsismis at paninirang-puri ang pakikipagkuwentuhan nila. (Aw 15:3; 1Ti 3:11; tingnan ang study note sa 2Ti 3:3.) Sinabi pa niya na hindi sila dapat naglalasing (lit., “nagpapaalipin sa maraming alak”). Dahil kapag nakainom sila nang sobra, malamang na makapagsalita sila nang padalos-dalos at mauwi ito sa paninirang-puri.—Kaw 20:1; 23:33.

guro ng kabutihan: Idiniriin ng ekspresyong ito ang isang mahalagang papel ng matatandang babae sa kongregasyon. Sa isang liham ni Pablo, isinulat niya na hindi puwedeng maging guro sa kongregasyon ang mga babae, dahil sa matatandang lalaki lang ibinigay ng Diyos ang atas na iyon. (1Ti 2:12; tingnan ang mga study note sa 1Ti 2:11.) Pero ipinapakita dito ni Pablo na may mga pagkakataong puwedeng magturo sa iba ang mga babaeng Kristiyano. Sa ministeryo at sa impormal o pribadong pakikipag-usap nila, natuturuan nila ang iba sa pamamagitan ng sinasabi at ginagawa nila. Kaya nagiging mabuting impluwensiya sila sa iba.

mapayuhan nila ang mga nakababatang babae: Ang salitang Griego na isinalin ditong “mapayuhan” ay puwede ring isaling “mapaalalahanan; masanay.” Kaugnay ito ng mga terminong isinasaling “may matinong pag-iisip” sa ibang bahagi ng liham na ito. (Tit 1:8; 2:2, 5, 6) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo sa iba na maging maingat, gumawi nang angkop, o maging matalino sa pagdedesisyon. Makakapagbigay ng ganiyang maibiging tulong ang matatandang babae sa nakababatang mga babae kung magpapakita sila ng mabuting halimbawa at magbibigay ng payo mula sa Kasulatan. Nagtitiwala si Pablo na tatandaan ng tapat na mga Kristiyanong babae ang mga payong isinulat niya tungkol sa paggalang sa dignidad at personal na buhay ng iba.—1Te 4:11; 1Ti 5:13.

mahalin ang kanilang asawa: Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa pariralang ito ay kadalasan nang ginagamit bilang papuri sa isang mahusay na asawang babae. Alam ng apostol na hindi awtomatikong mamahalin ng isang babae ang asawa niyang lalaki. Maraming babae noon ang walang kalayaang pumili ng mapapangasawa nila. Kaya sa ilang kaso, hindi ganoon kadali para sa mga babae na mahalin ang asawa nila.

mahalin ang kanilang mga anak: Gaya ng naunang ekspresyon (“mahalin ang kanilang asawa”), ang pariralang ito ay salin ng isang salitang Griego na kadalasan ding ginagamit bilang papuri sa isang mahusay na asawang babae. Ipinapakita ng payo ni Pablo na ang likas na pagmamahal ng ina sa mga anak niya ay puwede pang mapalalim. Mapapatibay ng matatandang babae ang mga pamilya sa kongregasyon kung papayuhan nila ang nakababatang mga ina na patuloy na mahalin at patnubayan ang mga anak nila.—2Ti 1:5; 3:14, 15.

naglalaan: Tumutukoy sa materyal na paglalaan. Ipinakita dito ni Pablo na obligasyon ng mga ulo ng pamilya na maglaan sa kanilang asawa at anak hangga’t posible. Kung minsan, hindi na rin kayang suportahan ng magulang o lolo’t lola na wala nang asawa ang kanilang sarili. Sa ganitong kalagayan, sisikapin ng adultong mga anak na maglaan sa kanila. Baka may malalaking gastusin na kailangan nilang paghandaan o baka kailangan nilang gumawa ng mga kaayusan para may mag-alaga sa matatanda nilang kapamilya. (Ihambing ang Ju 19:26, 27.) Ipinakita ni Pablo na hindi lang obligasyon ang dapat magpakilos sa mga Kristiyano na sundin ang utos na ito, kundi ang kagustuhan nilang mapasaya ang Diyos at tanggapin ang pagsang-ayon niya.—Exo 20:12; Deu 5:16; Mat 15:4-6.

masipag sa gawaing-bahay: O “maasikaso sa bahay.” Noong panahon ni Pablo, kahit na puwede ring gawin ng mga lalaki ang gawaing-bahay, kadalasan nang mga babae ang gumagawa nito. Pero hindi sinasabi ni Pablo na sa bahay lang dapat manatili ang mga babae; hindi kasi iyan kaayon ng mga prinsipyo sa Bibliya. (Kaw 31:10-31; Gaw 18:2, 3) Sinasabi lang ni Pablo na mahalagang asikasuhin ang pamilya at ang mga pangangailangan nila sa bahay. Kung pababayaan ng mga Kristiyanong babae ang pamilya nila, makakasamâ ito sa reputasyon ng kongregasyon at sa dala nilang mensahe. Posible ring ginamit ni Pablo ang ekspresyong “masipag sa gawaing-bahay” bilang kabaligtaran ng walang-saysay na mga gawaing umuubos sa panahon ng ilang babae. (1Ti 5:13, 14) Parehong binigyan ni Jehova ang mga lalaki’t babae ng mahahalagang pananagutan sa pag-aalaga ng sambahayan nila.—1Ti 5:8 at mga study note.

nagpapasakop sa kanilang asawa: Tingnan ang study note sa Col 3:18.

nang sa gayon, ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan ng masama: Ipinakita ni Pablo sa naunang mga talata kung paano dapat kumilos sa araw-araw ang mga babaeng Kristiyano. At ipinaliwanag niya dito kung bakit. Kung pangit ang halimbawa ng mga babaeng Kristiyano, pangit din ang magiging tingin ng mga di-Kristiyano sa “salita ng Diyos.” Iisipin nila na hindi naman nakakabuti sa mga tao ang mensahe ng mga Kristiyano. Pero kung mahusay ang paggawi ng isang babae, magiging maganda ang epekto nito sa pangalan ng Diyos at sa mensahe Niya, at baka maudyukan pa nga ang ilan na maging Kristiyano.—1Pe 2:12; tingnan ang study note sa Col 3:8.

mapang-abusong pananalita: Ang ginamit dito ni Pablo na salitang Griego ay bla·sphe·miʹa, na kadalasang isinasaling “pamumusong” kapag tumutukoy ito sa walang-galang na pananalita laban sa Diyos. (Apo 13:6) Pero noon, hindi lang tumutukoy sa pang-iinsulto sa Diyos ang terminong ito. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasabi ng masama o paninira sa kapuwa, at ganiyan ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito batay sa konteksto. (Tingnan din ang Efe 4:31.) Sa ibang salin, ang ginamit sa talatang ito ay “paninirang-puri” at “pang-iinsulto.” Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Ipinapahiwatig nito ang panghahamak ng isa sa kapuwa niya at ang pagsisikap niyang sirain ang reputasyon nito.”

magpasakop: Tinutukoy dito ni Pablo ang bukal-sa-pusong pagpapasakop ng mga Kristiyanong asawang babae sa asawa nilang lalaki dahil sa awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga ito. Sinusunod naman ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang halimbawa ni Kristo pagdating sa pagkaulo; buong puso din silang nagpapasakop kay Kristo.—1Co 11:3; Efe 5:22, 23; tingnan ang study note sa Efe 5:21.

sa mga nasa pangangalaga niya, lalo na sa mga miyembro ng pamilya niya: Mas malawak ang kahulugan ng ekspresyong “mga nasa pangangalaga niya” at tumutukoy ito sa malalapít na kamag-anak. Ang ekspresyon namang “mga miyembro ng pamilya niya” sa kontekstong ito ay tumutukoy sa mismong pamilya niya na nakatira sa bahay niya.

pagpapatibay: O “pagpapayo.” Ang salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” Malawak ang kahulugan nito at puwedeng tumukoy sa pagpapatibay (Gaw 11:23; 14:22; 15:32; 1Te 5:11; Heb 10:25); pag-aliw (2Co 1:4; 2:7; 7:6; 2Te 2:17); at sa ilang konteksto ay sa pagbibigay ng matinding payo (Gaw 2:40; Ro 15:30; 1Co 1:10; Fil 4:2; 1Te 5:14; 2Ti 4:2; Tit 1:9, tlb.). Dahil magkakaugnay ang pagpapayo, pag-aliw, at pagpapatibay, ipinapakita nito na kahit kailan, ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpayo sa paraang masakit at walang galang.

patuloy mong himukin ang mga nakababatang lalaki: Dito, gumamit si Pablo ng mas mapuwersang pandiwa kaysa sa “magsalita,” na ginamit niya sa Tit 2:1. Sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego para sa “himukin” ay nangangahulugang “gumamit ng awtoridad para mahikayat ang iba.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Pero hindi dapat maging mabagsik si Tito sa paggamit ng awtoridad niya, kundi dapat siyang “maging halimbawa [sa nakababatang mga lalaki] sa paggawa ng mabuti.” (Tit 2:7) Gumamit din si Pablo ng pandiwang nasa anyong patuluyan (isinalin ditong“patuloy mong himukin”), na nagpapakitang kailangang patuloy na magpaalala ni Tito.

matinong pag-iisip: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

angkop na pananalita na hindi mapipintasan ng iba: Ang salitang Griego para sa “angkop” ay puwede ring isaling “nakapagpapalusog” o “kapaki-pakinabang.” Totoo, puwede pa ring mapintasan kahit ang perpektong pananalita. (Ihambing ang Ju 6:58-61.) Pero ang terminong isinalin ditong “hindi mapipintasan ng iba” ay tumutukoy sa angkop na pananalita na walang makatuwirang basehan para pintasan. Makakabuti sa reputasyon ng kongregasyon ang magandang halimbawa ni Tito sa pagsasalita, at puwede pa nga nitong maipahiya ang mga kumakalaban dito.

mga alipin: O “mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin.” Ang salitang “pamatok” ay kadalasan nang ginagamit noon sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagiging alipin o paglilingkod sa isang panginoon. (Tit 2:9, 10; 1Pe 2:18; tingnan sa Glosari, “Pamatok.”) Maraming alipin sa Imperyo ng Roma, kasama na ang ilang Kristiyano. Hindi itinaguyod at hindi rin binatikos ng mga tagasunod ni Jesus ang kaayusan ng gobyerno noon sa pagkakaroon ng alipin. (1Co 7:20, 21) Hindi nakialam si Jesus sa mga usaping panlipunan, at sinabi rin niya sa mga tagasunod niya na “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Ju 17:14) Nagpokus si Jesus sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos, na tatapos sa lahat ng uri ng kalupitan at kawalang-katarungan.—Tingnan ang study note sa Ju 18:36; tingnan din sa Media Gallery, “Trabaho ng Isang Alipin.”

patuloy nilang ituring ang may-ari sa kanila na karapat-dapat sa buong karangalan: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong alipin na igalang ang kanilang mga panginoon. Makikita ang saloobin ng isang alipin sa kaniyang mga ginagawa, kung responsable siya sa trabaho niya. Kapag hindi niya nirerespeto ang panginoon niya, ipinapakita nito na hindi niya isinasabuhay ang mga natututuhan niya bilang Kristiyano. Makakasira din siya sa pangalan ng Diyos.—Col 3:22, 23; tingnan ang study note sa Efe 6:5, 6.

Ang mga alipin ay dapat magpasakop sa kanilang mga panginoon: Baka maisip ng iba na itinataguyod dito ni Pablo ang pang-aalipin, pero sinasabi lang niya ang realidad noong panahon niya na hindi mababago ng mga Kristiyano. Totoo, hinimok ni Pablo sa 1Co 7:21 ang mga Kristiyanong alipin na kung may legal na paraan para lumaya sila, “samantalahin [nila] ang pagkakataon.” Pero hindi ito posible para sa lahat. Kaya dito, pinasigla niya ang mga Kristiyanong alipin na maging masipag at papurihan si Jehova sa pamamagitan ng mga ginagawa nila.—Tingnan ang mga study note sa 1Ti 6:1.

hindi ninanakawan: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “ninanakawan” ay hindi ang pinakakaraniwang terminong ginagamit para sa “magnakaw.” Literal itong nangangahulugang “magtabi para sa sarili,” pero puwede rin itong mangahulugang “gamitin ang pondo para sa sariling kapakinabangan” o “waldasin ng isa ang pera na ipinagkatiwala sa kaniya.” Sa Gaw 5:2, 3, ito rin ang salitang ginamit para sa kasalanan ni Ananias, at isinalin itong “lihim na ipagkait.” Sa Griegong Septuagint, ito rin ang pandiwang ginamit sa Jos 7:1 para tumukoy sa pagkuha ni Acan sa ilang bagay na para kay Jehova. Ayon sa isang reperensiya, maraming alipin noong panahon ni Pablo ang “inaatasang mamilí at kadalasang pinagkakatiwalaang humawak ng malaking halaga ng pera.” Kaya may mga natutuksong magnakaw sa panginoon nila. Pinapatunayan ng Kristiyanong mga aliping hindi nagpapadala sa tuksong ito na talagang mapagkakatiwalaan sila.—Tingnan ang study note sa Efe 4:28.

lagi silang magdulot ng papuri sa: O “lagi nilang magayakan ang.” Ang terminong Griego na puwedeng isaling “magayakan” ay ginamit din para tumukoy sa magagandang bato na nagsilbing palamuti sa templo ni Herodes, sa magagandang katangian ng mga babaeng Kristiyano, at sa ganda ng Bagong Jerusalem. (Luc 21:5; 1Ti 2:9; 1Pe 3:5; Apo 21:2) Gaya ng ipinakita dito ni Pablo, puwede ring maipakita ng isang Kristiyano ang ganda ng mensahe ng Diyos at magdulot dito ng kapurihan. Puwedeng maging interesado sa mga turo ng Bibliya ang mga tao kapag nakikita nila ang isang aliping Kristiyano na magalang at masunurin sa panginoon niya. Malinaw nilang makikita ang pagkakaiba ng aliping Kristiyano at ng aliping kilaláng tamad, mahilig makipagtalo, at may tendensiyang magnakaw.

ating Tagapagligtas, ang Diyos: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

huwag nang magnakaw pa: Malamang na malaki ang epekto ng mga salitang ito ni Pablo sa mahihirap na Kristiyano sa Efeso. Walang makuhang permanenteng trabaho ang ilan, at hindi laging sapat ang kinikita nila para buhayin ang kanilang pamilya, kaya baka marami ang natutuksong magnakaw. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag magnakaw kahit ano pa ang dahilan nila. Sa halip, dapat silang magtrabaho nang husto. (Deu 5:19; 1Te 4:11) Bago nito, ipinaalala ni Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso na siya mismo ay nagtrabahong mabuti. (Gaw 20:17, 34; tingnan din ang study note sa Gaw 18:3.) Para masunod ng mga taga-Efeso ang payong ito, kailangan nilang magtiwala sa pangako ni Kristo na ilalaan ng Diyos ang pangangailangan nila.—Mat 6:25-33.

Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.

nagliligtas: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.

sa lahat ng uri ng tao: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.

lahat ng uri ng tao: Ang literal na salin ng ekspresyong Griegong ito ay “lahat ng tao,” pero mas angkop ang saling “lahat ng uri ng tao” batay sa konteksto. (Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang study note sa Ju 12:32; Gaw 2:17.) Gusto ng Diyos na ang lahat ng tao ay “magsisi” (2Pe 3:9), kaya binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na maligtas, anuman ang kanilang kasarian, lahi, o estado sa buhay. (Mat 28:19, 20; Gaw 10:34, 35; 17:30) Pero malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na marami ang tatanggi sa paanyaya ng Diyos at hindi maliligtas. (Mat 7:13, 21; Ju 3:16, 36; 2Te 1:9) Kaya ang saling “lahat ng uri ng tao” ay kaayon ng mga talatang iyon. Angkop din ang saling iyan sa naunang mga talata, kung saan pinayuhan ni Pablo ang kapuwa niya mga Kristiyano na manalangin “para sa lahat ng uri ng tao, sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon.”—1Ti 2:1, 2.

maligtas: Ang mga terminong “iligtas” at “kaligtasan” ay ginagamit kung minsan sa Bibliya para tumukoy sa pagliligtas mula sa panganib o pagkapuksa. (Exo 14:13, 14; Gaw 27:20) Pero madalas na tumutukoy ang mga terminong ito sa pagkaligtas mula sa kasalanan. (Mat 1:21) Dahil ang kamatayan ay resulta ng kasalanan, ang mga maliligtas mula sa kasalanan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman.—Ju 3:16, 17; tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

sistemang ito: O “panahong ito.” Tinutukoy dito ni Pablo ang masamang sistema na nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas.—Tingnan ang study note sa Mat 13:22; 2Co 4:4; Gal 1:4.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

di-makadiyos: O “walang galang sa Diyos.” Ginagamit sa Kasulatan ang salitang Griego na a·seʹbei·a at mga kaugnay na termino nito para tumukoy sa kawalan ng paggalang sa Diyos at pagsuway pa nga sa kaniya. (Jud 14, 15) Kabaligtaran ito ng terminong eu·seʹbei·a, na isinasaling “makadiyos na debosyon; pagkamakadiyos.” Makikita ito sa paglilingkod, debosyon, at pagsamba ng isang tao sa Diyos.​—Gaw 3:12; 1Ti 2:2; 4:7, 8; 2Ti 3:5, 12.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

makadiyos na debosyon: Ang terminong Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang sa Diyos. (Para sa paliwanag sa ekspresyong Griego na isinalin ditong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ginamit din sa Septuagint ang salitang Griegong ito. Halimbawa, lumitaw ito sa Isa 11:2 at 33:6, kung saan ginamit sa tekstong Hebreo ang “pagkatakot kay Jehova,” na tumutukoy rin sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova. Nang isalin ang 1Ti 2:2 sa Syriac (ang Peshitta) noong ikalimang siglo C.E., ang terminong Griegong ito ay isinaling “matinding paggalang sa Diyos,” kung saan sadyang isinama ang salitang “Diyos.” Nang maglaon, sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinalin ang eu·seʹbei·a na “pagkatakot kay Jehova” sa talatang ito at sa iba pang teksto kung saan ito lumitaw. (1Ti 3:16; 4:7, 8; 6:3, 6, 11) Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

Sinasanay tayo nito: Tinutukoy dito ni Pablo ang “walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” Nagpakita ng dakilang pag-ibig at walang-kapantay na kabaitan ang Diyos na Jehova sa mga tao nang ibigay niya bilang pantubos si Kristo Jesus, kaya naman nagkaroon ng pag-asang ‘maligtas ang lahat ng uri ng tao.’ (Tit 2:11; Efe 1:7; 2:4-7) At gaya ng sinabi ni Pablo, sinasanay ng ganitong kabaitan ang isang tagasunod ni Kristo. Ito ang pumapatnubay at nagpapakilos sa kaniya na gawin ang tama. (2Co 5:14, 15) Kapag natutuhan ng isang Kristiyano kung ano ang ginawa ni Jehova para sa kaniya, gugustuhin niyang mamuhay sa paraang magpapasaya sa Ama niya sa langit. Halimbawa, pagsisikapan niyang alisin ang maling mga pagnanasa at masasamang ugali na karaniwan sa “sistemang ito” na pinamamahalaan ni Satanas. (Tingnan ang mga study note sa Efe 2:2.) Pagsisikapan niya ring makapagpakita ng magagandang katangian, gaya ng katinuan ng isip, katuwiran, at makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2; 4:7.

di-makadiyos na paggawi: Tingnan ang study note sa Ro 1:18 para sa paliwanag sa ekspresyong “di-makadiyos na paggawi,” na kabaligtaran ng “makadiyos na debosyon.”

makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.

sistemang ito: O “panahong ito.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:17; Glosari, “Sistema.”

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

mga tao sa sistemang ito: Ang salitang Griego na isinalin ditong ‘sistema’ ay pangunahin nang nangangahulugang “panahon.” Kadalasan, tumutukoy ito sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Ang salitang Griego naman na isinalin ditong “tao” (koʹsmos) ay tumutukoy sa di-matuwid na lipunan na hiwalay sa Diyos. Sa talatang ito, ang kombinasyon ng mga terminong ito ay puwedeng isaling “landasin [o, “kalakaran”] ng sanlibutang ito,” na tumutukoy sa ugali at pamantayan ng mga taong hiwalay sa Diyos. Sinasabi ni Pablo na di-matuwid ang paraan ng pamumuhay noon ng mga Kristiyano sa Efeso.

tagapamahala na may awtoridad sa hanging: Si Satanas na Diyablo ang “tagapamahala” na tinutukoy rito. Ginamit ni Pablo ang hangin para ilarawan kung gaano kalaganap ang pagkamakasarili at pagiging masuwayin ng mga tao sa ngayon. Gumamit din si Pablo ng kaparehong ekspresyon sa 1Co 2:12 na isinaling “espiritu ng sanlibutan.” Kung paanong may hangin kahit saan, laganap din ang “espiritu ng sanlibutan.” May “awtoridad” ito, o impluwensiya, sa karamihan ng tao. Madaling makaimpluwensiya ang nangingibabaw na mga ugaling ito dahil hindi ito madaling mahalata, mahirap labanan, laganap na gaya ng hangin, at gusto ito ng makasalanang laman. Ang mga taong hiwalay sa Diyos at namumuhay nang salungat sa kalooban niya ay tinatawag ditong “mga masuwayin.”

Maligaya: Ang salitang Griego dito na ma·kaʹri·os ay hindi lang tumutukoy sa saya na nadarama ng isang tao dahil nalilibang siya. Sa halip, kapag iniuugnay sa tao, tumutukoy ito sa kalagayan ng isa na pinagpapala at kinalulugdan ng Diyos. Ginamit din ang terminong ito para ilarawan ang Diyos at si Jesus sa kaniyang maluwalhating kalagayan sa langit.—1Ti 1:11; 6:15.

kamangha-manghang pag-asa: O “pag-asang nagpapasaya sa atin.” Sa Bibliya, ang pag-asa ay tumutukoy sa “paghihintay nang may pagtitiwala sa isang bagay na tiyak na mangyayari,” gaya ng sinasabi ng isang reperensiya. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pag-asa ng ilang tao na mabuhay muli bilang imortal na mga espiritu at maging kasamang tagapamahala ni Jesu-Kristo sa “kaniyang Kaharian sa langit.” (2Ti 4:18; Apo 5:10) Pagpapalain ng Kahariang iyon ang mga sakop nito sa lupa at bibigyan sila ng pag-asa na mabuhay magpakailanman. Talagang nakakapagpasaya ang mga pag-asang ito para sa mga sabik na naghihintay sa katuparan nito. Isa pa, ang “maligayang Diyos” mismo ang nagbigay ng garantiya na matutupad ang mga pangakong ito. (1Ti 1:11) Ang salitang Griego na isinalin ditong ’kamangha-mangha,’ o “nakapagpapasaya,” ay isinaling “pinagpala” sa ibang Bibliya. Parehong idiniriin ng mga saling iyon ang pagsang-ayon ng Diyos sa mga umaasa sa mga pangako niya.—Ihambing ang study note sa Mat 5:3.

maluwalhating paghahayag: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinaling “paghahayag” (e·pi·phaʹnei·a) ay tumutukoy sa nakikita at matibay na ebidensiya ng isang bagay; puwede rin itong tumukoy sa pagpapakita ng awtoridad o kapangyarihan. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:14.) Dito, iniugnay ni Pablo ang ganitong paghahayag sa katuparan ng binanggit niyang “kamangha-manghang pag-asa.” Para sa pinahirang mga Kristiyano, kasama dito ang pag-asang mabuhay muli at mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Ipinapakita sa Bibliya na mangyayari lang ang pagkabuhay-muli sa langit kapag nagsimula na ang “panahon ng presensiya ng Panginoon” na si Jesus. (1Te 4:15-17) Ang pagbuhay-muling ito ay bahagi rin ng “maluwalhating paghahayag ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” Sa kapangyarihan ng Diyos, nahayag si Jesus at sinimulan niyang gantimpalaan ang mga pinahirang Kristiyano na namatay na.

ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo: Tinatalakay dito ni Pablo ang “maluwalhating paghahayag” ng Diyos at ni Jesu-Kristo. Karaniwan na, kay Jesus lang iniuugnay ang terminong “paghahayag.” (2Te 2:8; 1Ti 6:14; 2Ti 1:10; 4:1, 8) Dahil diyan, sinasabi ng ilang iskolar na iisa lang ang tinutukoy dito, kaya isinalin nila ang pariralang ito na “ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.” Ginagamit nila ang tekstong ito para patunayan na sa Kasulatan, si Jesus ang “dakilang Diyos.” Pero maraming iskolar at tagapagsalin ng Bibliya ang sumusuporta sa salin ng Bagong Sanlibutang Salin, kung saan dalawang magkaibang indibidwal ang binanggit.—May iba pang sumusuportang reperensiya na makikita sa Kingdom Interlinear, Ap. 2E, “Of the Great God and of [the] Savior of Us, Christ Jesus.”

pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinaling “pagkakahayag” (e·pi·phaʹnei·a) ay tumutukoy sa nakikitang ebidensiya ng isang bagay o pagpapakita ng awtoridad o kapangyarihan. Ginamit ito para tukuyin ang panahong nandito sa lupa si Jesus. (2Ti 1:10 at study note) Ginamit din ito para tumukoy sa iba’t ibang pangyayari sa panahon ng presensiya ni Jesus bilang Hari. (Halimbawa, tingnan ang study note sa 2Te 2:8.) Sa kontekstong ito, ang “pagkakahayag” ni Jesus ay tumutukoy sa isang pangyayari sa hinaharap kung saan malinaw na makikita ang kaluwalhatian at kapangyarihan niya bilang Mesiyanikong Hari.—Dan 2:44; 7:13, 14; 1Ti 6:15; 2Ti 4:1.

kasamaan: Ang salitang Griego dito na isinaling “kasamaan” ay nangangahulugang paglabag at kawalang-respeto ng mga tao sa mga batas, na para bang walang umiiral na mga batas. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.—Mat 7:23; 2Co 6:14; 2Te 2:3-7; 1Ju 3:4.

Israel ng Diyos: Ang ekspresyong ito, na isang beses lang lumitaw sa Kasulatan, ay tumutukoy sa espirituwal na Israel, hindi sa likas na mga inapo ni Israel (bagong pangalan ni Jacob). (Gen 32:22-28) Makikita sa naunang talata (Gal 6:15) na hindi kailangang tuliin ang isa para maging bahagi siya ng “Israel ng Diyos.” Inihula ni propeta Oseas na may mga Gentil na magiging bahagi ng isang bayan na pagpapalain ng Diyos. Sinabi ng Diyos: “Sasabihin ko sa hindi ko bayan: ‘Kayo ang bayan ko.’” (Os 2:23; Ro 9:22-25) May mga likas na Judio at proselita pa rin na kabilang sa espirituwal na Israel (Gaw 1:13-15; 2:41; 4:4), pero “maliit na grupo” na lang sila na natira sa bayang itinakwil ng Diyos (Isa 10:21, 22; Ro 9:27). Nang maglaon, isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma: “Hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.”—Ro 9:6; tingnan din ang study note sa Gaw 15:14; Ro 2:29; 9:27; 11:26.

para mapalaya tayo: Lit., “para matubos tayo.” Ang pandiwang Griego dito ay ginagamit noon para tumukoy sa pagpapalaya sa isang alipin o bihag sa digmaan sa pamamagitan ng pantubos. Ito rin ang pandiwang ginamit sa 1Pe 1:18, 19, kung saan sinasabing ang mga Kristiyano ay “pinalaya [o “tinubos,” tlb.]” sa pamamagitan ng “mahalagang dugo” ni Kristo.—Tingnan din ang study note sa Mat 20:28.

lahat ng uri ng kasamaan: Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng “kasalanan ay paglabag sa kautusan.” (1Ju 3:4) Pero hindi lang sa paggawa ng kasalanan tumutukoy ang kasamaan. Kasama rin dito ang kawalan ng paggalang sa mga utos ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 24:12.) Siyempre, alam ni Pablo na hindi lubusang malaya sa kasalanan ang di-perpektong mga Kristiyano. (Ro 7:19-23) Pero nagbago na ang paraan ng pamumuhay nila; hindi na nila binabale-wala ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. At dahil sa mga ginagawa ni Jesus bilang saserdote, nasa ‘puso at isip na nila’ ang kautusan ni Jehova. (Heb 10:14-16; Ro 7:25; 8:2, 4; Tit 2:12) Kaya masasabing ‘napalaya sila sa lahat ng uri ng kasamaan.’

isang bayan na espesyal niyang pag-aari: Nilinis at “pinalaya” ang mga tagasunod ni Kristo sa pamamagitan ng “mahalagang dugo” na ibinigay niya bilang pantubos. (1Pe 1:18, 19; Heb 9:14) Kaya matatawag silang “espesyal niyang pag-aari.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa “espesyal niyang pag-aari” ay puwedeng tumukoy sa isang “mamahaling pag-aari at natatanging kayamanan.” Katulad ito ng sinabi ni Jehova sa bayang Israel noon: “Kayo ay magiging espesyal [o, “minamahal”] na pag-aari ko mula sa lahat ng bayan.” (Exo 19:5; tlb; tingnan din ang Deu 7:6; 14:2.) Mula noong Pentecostes 33 C.E., nagkaroon si Jehova ng isang bagong “bansa” sa lupa, ang “Israel ng Diyos,” “isang bayan na . . . pag-aari ng Diyos.” (1Pe 2:9, 10; Gal 6:16 at study note) Kaya ang pinahirang mga Kristiyano ay matatawag na ‘espesyal na pag-aari’ ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. Pero ang “bayan” na ginamit dito ay hindi lang tumutukoy sa mga pinahirang Kristiyano. Kasama dito ang “ibang mga tupa” ni Jesus na masigasig na sumusuporta sa kanila. (Ju 10:16) Mahal na mahal silang lahat ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo.—Ihambing ang Aw 149:4; Hag 2:7.

buong pusong gumagawa ng mabuti: O “masigasig sa paggawa ng mabuti.” Sinabi ni Pablo na ‘buong puso,’ o masigasig at sabik, na gagawin ng mga Kristiyano ang tama sa paningin ng Diyos. Kasama sa ‘mabubuting’ gawa ang paggawa ng mabuti sa iba, pagpapakita ng mga katangiang bunga ng espiritu ng Diyos, at higit sa lahat, pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mat 24:14; Gal 5:22, 23; Tit 2:1-14; San 1:27; 1Pe 2:12.

pantubos: Ang salitang Griego na lyʹtron (mula sa pandiwang lyʹo, na nangangahulugang “pakawalan; palayain”) ay ginagamit ng sekular na mga Griegong manunulat para tumukoy sa bayad para makalaya ang isang alipin o para pakawalan ang mga bihag sa digmaan. Dalawang beses itong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Mar 10:45. Ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron na ginamit sa 1Ti 2:6 ay isinalin ding “pantubos,” na nangangahulugang halaga na katumbas ng naiwala. Ang iba pang kaugnay na salita ay ly·troʹo·mai, na nangangahulugang “palayain; tubusin” (Tit 2:14; 1Pe 1:18; pati mga tlb.), at a·po·lyʹtro·sis, na karaniwang isinasalin na “palayain sa pamamagitan ng pantubos” (Efe 1:7; Col 1:14; Heb 9:15; 11:35; Ro 3:24; 8:23).​—Tingnan sa Glosari.

Patuloy mong ituro ang mga bagay na ito, at patuloy kang magpayo at sumaway: Tinapos ni Pablo ang liham niya kay Tito sa pagbibigay ng mga bilin na pahigpit nang pahigpit kung ikukumpara sa sinundan nito. Alam ni Pablo na para sa ilan, baka paalala lang ang kailangang ibigay ng isang tagapangasiwa, ang iba naman ay kailangan nang tumanggap ng payo, at ang iba pa ay kailangan nang sawayin. At may ilan naman na baka kailangang tumanggap ng tatlong ito. Sa umpisa, baka kailangan lang silang ‘turuan’ ni Tito, pero kung hindi sila makikinig, baka kailangan na silang ‘payuhan.’ At kung hindi pa rin sila kikilos, kailangan na silang ‘sawayin.’ Hindi dapat mag-alangan si Tito na gawin ang tatlong bagay na ito dahil alam niyang binigyan siya ng “awtoridad” para sa atas na ito.

Hindi ka dapat hamakin ng sinuman: Dito, gumamit si Pablo ng isang pandiwang Griego na puwedeng magpahiwatig na minamaliit si Tito ng mga kumakalaban sa kaniya. Pero dapat tandaan ni Tito na bilang isang hinirang na matandang lalaki, may “awtoridad” siya na magpayo at sumaway sa mga sumisira sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon.—Ihambing ang 1Ti 4:12, kung saan gumamit si Pablo ng isang katulad na pandiwa para ipakitang posibleng hinahamak ng ilan si Timoteo dahil sa pagiging kabataan niya.

Media

Trabaho ng Isang Alipin
Trabaho ng Isang Alipin

Sa Imperyo ng Roma, karaniwan lang ang pagkakaroon ng alipin at pagiging alipin. May mga batas ang Roma para sa mga alipin at panginoon nila. Mga alipin ang gumagawa ng karamihan sa trabaho sa bahay ng mayayamang pamilya sa teritoryo ng Imperyo ng Roma. Ang mga alipin ay nagluluto, naglilinis, at nag-aalaga ng mga bata. Ang iba ay nagtatrabaho sa mga pagawaan, minahan, o bukid. Ang mga nakapag-aral na alipin ay naglilingkod bilang mga doktor, guro, o sekretarya. Ang totoo, puwedeng gawin ng mga alipin ang kahit anong trabaho, maliban sa pagsusundalo. Sa ilang pagkakataon, puwedeng mapalaya ang mga alipin. (Tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”) Hindi kinakalaban ng mga Kristiyano noong unang siglo ang batas ng gobyerno para sa mga alipin, at hindi rin nila pinapasigla ang mga alipin na mag-alsa. (1Co 7:21) Iginagalang ng mga Kristiyano noon ang legal na karapatan ng iba, kasama na ang mga kapuwa nila Kristiyano, na magkaroon ng alipin. Kaya pinabalik ni apostol Pablo ang aliping si Onesimo sa panginoon niya, si Filemon. Dahil isa nang Kristiyano si Onesimo, bukal sa puso siyang bumalik sa panginoon niya na Kristiyano rin at nagpasakop dito bilang alipin. (Flm 10-17) Pinayuhan ni Pablo ang mga alipin na maging tapat at masipag sa trabaho.—Tit 2:9, 10.